Chapter 5

3.7K 99 3
                                                  

MAGANDA sanang pagmasdan ang papalubog na araw sa Subic bay ngunit hindi na ma-appreciate iyon ni Imee dahil nanlalabo na ang kanyang mga mata dahil sa mga luha niya.

Hindi niya na kasi napigilan kanina ang maluha mula nang mamalayan nila ni Marco na umandar na ang yate na hindi kasama si Sami.

Kung alam niya lang na maiiwan siya sa yate na si Marco lang ang kasama ay hindi na siya sumama kay Sami.

Bakit ba kasi hindi niya nahalata na pinagplanuhan iyon ni Sami? Kunsabagay, baka ang hinahangad lang ni Sami ay magkaayos sina Imee at Marco. Kahit naman papaano ay okay rin naman ang naging pagsama niya doon kay Sami dahil nabigyan siya ng pagkakataon na makahingi ng tawad kay Marco.

Alam niyang galit ito sa kanya ngunit hindi niya inaasahan na sobra naman ang masasakit na salita na binitiwan nito. Para bang ipinaparamdam nito sa kanya na napakasama niyang tao at hindi sila maaaring magsama sa parehas na mundong kinabibilangan nito.

Kung possible lang talagang magtungo agad agad sa isang planeta ay magbabalut balot na siya at lilipat na lang doon para hindi niya na makasama ang Marco na iyon.

Pero dahil nga imposible ang pinag-iisip niya ay nanatili na lamang siya doon sa deck at bahala na kung ipatapon siya ng masungit na binata sa dagat. Naiintindihan niya ang nararamdaman nito kaya siya nanahimik na lang siya subalit napansin niyang umalis ito sa harap niya.

Mamaya-maya rin ay tiyak namang babalik na ang yate sa pantalan kaya ilang oras na lang ang titiisin niya kasama si Marco.

Pinunasan niya ang kanyang luha sa pamamagitan ng likod ng kanyang palad bago tumingala sa pilot deck upang tingnan kung naroon si Marco.

Naroon ito tulad ng inaasahan niya ngunit hindi niya inaasahang matagpuan itong nakatingin sa kanya. Nakapatong ang dalawang siko nito sa railing at matamang pinagmamasdan siya. Wala na ang pagkakunot ng noo nito ngunit wala pa ring emosyon ang mukha nito. It was as if he was just standing there, memorizing every part of her face.

Nag-iwas na si Imee ng tingin bago pa man niya pahintulutan ang sariling pagmasdan rin ang mukha nito katulad ng ginagawa nito sa kanya.

Guwapo si Marco at malinaw na malinaw na iyon sa paningin ni Imee. Iyon nga siguro ang dahilan kung bakit laging kinakabahan siya kapag nagtatagpo ang mga mata nila o napapalapit ito sa kanya.

Hindi normal para kay Imee na pumuri ng mga biyaya ng Diyos sa kalalakihan pero sa tuwing makikita niya si Marco at lumulusot sa kanyang mga mata ang tunay na hitsura nito ay hindi niya maiwasang purihin ito na bago para sa kanya.

Infairness, ito lang ang tanging lalaking lumagpas sa ka-guwapuhan ni Aaron Carter para sa kanya at ito rin ang unang lalaking kahit kinaiinisan niya ay kayang kayang pasirkuhin ang puso niya. Kung sana nga lang ay mabait ito sa kanya, baka ay magkagusto na siya rito. Bakit, hindi pa ba?

Napabuntung-hininga na lamang si Imee bilang kasagutan sa kanyang iniisip. Tatayo na sana siya sa kinauupuan niyang deck chair nang bigla na lamang may lumitaw na panyo sa kanyang harapan at hindi niya na kailangang hulaan kung kanino.

"Ano yan?" aniya nang tiningala niya si Marco.

Pero parang gusto niyang pagsisihan ang pagsusungit niya nang mapagmasdan ang magagandang mata ni Marco na sumalubong sa kanya.

Wala na ang galit sa mga matang iyon at parang napalitan iyon ng pag-aalala. Ganoon ba kalakas ang hangin sa deck para liparin ang lahat ng kasungitan nito at ngayoy nag-aalala na ito para sa kanya?

Pero sandali. Akala ba nito ay ito lang ang marunong magsungit?

"Huwag ka nang mag-inarte. Punasan mo na ang mga mata mo."

BGS 2: The Beach Club Book 1: Marco VijandreTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon