Duwag

73 4 0
                                    


  Nasulyapan kong muli ang kinang sa kaniyang mga mata. Ang kaniyang ngiti ay 'di hamak na mas matamis sa mga tsokolateng inireregalo ko noong siya'y nililigawan pa. Ang kaniyang tinig ay tulad ng mga kuliglig na siyang nagpapahimbing ng aking tulog. Pero ang kaniyang puso? Nakatuon na sa iba. Hindi ako sanay na wala ng mga kamay na nagtatagpo sa tuwing magkikita kami. Wala na rin ang mga mahihigpit na yakap. Ang mga matatamis na halik ay nilanggam na't nabalewala. Wala na akong puwang sa puso niya dahil mayroon ng iba. Siguro nga tama ang aking yumaong Ina, sabi niya kasi, sa mga duwag lang daw nagpapakita ang mga multo. Kaya pala binubulabog niya ako, kasi duwag ako. Duwag ako dahil hindi ko man lang naipaglaban ang pag-ibig para sa babaing aking minamahal. Naglalakad siya ngayon papuntang Altar, suot ang puting gown. Mahaba pa rin ang kaniyang buhok. Bitbit niya rin ang kaniyang pinakamagandang ngiti habang naghihintay ang bagong taong nagpapatibok ng kaniyang puso, ang aking Ama. Unti-unti silang pinagtatagpo. Ang kanilang mga kamay ay nagsimula nang magyakapan ng mahigpit. "Bakit ang Ama ko pa? Bakit hindi na lang ako?" bulong ko sa sarili habang hinahayaang kumawala ang mga luha sa aking mga mata. "Kung sino man ang tumututol sa pagiisang dibdib ni Mary at Pedro ay maaaring magsalita o patuloy na lamang panghawakan ang inyong katahimikan." Malumanay na pagkakasabi ng Pari. "Itigil ang kasal, tutol ako!" Mahina kong sigaw marahil naduduwag ako. Ngunit walang pumansin. Siguro nga'y wala ng saysay kung ipaglalaban ko pa dahil simula pa lang, nanghina na ako at pinatay na ako ng kaba na naninirahan sa aking dibdib. Itatago ko nalang ang sakit na aking nararamdaman. Tatanggapin ang katotohanang mas mahal niya ang aking Ama kaysa sa akin. Hahayaan ko na lang ang lahat. Tutal, mas masarap ngang mahalin ang buhay kaysa sa duwag na patay. Ngingiti na lang ako at panunuorin ang kanilang kwento kasama ang mga anghel dito sa langit.   

Kuwentong Failed-ibig 3Where stories live. Discover now