BITBIT ang handbag, bumaba si Charry ng bus na sinakyan mula pa sa Cubao terminal. Nagmamadaling dumeretso siya sa common CR ng restaurant na hinintuan nila para magbanyo. Hindi siya nagising agad nang huminto ang bus para sa ilang minutong stopover sa Atimonan. Tuloy, halos lahat ng pasahero, nakabalik na at siya na lang ang hinihintay.

Bumiyahe siya pauwi ng Bicol para kausapin at humingi ng palugit kay Mrs. Ramos, ang negosyanteng napagsanglaan ng nanay niya sa bahay at lupang noon ay sinasaka ng kanyang ama. Minana pa ng kanyang ina sa mga magulang nito ang lupang iyon. Tatlong buwan na siyang delayed sa bayad at nagbabanta na ito na iilitin ang lupain.

Palabas na si Charry ng CR nang may lalaking humarang sa daraanan niya. Nakasuot ito ng itim na sombrero at halos natatakpan ang kalahati ng mukha. Kinabahan siya nang makitang may inilabas itong kung ano sa suot na makapal na jacket. Baril.

"Kulang-kulang sampung hakbang papunta sa itim na kotse, Charry. Mauna ka. Sumakay ka sa kotse," utos nito.

Hindi agad siya nakahuma. Hino-holdup ba siya? Pero bakit kilala siya nito? At bakit kailangang pasakayin pa siya sa kotseng iyon?

May ilang sandaling nag-alangan si Charry kung sisigaw ba para humingi ng tulong o susundin ang utos ng lalaki. Nag-aatubili man, pero mas pinili niya ang huli. Kung halang ang kaluluwa ng lalaking kalmanteng naglalakad sa likuran niya, siguradong hindi siya sasantuhin ng baril nito.

Lumunok siya. Sa nanginginig na kamay ay binuksan niya ang pinto ng itim na kotse, saka aandap-andap na sumakay sa backseat, kasunod pa rin ang lalaki.

Nakita ni Charry ang isa pang lalaking naka-bonnet na nakapuwesto sa driver's seat. Alam niya, hindi basta holdup ang pakay ng dalawang lalaki.

"Sino kayo? Saan n'yo ako dadalhin?" tanong niya sa pinatatag na boses nang paandarin ng driver ang kotse.

"Sa taong mahal na mahal ka, kanino pa ba?" nakangising sagot ng katabi niya.

Kabado at naguguluhan si Charry habang malikot ang kanyang mga mata. Kailangan niyang matakasan ang mga ito. Pero maliban sa nakikita niyang talahiban at mga puno sa magkabilang gilid ng daan ay wala na siyang iba pang maaninag dahil sa kadiliman.

Mahigpit ang hawak niya sa strap ng bag na nakasukbit sa kanyang balikat. Para bang doon siya umaamot ng tapang at lakas. Lumunok siya nang makahulugan siyang sinulyapan ng goon sa tabi niya.

"Excited masyado si Boss Silver, hindi na hinintay na mai-deliver natin itong babae niya sa resort. Sasalubungin daw tayo sa bungad ng Quezon."

Dinagsa ng kaba ang dibdib ni Charry. Hindi pa rin siya tinitigilan ni Silver. Ilang araw na ang nakararaan matapos ang insidente sa hotel, nanahimik lang ito saglit, pagkatapos ay heto na naman.

"Naiihi ako," baling niya sa dalawang kidnapper. Mahigit isang oras na silang bumibiyahe.

Malayo pa ay nakita na niya ang headlight ng kasalubong nilang sasakyan. Tatakbuhin niya iyon pagkababang-pagkababa para humingi ng tulong. Sana lang ay hindi siya tanggihan ng kung sino mang driver niyon.

Kailangan niyang mag-take ng risk kung gusto niyang gumawa ng paraan para matakasan ang mga kidnapper. Hindi niya maaatim na maging parausan ng kung sino, lalo na ni Silver. Ah, kung tutuusin, mas gugustuhin pa niyang mamatay kaysa mahawakan nito.

"Bawal."

"So, okay lang na umihi ako dito?"

Nagkatinginan ang dalawa. "Samahan mo, Luis," sabi ng driver. "At bantayan mong maigi. Pumalpak na sina Roy no'ng nakaraan, hindi tayo puwedeng pumalpak ngayon."

"Ako ang bahala. Nakilala tayo nito, eh. Alin na lang sa dalawa, magsusumbong 'to sa mga pulis o papatayin tayo ni Bossing."

Abot-abot ang kaba ni Charry nang makababa ng sasakyan kasunod ang tinawag na Luis. Sinulyapan niya ang papalapit na sasakyan.

Nang makitang halos ilang metro na lang ang layo niyon, hinigpitan niya ang hawak sa sling bag at saka dalawang beses na inihataw iyon sa mukha ng nabiglang si Luis.

Hindi makapaniwalang napaigik si Luis, halos mawalan ito ng panimbang. Sapo nito ang pisnging tinamaan ng bakal ng strap ng bag.

Patakbong sinalubong ni Charry ang parating na kotse. Gumitna siya sa daan nang malingunang humahabol na sa kanya si Luis at ang driver.

Umikot siya sa tapat ng driver's seat nang pumreno ang driver ng kotseng pinara niya. Hindi tinted ang sasakyan kaya kitang-kita niya ang panlalaki ng mga mata ng magandang babaeng nakapuwesto sa driver's seat. Nabuhayan siya ng loob nang mamukhaan ito.

Si Trish!

"T-tulungan mo 'ko please. Hinahabol ako ng mga lalaking 'yon!" nagpa-panic at pasigaw niyang sabi.

Hindi nakapag-react agad ang babae. Nilingon nito ang dalawang kidnapper na humahabol sa kanya.

"Please! Parang awa mo na!" Nagpi-freak out na si Charry. Ilang metro na lang ang layo ng mga kidnapper sa kanila.

Hindi niya maipaliwanag ang relief na naramdaman nang sa wakas ay buksan ni Trish ang pinto sa tabi ng driver's seat. Pinaarangkada nito agad iyon nang makasakay siya. Nilingon niya ang kinaroroonan ng mga kidnapper. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang sumasakay na ang mga ito sa itim na kotse.

"H-hinahabol nila tayo!" nahihintakutang bulalas niya.

Bahagya na lang napansin ni Charry ang panginginig ng mga kamay ni Trish na nakahawak sa steering wheel. Napatili sila nang makarinig ng putok ng baril. Nabasag ang bintana ng likod ng kotseng sinasakyan nila. Pinauulanan sila ng bala ng mga kidnapper na nakabuntot pa rin sa kanila.

"Babangga tayo!" sigaw niya nang mapansin na nawalan ng kontrol si Trish sa manibela ng kotse.

Mabilis ang naging mga pangyayari. Namalayan na lang ni Charry ang pagbangga ng sasakyan sa kung saan... at pagkatapos ay katahimikan. Tanging ang pupugak-pugak na tunog ng makina ng sasakyan ang maririnig.

UMINGIT ang gulong ng kotse ni Chase nang marahas niyang apakan ang preno niyon. He was rushing his way to the airport matapos matanggap ang tawag ng pinsan ni Trish na si Eugene o Uge. Nakatanggap si Uge ng tawag mula sa staff ng isang ospital sa Quezon para ipaalam na isinugod si Trish sa ospital. Wala pang detalyeng binanggit pero sapat na iyon para mag-alala siya. Pero hindi pa man siya nakakarating sa airport ay muling nag-ring ang cell phone niya.

"W-wala na si Trish, Chase. Patay na ang pinsan ko..." basag ang boses na sabi ni Uge sa kabilang linya.

Pakiramdam niya ay nanlaki ang kanyang ulo. Nablangko siya bigla. Nagbuka siya ng bibig pero wala siyang mahagilap na salita.

"Pumunta ka na lang dito agad..."

Ilang minuto nang tapos ang tawag pero hindi pa rin makakilos si Chase. Wala pang kinse minutos mula nang ibalita ni Uge na isinugod si Trish sa ospital. Bakit ngayon, sinasabi nitong patay na ang asawa niya?

Ang malinaw na lang sa kanya, Trish was declared dead on arrival. Nabaril daw ito. Kung sino ang may kagagawan sa pagkamatay ng asawa, hindi pa malinaw.

Naikuyom ni Chase ang mga kamay kasabay ng paglaglag ng mga luhang hindi niya napansing kanina pa pala namumuo sa kanyang mga mata.

Bumangon ang galit sa dibdib niya para sa mga taong hindi pa nakikilala. Sisiguruhin niyang magbabayad nang mahal ang mga ito.

 Sisiguruhin niyang magbabayad nang mahal ang mga ito

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.
Men in Tux 1 : Falling For Mr Cruel (Wattys 2018 Winner) Where stories live. Discover now