Chapter Ten

27.9K 840 24
                                    

"'WAG MONG sayangin ang oras ko, Charry. Kung alam mo lang, kanina pa kita gustong ihagis," nakatiim ang mga bagang na sabi ni Chase.

Napipilan si Charry. Nakikipagdigma ang atensiyon niya sa panganib na dala ni Chase laban sa mabango nitong hiningang parang tuksong humahaplos sa kanyang pisngi.

Binawi ni Chase ang kamay na nakapatong sa kanyang kamay na nakahawak sa pinto. Parang hari na tumuwid ito sa pagkakaupo. Unlike her, mukhang hindi ito apektado sa halos pagdidikit ng mga mukha nila kanina.

"Hindi mo ako kailangang ihatid," matigas na sabi niya, saka lumayo.

"Isang beses lang sa buong buhay mo mararanasan ang pagmamagandang loob ko kaya huwag mong palampasin," walang kaemo-emosyong sabi nito.

Tinapik ni Chase sa balikat ang driver na kanina pa pinaglilipat-lipat ang tingin sa kanila. "BCDA tayo, Bossing."

"Saang banda do'n, Sir?"

Nagbuka siya ng bibig para sumagot pero naunahan siya ni Chase.

"Tapat ng AB Garcia Building."

Napalingon si Charry sa lalaki. Paanong alam nito kung saan ang bahay niya? Plano pa naman niyang magpababa ilang bloke ang layo mula sa inuupahan.

Parang nababasa ang tanong sa isip niya, nakangising nilingon siya ni Chase. "Hindi lang address ng apartment mo ang alam ko tungkol sa 'yo, Charry. Age? Birthday? Height?" Bumaba ang tingin nito sa katawan niya. "Alam ko kahit size ng balakang mo, dibdib, at baywang."

Pinamulahan siya ng mukha pero pinili niyang pagtakpan iyon nang tapunan niya ito ng galit na tingin. Why was she surprised, anyway? Dalawang beses naman niyang napatunayan na sinusundan siya nito noon.

Pinigil ni Charry ang sarili na patulan ito. Pino-provoke siya ni Chase. Gustong-gusto nito kapag nagagalit siya. Bibigyan lang niya ito ng kaligayahan kung mabubuwisit siya.

Isinandal niya ang ulo sa bintana ng taxi sa halip na makipagsagutan kay Chase. Suko muna uli siya kahit naiibsan na nang bahagya ang pananakit ng ulo niya. Umeepekto na ang gamot na ininom kanina.

Ipinikit ni Charry ang mga mata. Ilang minuto rin ang itatagal ng biyahe patungo sa apartment niya sa Taguig at maso-suffocate siya kung makikita ang pagmumukha ni Chase.

Guwapo nga ito, walang duda. Kung sa ibang panahon at pagkakataon sila nagkakilala, maa-appreciate niya ang nakakataranta nitong aura at intimidating na presensiya. Pero ano ang silbi ng guwapong mukha kung saksakan naman ng gaspang ang ugali nito?

Dahil masama ang pakiramdam, hindi namalayan ni Charry na nakatulog siya. Suminghap siya sa gulat nang biglang kumabig pakanan ang driver.

Malakas siyang napadaing nang tumama ang ulo niya sa bintana ng taxi. Nakangiwing nasapo niya ang gilid ng ulo. Dumukwang siya para tingnan kung ano ang nangyari.

"Kuya, ano hong nangyari...?"

"Sorry, Ma'am. May biglang sumulpot na truck sa harap..." apologetic na lingon ng driver sa kanya.

"O-okay lang ho. Mag-ingat ho kayo."

Sumandal si Charry sa backrest ng upuan. Napasulyap siya kay Chase, noon lang naalalang kasama ito sa taxi. Sinamaan niya ng tingin ang lalaki nang makitang nakatingin ito sa kanya. "Hindi kita huhusgahan kaya tumawa ka na," nakasimangot na sabi niya.

Sumandal din si Chase sa backrest. "Serves you right." Nag-iwas ito ng tingin at itinuon ang mga mata sa labas ng sasakyan. Ewan niya pero may pakiramdam siya na hindi ito sincere sa sinabi.

Humalukipkip siya at pinigil ang sariling makatulog uli. Nakahinga lang siya nang maluwag nang sa wakas ay pumarada ang taxi sa harap ng apartment niya. Akmang bubuksan niya ang pinto ng taxi nang pigilan iyon ni Chase. Binawi niya ang kamay na hawak ng kamay nito.

Men in Tux 1 : Falling For Mr Cruel (Wattys 2018 Winner) Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon