"Nakapagpa-book ka na ba ng flight pauwi sa Buluang sa susunod na araw?" tanong niya kay Trish nang ilang sandaling hindi ito kumikilos sa pagkakayakap niya.

"Dala ko ang kotse ni Tatay, Chase."

"Masyadong mahaba ang biyahe at mag-isa ka pa. Kung wala lang akong a-attend-an na importanteng meeting, ihahatid na kita."

"Kailangan ko ang kotse, Chase. Mahirap ang transportation sa amin. Nakita mo naman kung gaano pa kaliblib ang lugar namin, 'di ba? At saka ayokong iwan dito sa Manila ang kotse ni Tatay. 'Yon na nga lang ang alaala niya sa 'min ni Ate, eh, iiwan ko pa ba?"

Nagbuga ng hangin si Chase. "Puwede ko namang i-drive 'yon papunta sa inyo. Doon ako dederetso pagkatapos ng meeting namin sa mga investor."

Ngumiti ito. "Huwag na. Hindi ka sanay at hindi bagay sa 'yong i-drive ang karag-karag na kotse ni Tatay."

Tama si Trish, kalawangin na at kakarag-karag ang kotse ng namayapang ama nito. Pero si Trish ang uri ng babaeng mahigpit ang hawak sa mga bagay na may sentimental value dito. Kagaya na lang ng mga box ng chocolates at mga pinatuyong talulot ng rosas na ibinigay niya rito noon. Hanggang ngayon, nakatago iyon sa isang chest sa kuwarto nito.

Binilhan niya ng Honda Civic dalawang taon na ang nakararaan si Trish, pero hindi iyon tinanggap ng asawa. Pili lang ang mga regalong tinatanggap nito. Kapag sa tingin nito ay masyadong mahal ang regalo, tinatanggihan nito.

"Kung magpapakasal tayo sa simbahan, gusto kong kuning wedding singer 'yong babaeng singer kanina, Chase."

Kumunot ang noo niya. "Sino doon?"

"The prettiest. 'Yong kumanta ng theme song nina Mama at Papa kanina." Ngumiti ito. "Hihingin ko sa event manager ang number niya mamaya."

Chase nodded. Hindi niya nakita ang tinutukoy nitong singer. "Anything you want," pagpayag niya at hinigpitan ang pagkakayakap sa asawa.

HUMINGA nang malalim si Charry. Inayos niya ang pagkakasukbit ng bag sa balikat habang hinihintay ang taxi na tinawag ng staff ng hotel para sa kanya. Matapos ang halos labinlimang minutong paghihintay sa loob ng men's room, sa wakas ay dumating din ang ilang security personnel na tinawag ni Jiso.

Ngayon nga ay nasa labas na siya ng hotel, kasama ang isang lady guard na pinakiusapan niyang samahan siya hanggang sa makasakay siya ng taxi. Hindi sinasadyang napalingon siya sa entrance ng hotel. Nakita niya ang lalaking iniluwa ng revolving door. Si Mr. Hot And Manly in his white long-sleeved and black slacks. In all fairness, magaling itong magdala ng pormal na damit. Mukha itong model na iniluwa ng isang men's magazine. Mukha rin naman itong model kanina sa suot na leather jacket.

Model? Umasim ang mukha niya sa naisip.

Nawala ang simangot ni Charry nang makita ang babaeng kahawak-kamay nito. The pretty woman from hours ago. Si Trish.

Tiningala nito ang lalaki, ngumiti. Kulang na lang sa eksena ang mga batang maghahagis sa mga ito ng talulot ng puti at pulang rosas. Maiinggit ang mga single sa palitan ng mga ito ng titig. Hindi siya pamilyar sa mga gods and goddesses pero pakiramdam niya, galing sa langit o kaya sa Olympus ang babae. At ka-holding hands nito si... Hercules? Este, ang villain?

Speaking of the devil, napatingin sa kanya ang villain—este, ang lalaki. Nabura ang pagkakangiti nito.

Nakilala siya ng mokong. Nauna siyang nag-iwas ng tingin. Matutunaw siya sa titig—sa bored na titig ng lalaki kung hindi siya magbabawi ng tingin.

Pumarada sa harap ni Charry ang taxi habang pasakay na ang dalawa sa itim na kotse na inihatid ng valet.

May nag-uudyok sa kanya na lumapit sa mga ito, humingi ng sincere na sorry kay Mr. Hot And Manly pero pinigil niya ang sarili. Bakit pa? Mukhang malabo namang magkita pa sila ng lalaki.

Men in Tux 1 : Falling For Mr Cruel (Wattys 2018 Winner) Όπου ζουν οι ιστορίες. Ανακάλυψε τώρα