Forty-six

6.2K 197 15
                                    

Migs

"Okay ka lang?"

Natauhan ako sa tanong ni AJ. Nasa gilid ako ng talyer at nakikisama sa mga pinsan ko habang may sine-celebrate na naman silang kung ano. Nakalimutan ko na yung excuse na ginamit nila para mag-inuman. Nakakatawa kasi noong mga alcoholic days ko, ako pa ang naghahanap ng mga excuse na iyon.

"Ayos lang ako, AJ," pagsisinungaling ko. Alam kong nag-aalala si AJ sa akin lalo pa't dumistansya rin ako sa kanila pagkatapos ng nangyari kay Hannah. Lalong-lalo na noong gabing uminom ako.

Alam kong malaking pagkakamali ang ginawa ko pero desperado na akong makausap si Hannah, wala na akong naisip na ibang paraan. Kung malinaw lang ang pag-iisip ko, dapat pala ginaya ko na lang si Hannah at nagbasag ng baso. Sa ganong paraan, hindi ako makakainom at makakapaglabas pa ako ng frustration. Ayan tuloy, makakita pa lang ako ng alak, nanunuyo na agad ang lalamunan ko. Inaakit ako ng mga basong puno nito. Para pigilan ang sarili ko, panay tubig ang binabanatan ko. Napupuna na tuloy ng kapatid ko ang ginagawa ko.

"Alam mo namang nandito lang ako kapag gusto mo ng kausap."

"Uminom ako nung isang gabi," pag-amin ko.

Walang bakas ng sorpresa sa mukha niya nang sabihin ko iyon. Medyo lumungkot nga lang siya na tila mas gusto niyang salungatin ko yung katotohanan kesa marinig ito. Inilihis niya ang tingin niya sa akin at huminga nang malalim saka siya humarap uli sa akin. Galit ang tingin niya. "Sumunod ka."

Clueless at guilty, sumunod naman ako.

Nang makalayo kami sa talyer, tumigil siya at humarap sa akin. Agad din akong huminto dahil babangga na ako sa kanya. 'Di ko inaasahan na sisikmuraan ako ng kapatid ko kaya nang tumama ang kamao niya sa tiyan ko, napayuko ako sa sakit.

"Ayan, hindi na ako galit." Nakapamewang siya habang tinititigan lang ako.

"Para kang babae kung sumuntok. Tinuruan kita 'di ba?" Dahan-dahan akong tumayo ng tuwid saka ko minasahe ang tiyan ko.

Pinandilatan niya lang ako. "Kuya naman kasi. Ikaw yung parang babae kung umakto. Matalino ka naman, 'di ba? Bakit hindi mo gamitin ang utak mo?"

"Hindi naman nadadaan ang lahat sa talino, AJ. Sa ating dalawa, ikaw ang mas nakakaalam ng sinabi ko."

Tumingin siya sa sahig, naging humble ang postura. "Huwag mo akong isama sa usapan. At hindi iyon ang punto ko, Kuya. Kailangan ka ni Hannah."

"Alam ko 'yon. Sa tingin mo ba hindi ko sinubukang manatili sa tabi niya? Umpisa pa lang, lagi niya na akong ipinagtatabuyan."

Tinaasan niya ako ng kilay. "At hinayaan mo ba 'yong makapagpigil sa'yo?"

Napangiti ako. "Hindi."

"Tamo!"

Gumaan ang pakiramdam ko sa saglit naming usapan. Hindi ko rin napigilang guluhin ang kanyang buhok. Ayaw ko kasing makita niya na medyo naluluha ako sa ginawa niya. Tsaka pakiramdam ko, sa isang iglap lang ay lumaki na agad ang kapatid ko. Ang bilis talaga ng panahon. "Ang tigas ng ulo mo."

Naiinis niyang tinabig ang kamay ko. "Kanino pa ba ako magmamana?"

"Kay Kiel," painosente kong sagot.

Nginisian niya ako. "Umuwi ka na sa rancho. Hindi ka namin kailangan dito. Ako nang bahalang uminom ng mga parte mo."

"Maghinay-hinay," paalala ko.

Pinaspas niya lang ang kamay niya sa hangin, gesture na pinapaalis na niya ako. Mukhang hindi na rin naman ako kailangan dito kaya sinunod ko na lang ang kapatid ko.

The Sweetest EscapeOù les histoires vivent. Découvrez maintenant