Sinikap kong hindi siya magising nang iwanan ko siya sa kwarto niya pagkatapos ng ilang oras. Inayos ko rin ang pwesto ng hita niya para 'di madali ang pasa niya kapag malikot siya. Kahit na ngayong ang payapa niyang tingnan, ang itsura niya pa rin kanina habang nilalabanan niya ang panaginip niya ang laman ng utak ko.

Unti-unting lumalabas ang mga kasagutan ko sa kung bakit siya nagpunta dito sa lugar ng Lolo niya. May tinatakasan siya sa Maynila at kung sino o ano man iyon, sobrang laki ng epekto nito sa pag-iisip ni Hannah para dalhin iyon hanggang sa panaginip niya. Iyon na rin siguro ang dahilan kung bakit sobrang taas ng pagbabantay niya sa nasa paligid niya.

'Di ko napigilang yumuko at muling hinawi ang buhok na nagtataklob sa noo niya. Pinunasan ko ang mga butil ng pawis doon saka ko hinalikan. "Sweet dreams, Hannah," bulong ko.

❈    ❈    ❈

Maghapon akong nag-concentrate sa trabaho kinabukasan. May mga araw na mabagal ang takbo ng oras sa rancho lalo na kung walang masyadong gawain. May mga araw din naman, tulad ngayon, na sa sobrang dami ng gawain, hindi ka na pwedeng kumuha ng break.

Bumalik lang ako sa bahay para maghapunan. Pagdating ko sa kusina ay nakita ko si Hannah na nakaupo sa lamesa at nakatulala sa isang piraso ng papel doon.

"Kumusta ang pasa mo?"

Napatalon siya nang marinig ang boses ko. Hinablot niya yung papel na tinititigan at binaliktad ito kaya ang parteng blangko na lang ang makikita. "Medyo masakit pa rin pero natitiis naman."

Tumango ako sa sagot niya. Lumapit ako sa mga cabinet at naglabas ng plato. "Naghapunan ka na?"

"Kakatapos ko lang."

Pinagsandok ko ang sarili ko ng ulam at umupo sa kanan ni Hannah. Doon dapat ako uupo sa harap niya pero nakita kong nakaangat ang paa niya roon, nagpapahinga. Internally, nakangiti ako kasi sinusunod niya ang utos ko sa pag-aalaga sa sarili niya.

"Ano 'yan?" pagtukoy ko sa papel.

"Wala," mataray niyang sagot. Kapag ganitong nagtataray si Hannah halata namang ang defensive niya. Kaya tuloy naisip ko na significant ang papel na iyon. Ang daling spot-an ng kasinungalingan sa attitude niya.

"Sinungaling." Sumubo ako ng kanin at sinundan ng ulam na pritong tilapia.

"Matinik ka sana," bulong niya. Nang ibaling niya ang tingin sa akin ay tinaasan niya ako ng kilay. "Ba't ka nakangiti? Tigilan mo nga 'yan, nakakakilabot."

Dahil alam kong mas maiinis siya, nilakihan ko ang ngiti ko. "Baka naman nakakakilig."

"Ha! Mangarap ka uy!"

"Kumusta ang tulog?" ang bigla kong pag-iiba sa usapan.

Pansamantala siyang nasorpresa sa tanong ko pero madali niya ring natago ang gulat. "Nakapikit. Bakit mo natanong?" naghihinala niyang tanong.

Base sa reaksyon niya, mukhang hindi niya naaalala ang naganap kagabi. Maganda na rin siguro na hindi niya dala sa pagkagising ang mga nagmumulto sa kanya sa gabi. Kahit ako mismo ay hindi nakaranas nito, nasaksihan ko kung paano nababago ng isang nakakatakot na pangyayari ang tao. Noong nangyari ang aksidente kina Inay at Kiel, nabuhay ang kapatid ko para paulit-ulit na masaksihan sa panaginip niya ang paglaglag ng kotse na sinasakyan nila sa isang matarik na bangin. Nasa iisang kwarto lang kami at ako ang laging magigising sa sigaw niya. Matagal na proseso ang paghilom pero nagawa ng kapatid ko. Sana kung ano mang bumabagabag kay Hannah ay makaraos din siya. At ang unang hakbang para roon ay ang paghingi ng tulong.

Sa tigas ng ulo ni Hannah, hindi siya hihingi ng tulong hangga't sa tingin niya kaya niya pang kontrolin ang sitwasyon.

"Wala lang. Narinig kasi kita kagabi. Baka dahil nasasaktan ka lang dahil sa pasa mo."

"A-ah. Oo. Nagising ako sa kalagitnaan ng gabi na namimilipit sa sakit eh."

"Sinabi kasi sa'yong itaas mo yung paa mo sa unan eh," sermon ko.

Sa sinabi ko ay bigla siyang tumayo at dinuro ako. "Ayan! Bakit hindi mo sinasabi sa akin na doktor ka?"

Sumandal ako sa upuan. "May magbabago ba kapag sinabi ko sa'yo? Babait ka ba sa 'kin kapag nalaman mong doktor ako?"

"Hindi," sagot niya habang bumabalik sa upuan niya. Akala ko iyon lang ang sasabihin niya pero may binulong siya at narinig ko 'yon. "Pero sana kahit minsan may ideya naman ako sa mga nangyayari, hindi yung lagi na lang akong nasosorpresa."

Napatigil ako sa pagsubo ng pagkain ko. Nakatingin lang ako sa plato ko't pinoproseso ang sinabi niya. Hindi ko kasi inaasahan na magsalita siya ng ganoon, na kahit kaunti ay pinapatuloy niya ako sa isip niya.

At anong ibig niyang sabihin doon? Nasosorpresa siya saan?

"No one is free, even the birds are chained to the sky, sabi ni Bob Dylan. Kung walang kalayaan mula sa kahit ano, anong ginagawa ko dito? Kelan ko sisimulang isabuhay ang buhay ko?"

Tila nakalimutan ni Hannah na kasama niya ako sa kusina. Nawi-wirduhan ako sa pinagsasasabi niya. Hindi ko alam kung saan niya hinuhugot ang mga tanong niya. Hindi ko rin alam kung hinihintay niya na sumagot ako pero nanatili akong tahimik. Ito kasi ang mga klase ng tanong na ang tanging makakasagot lang ay siya.

Binaliktad niya uli ang papel na tinititigan niya kanina at hinaplos ang imahe na nakaguhit dito. Inangat ko ng konti ang tingin ko para masilip ang nakalagay doon. Hindi na pala kailangan kasi kusa niyang inilagay ang papel sa harap ko.

Nagulat ako sa galing ng pagkakakuha ng imahe niya. Magaling palang mag-drawing si Hannah. Bawat detalye ng mukha ng babaeng nasa drawing ay kuhang-kuha. Kahit na yung mga maliliit na linya sa noo. Yung mga hibla ng buhok at kilay. Kamukhang-kamukha ni Hannah ang babaeng nasa larawan. Ang pinagkaiba lang ay nakangiti ang babae sa papel-ganito siguro ang itsura ni Hannah kapag nakangiti-at may nunal ito sa pisngi gayong walang nunal sa mukha si Hannah. Sa dalawang pagkakaibang iyon ko natukoy na ito ang nanay niya.

Nang inangat ko ang ulo ko ay nakita ko siyang nakatingin sa akin, sinusukat ang reaksyon ko. Masyado akong nagulat sa naging asal niya at sa mga nangyari sa kusinang ito kaya isa lang ang natanong ko, "Bakit?"

The Sweetest EscapeWhere stories live. Discover now