Nang lumingon ako sa tatay ko, karga pa rin niya si Kent pero nakatingin na siya sa 'kin. Binigyan niya 'ko ng maliit at nanunukat na ngiti.

Tsk, 'tong si Efren. Nahihiya pa lumapit eh alam ko namang na-miss din niya ako.

Inabot ni Kent si Kuya Lex kaya pinalipat siya ni Dad at ako naman ang lumapit sa tatay ko para batiin siya. Ako na 'yung unang yumakap sa kanya kasi baka nahihiya na naman sa 'kin. Buti na't ako 'yung wala namang pride pagdating sa mga taong mahal ko. Ibinalot din ng tatay ko 'yung mga braso niya sa 'kin.

"Na-miss kita, Dad," sabi ko. And I actually meant it.

Hindi siya sumagot pero humigpit 'yung yakap niya sa 'kin. Alam ko nang 'yun din 'yung ibig sabihin n'un. Nang magbitaw kami, namumula 'yung ilong niya at di siya makatingin nang derecho sa 'kin.

"Kumusta ang bakasyon, Dad? Kumusta si Mommy?"

"'Yun. Masaya." Inayos niya 'yung strap ng dala niyang bag. Inabot ko 'yun para ako na ang magdala. "Okay naman ang mommy mo pero ngayon malungkot din. Pag-iisipan daw niya kung uuwi na siya rito."

"Eh kung saan kayo magiging masaya pareho," kindat ko.

Nagsimula kaming maglakad palabas ng terminal. Kakuwentuhan na ni Kuya si Mere na hawak ang kamay ni Kent, at kasunod namin sina Kevin at Karina. Kaming dalawa na ni Dad ang nanguna palabas. Tumawag na ako kay Manong Aris para sunduin na kami.

"'Yun palang tungkol kay Ray," simula ni Dad habang naghihintay. "Huwag mo nang problemahin 'yun. If you think he should be fired, then he should be fired."

Nilingon ko siya. "Hindi n'yo ba ako pagpapaliwanagin?"

Nagkibit-balikat siya saka ngumiti. "You're the COO now. Mas may karapatan ka nang magdesisyon tungkol sa kumpanya kaysa sa 'kin."

"May tiwala ka na sa mga desisyon ko, Dad?" biro ko.

Tumawa siya. "Oo naman!" 'Tapos ay tinapik niya ako sa braso. "Saka naipakita mo rin naman na sa 'kin na marunong ka nang gumawa ng responsableng mga desisyon. I trust you to do the right thing."

Naalala ko bigla 'yung "responsableng desisyon" na ginawa ko kahapon kaya ako inaway ni Mere ehehe di bale na. Pareho naman kaming may natutunan kagabi. Pareho kaming may dahilan. Pareho kaming nakapagpaliwanag, at pareho kaming nakinig sa isa't isa. We good.

Nagpatuloy si Dad. "Isa pa, I'm proud of how you handled the situation," dagdag niya. "I'm proud of how you handled being acting CEO."

I'm proud.

Ako naman ang di makatingin sa kanya. Ilang beses akong lumunok para makasagot. "Alam n'yo kung gaano katagal kong hinintay na marinig 'yan galing sa inyo?"

Mahinang tumawa si Dad na nakita kong nakatingin din siya sa malayo nang sulyapan ko siya. "Siguro kasing tagal ng kung gaano ko na katagal gustong sabihin 'yun sa 'yo."

Kung walaaaaa ka naaaaang maintindihan—

Noon kami nagkatinginan ni Dad, saka kami ngumiti sa isa't isa. Kung kasing edad lang ako ni Kent, baka inabot ko siya at hinawakan siya sa kamay. Pero n'ung ginawa ko kasi 'yun n'ung kasing edad ako ni Kent, hinila niya 'yung kamay niya at sa yaya ko ako humawak. Ngayon naman, twenty-five na ako at 5 feet, 11 inches na ng medyo maskuladong mama. Nahiya na akong subukan. Kaya nagulat ako at itinago ko 'yung emosyon ko dahil ayokong mag-drama sa airport nang akbayan ako ni Daddy. It was a half-hug, pero ramdam ko 'yun hanggang sa bone marrow. Ibinalot ko rin 'yung isa kong braso sa baywang niya at tinapik siya sa likod. 

Huminga ako nang malalim saka siya nginitian na medyo mainit ang mga mata. "Thanks, Dad. Welcome back."

Tumango lang siya. "Salamat din, anak." Suminghot siya at binitawan ako. "O, ayan na si Aris. Saan n'yo gustong kumain?"

A Love Like This (FFTB #2)Where stories live. Discover now