Sixteen

5.6K 178 8
                                    

Migs

Mahirap para sa akin ang mga nakaraang araw. Pinilit kong dumistansya gayong alam kong malaking comfort ang maibibigay ko kay Hannah basta magtiwala lang siya sa akin. Hindi naman siguro sa nagmamayabang ako pero sigurado lang talaga ako sa mga hangarin ko para sa kanya.

Hindi ko alam kung kelan ako nagsimulang maging tagapagtanggol niya pero hangga't walang humahawak ng titulo, tama na lang siguro na ako na ang magprisinta.

Iyong gabing iyon na nagkamali ako sa pagtutulak sa kanya na ngumiti ang gabing pinagsisisihan ko. Naramdaman kong bumabagsak na ang mga depensa niya pero isang aksyon lang ang kinailangan para ibalik niya ang mga iyon. 'Di naman ako bobo para hindi mapagkunekta ang mga nagiging response niya sa akin. Ayaw niya ng hinahawakan, ayaw ng nasisiksik sa maliit na espasyo, laging matalas ang mata sa bawat kinikilos ng mga nasa paligid niya.

Nakaranas ng violence si Hannah. Nang mag-settle ang utak ko sa konklusyong iyon, hindi ko na ito maalis sa isip ko. Gusto kong malaman kung isang pang-araw-araw na kaganapan iyon sa buhay niya sa Maynila. Tang'na. Maisip ko lang na kahit isang beses lang na may nagbuhat ng kamay sa kanya, gusto kong manuntok ng tao.

Sino kaya ang gagawa noon? Boyfriend? Mukha namang hindi ganoon katanga si Hannah para manatili sa isang relasyon na gano'n. Eh sino? Papa niya?

Itinulak ko muna iyon sa likod ng utak ko. Hangga't hindi pa ako sigurado, hindi ko ikukunsidera. Siguro naman may mas maayos na kasagutan sa tanong ko. At hangga't hindi ko nakukuha iyon mula kay Hannah, I won't jump into conclusions.

"Cute," bati ko sa kanya nang makitang naglalakad siya patungo sa training facility. Nakasuot siya ng riding helmet. Pinagpalit ko rin siya ng pantalon baka sakaling malaglag siya sa kabayo. Walang kaduda-duda, tatawanan ko muna siya bago tulungan kung mangyari man iyon pero syempre kaligtasan pa rin niya ang iniisip ko. Isa pa, iyon ang number one rule sa training facility: SAFETY FIRST. Lalo pa't karamihan ng nagiging estudyante namin ay bata.

Tiningnan niya ako ng masama. "Sabihin mo nga sa akin, bakit nga pala uli ako pumayag dito?"

"Kasi hindi ka nakatiis nang makita ang guwapo kong mukha?"

Inirapan niya ako pero napuna ko pa rin ang maliit na ngiti sa labi niya. "Bilisan mo na nga, gagabihin na tayo."

Pumunta ako kung saan ko iniwan si Luna at tinanggal ang buhol ng tali niya. Lumapit kami kay Hannah. Tinapik ko ang kabayo ko sa ilong. "Luna, gusto kong makilala mo si Hannah na naglilinis ng kulungan mo. Hannah, si Luna, ang riding buddy mo ngayong araw na ito."

Dahan-dahang inabot ni Hannah ang kamay niya patungo sa nguso ni Luna at hinaplos ito. Napabalikwas siya nang bigla siyang tinabig ni Luna pero nang mag-settle ang alaga ko ay ibinalik niya ang paghahaplos dito. Natuwa naman ako kasi hindi na siya gaanong natatakot sa mga kabayo.

"Ituturo ko muna sa'yo kung paano magsuot ng saddle saka ko ituturo ang pagsakay."

Tumango lang si Hannah. Halatang-halata sa kanya na pinipigilan niyang ipakita ang excitement niya sa aktibidad namin. Kung sanay lang magpakita si Hannah ng emosyon, nagsisitalon siguro siya ngayon.

"Bakit mo ginagawa 'yon?"

"Ang alin?"

"Bakit ayaw mong tumalon kung gusto mong tumalon. Hindi ka ba excited dahil sasakay ka ng kabayo?"

Tinaasan niya ako ng kilay. "Kailangan ba talaga yon?"

"Hindi naman. Hindi ka lang kasi nagre-react na parang babae."

"Kung gusto mo ng reaksyon na parang babae, dapat hindi ako yung tinuruan mo. Dyan ka na nga." Ang bilis talagang magbago ng mood ni Hannah. Kung bakit pinagtitiyagaan ko pa rin siya hanggang ngayon, hindi ko alam. Masokista ata ako.

