Forty-three

5.1K 157 10
                                    

Migs

Hinarangan agad kami sa may daan. Ang daming tao sa paligid ng compound, mga nagsilabasan ng bahay nang marinig ang komosyon.

Nakikipagtalo ang Kakang Isko sa mga pulis. Ako naman ay hindi mapakali dahil walang ginagawa. Iyon naman ang kadalasang estado ko nitong mga nakaraang araw—walang magawa.

Kaming tatlo na nasa loob na kotse ay nabahala nang makarinig ng putok. Isa. Dalawa. Nagkatinginan kami ni Kiel na nanlalaki ang mga mata. Kung ano mang nangyayari sa loob, hindi na kontrolado iyon ng mga pulis. Patunay ang pag-radio sa officer na nakaharang sa amin. Nagdalawang-isip muna siya kung aalis siya sa pwesto. Pero mukhang mas kailangan siya sa loob kaya matapos ang isang nagbabantang tingin ay tumakbo siya papunta sa bahay.

Walang epekto sa akin ang warning niya. Lumabas agad ako ng kotse at lumapit sa bahay. Risky, alam ko. Pero kailangan kong malaman kung anong nangyayari. Kailangan kong malaman na pagkatapos ng misyon nila na ito, babalik sa amin si Hannah nang buo.

Dalawang bahay pa ang layo ko, meron na namang humaharang sa akin. "Sir, bawal lumapit."

Yung isa niyang kasama ay nagsalita sa lahat ng nakikiusyoso. May ilan na ring miyembro ng media ang nasa lugar. "Kumalma lang po ang lahat at magsibalik na sa mga tahanan ninyo!"

Nakarinig muli kami ng isa pang pagputok. Nagsisisigaw ang mga tao sa labas. Yung iba ay nagsitakbo na palayo. Ako naman ay nababaliw na sa pagiging pasensyoso. Tatlong putok na iyon. Ano na ang nangyayari? Jusko, huwag naman si Hannah.

Nakahabol sa akin ang Kakang Isko. Namumuti na ang kamay na nakahawak sa tungkod niya. Nang iangat ang tingin ko, nakita kong namumuti na rin ang mukha niya sa takot.

"Maupo muna kayo, Kaka," suhestiyon ko. Siya muna ang iintindihin ko para maalis ang kaba sa dibdib ko.

Umiling siya. "Kapag may masamang nangyari sa apo ko..." Sa pagtigil ng pangungusap na iyon ay tuluyan nang bumigay ang Kaka. Hindi na niya itinago pa ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan.

"Huwag kayong panghinaan ng loob." Payo ko iyon sa kanya. May kutob din ako na sinasabi ko iyon sa sarili ko.

Wala kaming ibang nagawa kundi maghintay. Pinanood namin ang pagpasok ng mga paramedic sa bahay, bitbit ang dalawang stretcher. Pinagpapawisan na ako ng malamig, inaabangan at kinamumuhian ang magiging bitbit ng stretcher na iyon paglabas.

Lumipas ang ilang minuto, lumabas na uli sila. Doon ako binalot ng adrenalin na tumulak sa akin para tumakbo papunta sa stretcher kung nasaan si Hannah.

Buhay siya, buhay siya, buhay siya, ang paulit-ulit na sinasambit ng isip ko.

Tinatabig ko na ang lahat ng mga humaharang sa akin. Sa gilid ng mga mata ko, nakita ko si Chief Marasigan. Siya na mismo ang pumigil pa sa ibang mga nagtangkang pumigil sa paglapit ko.

Hindi ko alam kung anong dapat na asahan kapag nakita ko siya. Pero hindi ito iyon. 'Di ko dapat in-expect na makikita siyang maayos at matiwasay. Sana pala hinanda ko ang sarili ko sa mas malubhang sitwasyon. Sanay akong makakita ng dugo pero nang makita kay Hannah, gusto kong sumuka. Gusto kong sigawan yung mga tao na dalian ang mga ginagawa nila at bigyang atensyon ang patuloy na pagdaloy ng dugo sa noo niya.

Sinusundan ko ang pagtulak nila sa stretcher papunta sa loob ng ambulansya. "Sandali lang!"

Hinawakan ako ng isang EMT sa balikat. Itinabig ko iyon. Nagagalit na ako sa lahat ng mga humarang sa akin para makalapit sa kanya. Paano ko masisigurong ayos lang siya? Paano ko siya maililigtas kung hindi ko man lang siya malapitan?

Pagkalapit ay ipinatong ko ang daliri sa pulsuhan niya at medyo nakahinga ako nang maluwag sa mahinang pagpintig noon. Hinanap ko ang kamay niya at hinawakan ito. Kahit iyon ay sobrang gaan. Malamig. Pinisil ko iyon, umaasang pipisilin niya pabalik pero wala akong nakuhang response mula sa kanya.

The Sweetest EscapeWhere stories live. Discover now