Pagbaba namin sa floor kung nasaan 'yung pantry, magkahawak-kamay pa rin kami ni Mere na naglakad papunta sa mga pintuan niyon. Itinulak ko pabukas 'yung isang pinto saka ako natigilan nang sumigaw lahat ng nasa loob ng "SURPRISE!" (sabay may humabol pang "Happy Birthday!" galing sa lokoloko kong future biyenan na sinundan ng tawanan).

Tulala pa rin ako sa gulat nang sinalubong ako ng yakap nina Mommy Marianne at Tita Vera. Hindi ko pa kaagad na-realize na despedida ko pala 'to hanggang sa kinakamayan na ako ng isa sa mga VPs at sinasabihan ng congratulations at good luck sa paglipat ko sa AMC.

Nand'un yata lahat ng kakilala ko sa opisina kasama ang iba na taga-Ayala at Ortigas offices. Nand'un si Tito Ramon na boss ni Craig (wala si Craig, wawa, hindi imbitado), sina Annette at Clarice na nagha-handle sa Lee Hyun-ji project, si Karl na suki ko sa IT department, si Manong Ferdie, si Abby, saka 'yung mga kapit-opisina ko sa executive floor.

Huling bumati sa 'kin eh si Kuya Lex na kasama ang mga kabarkada namin ni Mere na makikikain daw. Niyakap at hinalikan ako sa pisngi nina Pia, Charlotte, Alessa at Laura, saka sumunod sina Hank, Lester at Marlon.

"Na-touch naman ako! Talagang nagpunta pa kayo rito."

"Asa ka namang ikaw ang ipinunta namin dito," sabi ni Marlon sabay nguso sa kinatatayuan ng mga babae na nagtatawanan at nagkukwentuhan na. Kinutusan ko siya at itinulak na sila papunta sa pila sa buffet table.

Parang nawawalang bata akong luminga-linga sa paghahanap kay Mere na nakita ko naman kaagad na kausap ang isang VP na dito rin sa building namin based. Lumapit ako sa kanila at saglit na nakipagkwentuhan bago kami iniwan ng VP para kumuha na rin siya ng pagkain.

"Nagulat naman ako dito, baby girl," nakangiti kong saad. Na-touch talaga ako. "Thank you."

Mahigpit kong niyakap si Mere. Ibinalot niya ang mga braso niya sa baywang ko at idinikit ang mukha sa gilid ng leeg ko.

"Mamimiss kita dito," bulong niya sa 'kin.

"Ako din. Mamimiss din kita dito."

Bumuntong-hininga siya at nag-angat na ng ulo. Basa 'yung mga mata niya pero suminghot lang siya at ngumiti sa 'kin. "Kumuha ka na muna ng pagkain. Iikot muna ako para mag-entertain ng mga bisita."

Kinuha ko 'yung kamay niya. "Sasamahan na kita. Sabay na tayong kumain mamaya."


SI MOMMY ang naghila sa 'min ni Mere para maupo na sa mesa ng mga kabarkada namin at siya na lang daw ang mag-e-entertain sa mga bisita. Gusto ko sanang dalhin na d'un sa mesa 'yung isang serving plate ng roast beef kaso nahiya naman ako kaya nagpuno na lang ako ng isang pinggan bago kami naupo.

Lunch hour daw nina Pia at Alessa kaya nakapunta sila, saka nasa bandang 4th Avenue lang naman ang opisina nila, kahit magtambling lang sila pabalik, hindi sila male-late. Wala na rin daw klase si Charlie kaya nakapunta din siya. Wala namang schedule si Marlon dahil wala namang opisina 'yan. Freelance illustrator naman siya at kung kailan lang gusto magtrabaho, saka naghahanap ng proyekto. Alas nuebe pa ng gabi ang pasok ni Lester. Kahit sina Hank at Laura, mamayang gabi pa naman ang trabaho dahil 9 PM pa rin naman magbubukas ang bar nila. Si Kuya Lex naman eh boss kaya kahit bukas na 'yan bumalik, walang papalag sa AMC.

Nagkuwentuhan lang kami at nagtawanan at nagpakabusog. Natutuwa lang talaga ako na magkasundo ang mga kabarkada namin ni Mere. Walang kahirap-hirap na naging magkakaibigan din sila. Namimiss ko na rin 'tong mga 'to eh. Kaya nang mag-aya si Mere ng get-together sa bahay namin sa Sabado, pumayag na ako kaagad. Kailangan na din daw kasing mag-usap ng mga babae tungkol sa mga kailangan pa nilang ayusin sa kasal. Ano bang pag-uusapan naming mga lalaki? Kung saan kami magpapagawa ng barong at kung kailan.

A Love Like This (FFTB #2)Where stories live. Discover now