Twelfth Promise

1.4K 73 0
                                    

INIHAGIS ni Syndrome si Rochster papasok sa rooftop garden ng ospital. Hindi na niya kailangang kumilos para isara ang pinto dahil sa nag-uumapaw pa lang niyang kapangyarihan ay kusa nang gumagalaw ang mga bagay sa paligid niya.

Umalog ang mga pasô at ang mga nakasabit na halaman. Bumabagsak ang mga iyon pero salamat sa kapangyarihan niya, imbes na bumagsak at mabasag ay lumulutang lang ang lahat sa ere.

Ngayong tuluyan nang naghilom ang sugat niya at wala nang dahilan para pigilan niya ang paglalabas ng spirit force, lulubos-lubusin na niya iyon para iparamdam kay Rochster na hindi siya nagbibiro sa mga pagbabanta niya ngayon.

"Who is Misoo McCollins, Rochster?" galit na tanong niya. "Kapag nagsinungaling ka sa 'kin, papatayin kita at hindi mo 'yon mararamdaman hanggang sa mahati na lang ang katawan mo sa gitna gaya ng ginagawa ko sa mga buwisit na Undertaker. And I'm serious this time!"

Tumalim ang tingin ni Rochster pero napansin din niyang napalunok ito. Mabuti naman at sineryoso na nito ang pagbabanta niya. Dapat lang dahil hindi siya nagbibiro sa pagkakataong iyon.

Pagod na siya. Napakahaba nang gabing iyon para sa kanya. Sa tulong ng mga Questor ay nagmukhang aksidente ang nangyari sa UnderGround.

"Bumagsak ang kisame ng bar dahil sa mahinang pundasyon kaya marami ang namatay at nasaktan." Iyon ang kuwentong itinanim ng mga Questor sa isipan ng mga nakaligtas na biktima na posibleng nakasaksi sa tunay na nangyari. Kinailangang palitan ang alaala ng mga ito para manatiling sekreto ang tungkol sa mga demonyo at Undertaker na hindi nakikita ng mga normal na tao. Kapag nalaman ng mga ordinaryong mortal na araw-araw ay may nakakasalubong na mga demonyo ang mga ito, siguradong magkakagulo lang at magkakaroon ng malaking problema. Trabaho ng mga Guardian na tulad niya na siguruhing hindi iyon mangyayari.

Dinala sa ospital ang mga biktima at sa kabutihang-palad, marami naman ang nailigtas dahil na rin sa ginawa ni Misoo kanina. Pero dalawampung kabataan pa rin ang binawian ng buhay dahil nakain ng mga demonyo ang kaluluwa ng mga ito.

Sa kasalukuyan, ang 'aksidenteng' iyon ang laman ng mga balita.

Si Syndrome ang personal na nagdala kay Misoo sa ospital. Nawalan kasi ito ng malay.

Isinabay rin niya si Rochster at ang mga tauhan nito na narinig niyang tinawag nito sa mga pangalang Elnora at Wynn. Nang dumating siya kanina sa UnderGround ay pareho nang walang malay ang mga Rogue kaya hindi nakita ng dalawa ang inilabas ni Misoo na kakaibang kakayahan. Mabuti na rin at siya lang ang nakakita niyon.

Habang ina-admit si Misoo sa emergency room kanina, kausap naman niya si Noel na isang doktor na nasa late forties na at pinuno ng mga Questor sa lugar na iyon. Kahit hindi direktang nasa ilalim niya ang mga Questor, mas mataas pa rin ang posisyon niya kay Noel bilang isang Clan Head kaya inutusan niya itong 'linisin' ang kalat na naiwan sa UnderGround. Ibig sabihin, kailangan nitong siguruhin na napalitan ang lahat ng alaala ng mga nakasaksi sa totoong nangyari nang gabing iyon.

Nag-report na rin sa kanya kanina si Donabelle, isang professor naman na nasa late twenties at pinuno ng mga Hunter sa lugar na iyon. Inutusan niya ang babae na pakilusin ang lahat ng mga Hunter sa ilalim ng pamumuno nito para masigurong wala nang mga Binge Feeder sa paligid.

'Area Captains' ang tawag sa mga gaya nina Noel at Donabelle na namumuno sa maliliit na clan sa isang partikular na lugar, siyudad, o probinsiya. Gayunman, si Noel ay nasa ilalim pa rin ng direktang pamumuno ni Aries, gaya ng kung paanong siya rin ang 'boss' ni Donabelle bilang Clan Head ng mga Hunter.

Nang masigurong under control na ang sitwasyon, nag-report na siya sa Academy at ipinaalam sa mga kapwa Clan Head na naayos na niya ang problema. Pero siyempre, hindi niya sinabi sa mga kasamahan ang hinala tungkol sa tunay na pagkatao ni Misoo McCollins. May pakiramdam siya na hindi niya dapat gawin iyon.

Pagkatapos na masigurong ligtas na si Misoo, saka niya hinarap si Rochster.

"Sigurado akong may ideya ka na kung sino si Misoo McCollins, Syndrome," sa wakas ay sagot ni Rochster na halatang napilitan lang na magsalita. "Sabihin mo sa 'kin. Sa tingin mo, sino siya pagkatapos mong makita ang kakaiba niyang kakayahan na manggamot ng pinsalang dulot ng isang Undertaker?"

