Mata Ba Ng Lalaki?

79 4 0
                                    


Siya ang pinakapangit na lalaking nakita ko. Hindi ko alam kung bakit sa rami ng bakanteng upuan sa loob ng bus, sa akin niya pa naisipang tumabi.

Hindi naman sa pagiging mapanlait, pero mataba siya: triple sa bigat kong apatnapung kilo. Kaya naman nang umupo siya sa tabi ko, literal na natabunan ang buo kong pagkatao.

"Hi, ako si Victor," bati niya.

Pilit na ngiti na lang ang iginanti ko upang 'wag na niya akong istorbohin pa. Ngunit sadyang makulit yata siya dahil ilang minuto lang ang lumipas, nagsimula na ulit siyang magsalita tungkol sa kung paanong pareho kami ng unipormeng suot, kung anong kurso ang kinukuha niya sa paaralang pinapasukan ko rin, at kung gaano siya ka-excited sa date niya mamaya-- mga bagay na wala akong pakialam.

"Inaya ako ng mga kaibigan kong mag-date kasi Valentines nga raw, pero tumanggi ako. May date na kasi ako, e, 'yong pinakamamahal kong babae."

Marami rin siyang mga baong biro, pero hindi ko pinagtuunan ng pansin ang mga 'yon. Sa bawat katagang lumalabas sa bibig niya, tumatango-tango lang ako: kunyari nakikinig pero ang totoo'y nilalamon ng inggit ang puso dahil naisip ko, buti pa siya, kahit ang taba niya, may nobya siyang susurpresahin, samantalang ako, mapayat nga, mamamatay naman 'atang intact pa rin ang hymen.

Nang lumapit sa kaniya ang konduktor, bumunot siya ng isandaang piso mula sa pitaka at iniabot iyon sa lalaki. "Alam ko naman pong doble dapat ang bayad ko."

Karamihan sa mga nakarinig, nagtawanan. Tiningnan ko siya kung may halong inis ang mukha niya pero wala. Nakangiti pa ang mga mata niya na parang komplimento ang mapagtawanan.

"Ayos lang ba sa 'yo 'yong gano'n?" Hindi ko napigilang hindi maitanong.

Lumingon siya sa akin. "Ang mapagtawanan? Oo naman. Kasi kahit papaano napasaya ko ang Valentines nila. Hindi naman dapat dibdibin 'yong mga gano'ng bagay. Hindi ba't kapag may bitbit kang timba na puno ng tubig, habang tumatagal ang kapit, mas nakakangawit? Kaya kapag pinansin ko at dinibdib lahat ng panlalait sa akin, baka mamatay ako sa sa sama ng loob."

"E, sa pagkakaroon ng sakit? Nakasasama kaya ang puro taba..."

Ngumiti siya. "Nakasasama lang ang taba 'pag inisip nang inisip. Hindi sa tamad akong mag-excercise o mag-diet, siguro sadyang mabagal lang talaga ang metabolismo ko kaya kahit 'di naman ako lumalamon masyado, lumulobo ako. At isa pa, masaya akong maging ganito dahil kahit papaano, nagsisilbi akong pader, unan, stuff toy, at clown ng babaeng mahal ko." Pabuntong-hiningang tumingin siya sa labas. "Ay, dito na lang pala ako, hayun na 'yong date ko, o."

Huminto ang bus at hinugot niya muna sa bag niya ang isang tsokolateng hugis rosas. Bago bumaba, ibinigay niya iyon sa akin at bumati ng, "Happy Valentines Day, Danica."

Wala akong nasabi. Hindi ko alam kung paano niya nalaman ang pangalan ko. Mula sa bintana, tinanaw ko siya, at nakita kong nakayakap na siya sa matandang babaeng kamukha niya.

Napatulala ako-- hindi makapaniwalang maiisip kong, kahit mataba siya, siya ang pinakagwapong lalaking nakilala ko.

Kuwentong Failed-ibig 3Where stories live. Discover now