Kakapasok pa lamang ni Imee ng lobby ng hotel nang pinagtitinginan na siya ng mga naroon. Mula sa receptionists, utility pati na rin ang mga guests ay nakatingin sa kanya. Bawat hakbang niya ay pinupukol siya ng masamang tingin ng mga tao roon na lubos niyang ipinagtataka. May iba pa ngang nagbubulung-bulungan habang nakatingin sa kanya. Nagpatuloy siya sa paglalakad kahit na pakiramdam niya ay pinapatay na siya sa isip ng mga taong nakatingin sa kanya hanggang sa hinarang na lamang siya ni Gazelle.

"Bakit mo ginawa iyon?" ani Gazelle.

"Ang ano?" kunut-noong tanong niya.

"Ang ipaubaya si Sir Marco sa kuko ng bruhang iyon!" galit na wika ni Gazelle.

Pati ang mga kasamahan nito sa trabahong nakarinig sa sinabi ni Gazelle ay nagsitanguan. Napakusuwerte ni Marco dahil may mga tauhan itong tapat rito at ipinagtatanggol pa ito. Pero hindi naman yata na pati sa kasamaan nito ay kakampihan ito ng mga tauhan nito.

"Pasensya na sa pakikialam ko pero kawawa naman noong babae dahil pinagtataguan ng amo mo," paliwanag niya. Pagak itong natawa.

"Ang babaeng iyon? Hindi iyon kawawa! Si Sir Marco ang kawawa dahil nasa kuko na siya ng bruhang iyon at kasalanan mo ito."

Doon na siya umalma. Hindi naman yata tama na siya na ang sisihin ng lahat dahil ipinagtanggol niya lang naman ang ka-baro niyang inaapi ng isang walang kuwentang nilalang.

"Teka lang. Bakit ba ako ang sinisisi mo?" Inirapan siya ni Gazelle.

Kung kanina ay ang bait bait nito sa kanya, ngayon ay siya na yata ang numero unong kaaway nito.

"At bakit hindi? Mawalang-galang na Maam pero napaka-pakialamera ninyo!

Nainsulto siya sa sinabi nito at hindi niya akalaing talagang makikipag-away pa ito para lang maipagtanggol si Marco. At nang lumingon siya ay ganoon rin ang reaksyon ng mga kasamahan nito sa trabaho na anumang oras ay handa na siyang sabunutan para maipagtanggol ang amo ng mga itong handa yatang pag-alayan ng mga buhay ng mga ito.

"Alam kong Boss niyo si Marco pero hindi naman siguro tama na pinagtatakpan niyo ang pagkakamali niya. Hindi ba kayo naaawa sa babaeng pinagtataguan niya?" mahinahong tanong niya.

Kahit naiinsulto na siya ay hindi siya dapat makipag-away lalo na at nasa teritoryo siya ng kaaban.

"Wala po talaga kayong alam, Maam." Nakita niya pa rin ang pagtitimpi ni Gazelle sa kabila ng matatalim na tingin nito sa kanya. "Kaya niya pinagtataguan si Cristine ay dahil niloloko lamang siya ng babaeng iyon."

Naguguluhan siya. Paanong si Cristine ang nanloko kung ito pa ang naghi-histeryang naghahabol kay Marco?

"Anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong niya.

"Pineperahan lamang ni Cristine si Sir. Natuklasan pa ni Sir na may ibang lalaki ito at hindi lang isa kundi dalawa."

Napanganga si Imee sa tinuran ni Gazelle. Kaya pinagtataguan na siya ni Sir kasi natuklasan niya na ang tunay na kulay ng babaeng iyon.

"Ngayon Maam, maaari niyo na po bang isipin na kaya lang namin pinagtatakpan si Sir dahil ayaw naman naming mapasama siya?" dagdag pa ni Gazelle.

Biglang tinamaan ng hiya si Imee at tinubuan ng konsensya. Pakialamera nga siya katulad ng sinabi ng mga empleyado ni Marco. Kung ganoon, siya pala ang masamang tao ngayon dahil hindi lang siya nakialam kundi nanghusga pa siya ng kapwa.

Pero akala niya kasi talaga ay si Marco ang may kasalanan dahil sinusugod pa nga ito ng Cristine na iyon. Siguro dahil sa kagustuhan niyang makaganti sa lagi na lamang na pagsusungit ni Marco sa kanya ay kaya hinanapan niya ito ng mali. Pero sa kahahanap niya ng mali rito, ang totoo ay siya na ang nagiging mali sa mata ng iba ng tao at sa mata ng Diyos.

BGS 2: The Beach Club Book 1: Marco VijandreWhere stories live. Discover now