"The princess," pabulong na sagot niya sa hindi siguradong boses. "Is she really the late Queen Suzanne's daughter?"

Kahit narinig niya ang sariling boses, parang hindi pa rin siya makapaniwala. Pero mahirap itanggi maging sa sarili ang nangyari kanina na nasaksihan at naranasan pa niya mismo.

Only one bloodline could wield the Scythe—the Espiritus.

Iyon pa lang ay sapat nang patunay na si Misoo ay nagmula sa angkan ng mga Espiritu. At dahil sa kakayahan ng babae na manggamot gamit ang piraso ng sariling kaluluwa, hindi maitatangging ito ay anak ng namayapang si Queen Suzanne.

Hindi kinumpirma ni Rochster ang hinala niya. Nanatiling tikom ang bibig ng Rouge pero makikita sa mga mata nito na hindi nito itinatanggi ang mga sinabi niya.

"Alam din ba ito ng mga Rogue na kasama mo kanina?"

Umiling si Rochster. "Sa buong clan ng mga Rogue, dalawa lang kaming nakakaalam ng tungkol sa espesyal na abilidad ni Misoo McCollins. Sa pagkakaalam ng mga tauhan ko, anak lang siya ng isang importanteng miyembro ng Fourth Order noon."

Kahit paano ay nakahinga nang maluwag si Syndrome na iilan lang ang nakakaalam sa tunay na pagkatao ni Misoo. Pero marami pa rin siyang katanungan at hindi siya mapapakali hangga't hindi nalalaman ang buong katotohanan. "Paano nabuhay ang anak ni Queen Suzanne? Ang pagkakaalam ng buong Spirit Guild ay namatay ang bata kasama si Sir Kester Bueno sa aksidente?" Ang taong binanggit niya ay ang asawa ng dating reyna at dati ring Clan Head ng mga Hunter. "Kinumpirma mismo ng Council ng Fourth Order ang pagkamatay ng mag-ama."

Dumaan ang galit sa mga mata ni Rochster pero mukhang kinalma nito ang sarili. Bumuga ito ng hangin at binigyan siya ng iritadong tingin. "Syndrome, wala ako sa lugar para ipagtapat sa 'yo ang totoong nangyari sampung taon na ang nakalipas. Sumusunod lang din ako sa mga utos. I'm not even supposed to breathe a word to anyone, especially not to the Hunters Clan Head himself. I will haunt you forever if I get killed for this. And I'm not joking."

Pagbabantaan sana uli niya si Rochster. Kung kailangan niya itong takutin para makuha ang mga sagot na gustong malaman ay gagawin niya. Pero natigilan siya nang makaramdam ng dalawang bagong presensiya sa kanyang likuran.

Pumihit siya paharap sa mga bagong dating. Isang babae at isang lalaki na magkaabrisete. Sa tantiya niya ay nasa late thirties o early forties pa lang ang mga 'bisita.' Hihilahin na sana niya ang kanyang espada pero natigilan siya nang may maramdamang kakaiba sa babae.

Mahina na ang nararamdaman niyang spirit force sa babae; mas mataas lang iyon nang kaunti kaysa sa mga normal na tao.

Kumunot ang kanyang noo habang nakasimangot. Pamilyar ang babae sa kanya pero hindi niya alam kung bakit. Isa pa, nasa ibang bagay ang atensiyon niya ngayon. "You're an Alumna."

Nakangiting tumango ang babae at nag-mock curtsy pa sa harap niya. "I'm honored to meet you, Syndrome Daniel Rathbone, the current Hunter Clan Head."

Napasimangot si Syndrome habang nag-iisip. Hindi kasi niya kilala ang mga tumiwalag na miyembro ng Fourth Order bago siya naging isang Clan Head. "Who exactly are you?"

"I'm Mirasol Maxwell, Misoo's mother."

Kumunot ang kanyang noo sa sinabi ng babae. Hindi siya nakapagsalita dahil hindi niya alam ang uunahin sa dami ng tanong na nabuo sa isip niya.

This is so fucked up.

Ngumiti si Mirasol na parang naaaliw sa reaksiyon niya. Pagkatapos ay marahan nitong ipinatong ang isang kamay sa braso ng katabing lalaki na nakangiti na parang naaaliw sa tagpong iyon. "At ito naman si Maxwell McCollins, ang asawa ko. Siya rin ang biological uncle ni Misoo."

Biological?

Buong buhay ni Syndrome, ang pagkakaalam niya ay nag-iisang anak lang ang asawa ni Queen Suzanne na si Sir Kester Bueno. Sigurado siyang ganoon din ang pagkakaalam ng buong FourthOrder dahil kilala at tinitingalang angkan ng mga Hunter ang mga Bueno. 'Star level' ang kasikatan ng tagapagmana ng pamilyang iyon kaya alam ng lahat na walang kapatid si Sir Kester. Pero ngayon, biglang may lalabas na tiyuhin si Misoo McCollins?

What the fuck is happening?

The Fourth Order SeriesWhere stories live. Discover now