Hinila ko siya sa braso. Buti na lang at hindi siya nag-flinch sa hawak ko. Inaakala ko na matapos ang nangyari, maging mapagmatyag na uli siya sa akin. "Hindi naman sa gusto kitang magbago. Ang totoo nga niyan, gusto kita sa kung ano ka ngayon. Medyo kailangan lang ng improvement pagdating sa pakikitungo sa ibang tao pero pwede nang pagtiyagaan." Naramdaman kong biglang nag-init yung balat niya sa sinabi ko. Nang tumingin ako sa mukha niya, namumula siya. Ngayon ko lang ata siya nakita ng ganito. Binitawan ko siya nang makasigurong hindi siya aalis. "Bakit ka namumula?"

Biglang dumaan ang panic sa features niya. "W-wala." Nakita ko kung paano pinilit ni Hannah na ibalik sa pagmamaldita ang hitsura niya. "Tuturuan mo ba akong mangabayo o uuwi na lang ako?"

Napailing na lang ako saka nagsimulang ituro sa kanya lahat ng basics-kung paano ang tamang paglagay ng saddle, ang tamang pagsakay, ang tamang postura kabag nakasakay sa kabayo, at napaikot niya rin si Luna sa grounds na ako ang naggagabay. Natagalan kami sa pagtuturo sa kanya kung paano sumakay kasi kada uupo si Hannah sa saddle, naglalakad si Luna ng ilang hakbang, isang trait na hindi dapat kasanayan ng alaga. Dapat sa tuwing sasakay ay steady lang ang kabayo, bagay na sinabi ko kay Hannah. Trained naman si Luna na sinasakyan. Hindi lang siguro siya sanay na mas magaan ang karga niya.

Nang matapos kami, palubog na ang araw.

"Bumaba ka na," utos ko.

Napatingin siya sa lupa tapos sa 'kin. "Ang sakit ng muscles ko. Baka ma-out of balance ako pagbaba."

"Akala mo lang 'yon. Bumaba ka lang. Sasaluhin kita kapag hindi mo kaya. Basta magtiwala ka lang na sasaluhin kita. Pramis."

Tumitig siya sa akin, hinahanap sa mata ko kung niloloko ko lang siya. Nakita ko naman sa kanya na naiintindihan niya ang mga salitang nasa likod ng sinabi ko. Na yung pangakong binitawan ko ay hindi lang para sa araw na 'to kundi panghabambuhay. Kailangan niya lang talaga akong pagkatiwalaan.

Napalunok siya saka huminga ng malalim. Nang i-assume ang posisyon ng pagbaba ay pumunta agad ako sa tabi at inalalayan siyang bumaba. Pagtapak niya sa lupa ay nawalan nga siya ng balance at nandoon naman ako agad sa tabi niya para itayo siya ng tuwid.

"Ayos ka lang?" tanong ko nang makita na naman ang namumula niyang mukha.

Tinulak niya ako palayo saka tumango. Ika-ika siyang naglakad papunta sa bakod at sumampa doon. "Hindi ko maramdaman ang binti ko."

Umismid ako. "Sanayan lang 'yan."

"Yabang!"

Inayos ko lahat ng kagamitan ni Luna at nilagay ko sa balikat ko. Nilagutok ko ang dila ko para tawagin ang kabayo ko palabas ng bakod. "Mauna ka na sa bahay. Lilinisin ko muna si Luna." Hindi ko na siya tinulak na bumalik agad-agad sa bahay. Hinayaan ko lang siya na nakasandal doon at nagbabanat ng buto.

Nang medyo makalayo na ako ay narinig ko siyang sumigaw, "Miguel!" kaya naman napatigil ako't lumingon.

Kahit na malayo ako, napansin kong kinagat niya ang labi niya at iniwas niya saglit ang tingin niya bago siya ngumiti. Napaka-genuine ng ngiting iyon at pakiramdam ko nabulag ako sa sobrang kinang ng aura na inilalabas niya ng mga panahong iyon. Naramdaman ko pa ngang tumalon ang puso ko nang makita iyon.

"Salamat," sambit niya. Wala na akong naitugon kasi kasimbilis ng pagsabi niya ay ganoon din kabilis siyang naglakad papunta sa bahay habang ako naman ay naiwang nakanganga sa naiwan niyang liwanag. Nagmistulang anghel si Hannah kanina at ganoon na lang ang nais ko na makita siyang nakangiti araw-araw.

Oras na talaga para iligtas ang anghel na ito mula sa sarili niyang impyerno.

The Sweetest EscapeWhere stories live. Discover now