Limang Taon

134 4 1
                                    


 Nakabibinging palakpakan ang sumalubong kay Bea. Katatapos lamang niya ilahad ang bagong tulang ginawa, at gustuhin man niyang magalak sa mga papuri, hindi mapigilan ng dalaga na mainis sa sitwasyong kinalalagyan niya nang mga sandaling iyon. Buwan nang Pebrero, at bagamat hindi pa Araw ng mga Puso, napalilibutan siya ng mga magkasintahan. Kapuna-punang si Bea lamang ang nag-iisa sa loob ng café.

"Bea!"

Agad napalingon ang dalaga at napangiti nang mapagtanto kung sino ang tumawag sa kaniya. Sa wakas, may kasama na siya.

"Shirley! Kumusta? Ang tagal nating hindi nagkita," ang bati ni Bea. Masaya siya sapagkat nakasama na naman niya ang dating kaibigan. Wala masyadong ipinagbago si Shirley—maganda, maputi at balingkinitan pa rin ang katawan nito.

"Ayos naman. Ikaw? Grabe yung mga hugot mo kanina ah. Hindi ka naman bitter? Sino ba ang lalaking nagdulot niyan?" Panunudyo sa kaniya ng matalik na kaibigan.

"Hindi ah. Ayos na ako, limang taon na rin ang nakalipas. Naiinis lang ako kasi puro magkasintahan ang mga tao rito. Eh maghihiwalay din naman silang lahat sa 23," ang pabirong sagot naman ni Bea.

"Ibahin mo kami ng fiancé ko! Uy, imbitado ka sa kasal naming ah."

"Talaga? Wow. Parang kailan lang, single pa tayong dalawa noong high school ah," ang sabi ni Bea.

"Oo nga eh," ang tanging naitugon ni Shirley.

"Pakilala mo naman sa akin 'yang fiancé mo bago ang kasal. Kape tayo minsan,"pag-iiimbita ng dalaga.

"Ay! Kasama ko siya. Sandali nga lang! Nasaan na ba iyon?"

Panandaliang katahimikan ang namayani. Hinintay ni Bea si Shirley na tawagin ang lalaki. Ilang minuto ang lumipas at sa wakas, muling lumutang sa pulutong ng mga tao ang dalaga, kasama ang nobyo nito.

"Vince, si Bea. Bea, ito nga pala si Vince. Limang tao na kami," ang pagmamalaki ng kaniyang kaibigan.

Hindi alam ng dalaga kung matatawa o maiiyak. Tila ba pinaglalaruan siya ng tadhana. Ang taong naging rason ng pagsulat niya ng mga tula, at ang taong naging tinta ng kaniyang pluma sa paggawa ng kuwento, ay nasa harapan niya. Magalang na nakangiti sa kaniya, na para bang isa lamang siyang estranghero, at hindi isang taong minahal at pinangakuan ng walang hanggan dati.

Nakangiti kasama ang bagong nobya nito.

" Fiancé nga pala," ang mapait na lamang niyang naisip.

Kuwentong Failed-ibig 3Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon