Ice Candy

90 5 2
                                    


Nagsasayaw ang mga alikabok sa hangin dulot ng mga naglalarong bata sa lansangan. Kitang-kita ko ang mga nanlalagkit na pawis na namumuo sa kanilang noo. Tahimik akong napapikit at kapagdaka'y dagli kong narinig ang nakakangilong langitngit ng bakal sa duyan na tila pinapaalala sa akin ang nakaraan.

Isang taon na mula nang iwan niya ako, ngunit sariwa pa ang pilat na dulot ng kahapon. Damang-dama ko pa ang sakit mula sa binitawan niyang mga salita na umuukilkil pa ngayon sa aking diwa.

"Duwag! Duwag ka!" sigaw ko sa aking isipan at ako'y napabuntong-hininga.

Sa pagmulat ng aking mga mata'y nakita ko si Ate Lucia, ang magtitinda ng ice candy dito sa Purok Tres. Isa ako sa mga suki niya, kaya dala ng init ng panahon, bibili at magpapalamig muna ako ng aking ulo.

"'Te Lucia, isa ngang ice candy 'yung buko ang flavor," ani ko sabay abot ng limang piso.

Kinuha niya ang pera at sumagot, "Ba't nakabusangot ka Miya? Pebrerong-pebrero hindi ka pa rin nakaka-move-on?"

"Move-on? Wala lang 'to 'te," pakli ko. "'Yung pinakamalamig ang ibigay mo sa akin ha?"

"Sure, basta para sa single na tulad mo!"

Ilang saglit lang ay inabot na ni Ate Lucia ang ice candy, na may maliliit pang mga yelo na nakadikit sa katawan. Nadama ko ang lamig, ngunit 'di ito inalintana at tuluyang nilantakan ang binili.

"Mas malamig pa nga ang pakikitungo niya dati sa akin, kaysa sa ice candy na 'to," saad ko sa aking isipan.

"Sige Miya, alis na ako. At mag-ayos babae ka kasi, nang may manligaw ulit sa'yo!"

Hindi ko pinansin ang kaniyang mga sinabi ngunit nakaramdam ako ng kirot. Napaismid ako nang may malasahan akong mapait sa aking kinakain.

Agad kong sinigawan si Ate Lucia, "Ate bakit lasang ampalaya 'to?!"

Lumingon naman siya sa akin na tila nang-aasar. "Hoy, 'wag mo ngang idamay ang ice candy ko sa ka-bitteran mo! Diyan ka na nga, paglamayan mo ang sugatan mong puso!"

Pinagmasdan ko ang papalayong si Ate Lucia at malakas na ibinato ang ice candy sa lupa dala ng inis. Nawalan na ako ng gana, tulad nang pagkawala ng kumpiyansa sa aking sarili.

Sa pagdampi ng mainit na hangin sa aking balat ay tuluyang bumalik ang nakaraan.

"Tinatapos ko na ang lahat, Miya."

Napatigil ako sa pagkain ng ice candy na binili pa namin kanina nang marinig ko siyang nagsalita. Tumahip ang aking dibdib at pilit ipinapasok sa utak ang mga katagang kaniyang binitawan.

"Ha? B-bakit?"

"Alam na ng nasa taas ang ating relasyon, kaya tinatapos ko na ang lahat sa atin," saad pa niya.

"P-pero... paano ako? Sabi mo mahal mo ako?"

Tumitig siya sa akin na parang wala lang at nagwika, "Mas mahal ko ang propesyon ko kaysa sa'yo, Miya. Pasensya na."

Nalaglag sa lupa ang ice candy nang talikuran niya ako at naglakad palayo, habang unti-unting pumapatak ang mga luha sa aking mga mata.

Kahit nanlalabo na ang aking paningin dulot ng mga luha'y naisatinig ko pa rin ang aking nadarama, "P-pero b-buntis a-ako, Sir."

Kuwentong Failed-ibig 3Where stories live. Discover now