"So, boss. Anong gagawin ko?" Kapag ganoon ang kadalasang tanong, 'di ba dapat excited yung tono? Bakit sobrang dry at sarcastic kapag si Hannah ang nagsalita?

Napagpasyahan ko na lang na huwag pansinin ang tono niya. Kumuha ako ng pangkalaykay sa gilid, isang maliit na timba, pati na rin isang pares ng gloves at iniabot sa kanya. "Nakikita mo yung mga bakanteng kuwadra? Linisin mo. Yung mga kuwadra na may kabayo pa, lilinisin mo rin mamaya kapag itinakbo na yung mga laman nito kaya medyo bilisan mo ang kilos, ha?"

Kinuha niya ang inabot ko at pinagmasdan ang buong kamalig. Ginawa ko rin iyon at sinubukang ilagay ang sarili ko sa posisyon niya at binigyan ito ng isang kritikal na pagsusuri. Malaki ang barn at maraming mga hawla. Sa ngayon, merong animnapu't walong kabayo sa loob at dalawa na iginagala para sa arawang exercise nito. Kapag nagbakasyon na ang mga bata mula sa eskwelahan, panigurado full capacity na naman ito.

Bukod kasi sa pagiging breeding farm ay boarding barn din ang Rancho Villaroman. Maraming mga kabayo na pinapatira rito para mag-reproduce at pinapalaki na champion riders. Yung mga pangkarera. Iyon ang breeding farm na side ng business. Sa boarding barn, nagpaparenta ng space dito sa kamalig at kasabay na rin ang riding lessons. Best seller iyon sa mga bata kaya madalas ay kiddos ang bisita namin sa summer. Unti-unti na ngang nagiging booked ang negosyo. Ilang araw na lang ang binibilang namin at magsisimula na ang lessons.

Dahil na rin doon kaya kailangan naming gawing presentable ang mga kuwadra. 'Di naman ito gaano kagulo dahil tatlong beses sa isang linggo ito kung linisin. Kaso nga lang sa laki ba naman ng dumi ng kabayo, 'di maipagkakailang mahirap na trabaho ang maglinis ng kahit isang hawla pa lang.

Naawa tuloy ako bigla sa ipinapagawa ko kay Hannah pero kung magtatrabaho siya dito, kailangan niyang magsimula sa baba gaya naming lahat. Bawal ang special treatment gaya nga ng sinabi ko.

"Ano pang ginagawa mo, Hannah? Trabaho na."

Nilingon niya ako at inirapan pero hindi siya nagreklamo sa ipinapagawa ko. At lumaki ang respeto ko sa kanya dahil doon. Nakita ko kasi halos lahat ng mga nagtrabaho dito na nagrereklamo kapag inutusang maglinis samantalang ito si Hannah ay isinusuot na ang gloves at nakapinta na ang determinasyon sa mukha niya.

Pinagmamasdan ko siya na tila mabubuksan ko ang mystery na si Hannah. Ano kayang nangyari sa kanya at malungkot siya? Dahil ba sa pagkamatay ng Mama niya? Depression kaya? Gusto kong malaman. Pero kung si Hannah ang pinag-uusapan alam kong kailangan kong magdahan-dahan. Sure, kapag nakilala mo siya una mong iisipin na isa siyang malakas na tao. Dahil iyon ang gusto niyang makita mo. Pero iba ang nakikita ko. Unang kita ko pa lang sa kanya napuna ko ang fragility niya. Nasa paraan kasi iyon ng pagiging on-guard niya lagi.

Kung ano mang nangyari, malaki ang naging impact no'n sa kanya.

"Anong ginagawa mo, ba't nakatulala ka pa diyan?" Nagulat ako noong tinusok ni Hannah yung dulo ng pangkalaykay sa tagiliran ko. Buti na lang hindi yung dulo na may dumi yung ginamit niya.

Hinimas ko ang tagiliran ko. Ang sakit no'n ah. "Dahil sa ginawa mo, mag-eextend ka ng isang oras dito at walang bayad 'yon."

Halatang ayaw niya sa ideyang hindi siya babayaran. "Anong sinabi mo?"

"Ngayon dalawang oras na kasi sumasagot ka pa."

Namula ang buong mukha niya sa galit. Na-guilty ako sa ginagawa ko. Magso-sorry sana ako para bawiin ang papagawa ko sa kanya kaso biglang pumasok si Kakang Isko. "Wala pang isang oras sa trabaho ang apo ko, gumagawa na agad siya ng gulo, Miguel?"

Napansin kong umirap si Hannah at bumalik sa trabaho niya. "Ah, hindi ho, Kaka. Binibiro ko lang si Hannah."

Naglakad papasok ang Lolo ni Hannah at sinilip ang ginagawa ng apo niya na siya namang pinipilit na 'wag pansinin ang Lolo niya. At dahil walang nakuhang reaksyon ang Kakang Isko kay Hannah, pumasok na lang siya at inisa-isa ang mga kuwadra para tingnan ang kalagayan ng ibang mga kabayo. Tapos tumigil siya sa dulong kuwadra kung nasaan si Shasta.

The Sweetest EscapeWhere stories live. Discover now