Mara

77 5 0
                                    


"Best sorry, hindi pala 'ko p'wede mamaya. May biglaang lakad ako." Inaasahan na ni Mara ang sasabihin ng kaibigan. Nang matapos ang kanilang usapan sa telepono, "Ayos lang. Sanay naman na 'kong mag-isa, mula ba namang magka-boyfriend siya e. Lalo pa kayang ikakasal na siya," ang nasambit na lamang niya. Nagdadalawang-isip tuloy siya kung siya ba'y tutuloy pa sa sanang lakad nilang dalawa sapagkat mukhang 'di naman magandang tingnan kung siya lamang ang magdiriwang ng ika-limang anibersaryo nila ni Joyce bilang magbestfriend. /Naaalala ba talaga niya? Nagka-boypren lang nakalimot na./

Araw ng mga puso. Papasok na si Mara sa trabaho. Habang naglalakad patungong sakayan, nakarinig siya ng sigaw, "Isa na lang sa kaliwa! Isa na lang! O sino 'yung nag-iisa d'yan?!" Umalingawngaw sa isip niya ang bawat salita. /'Yung nag-iisa diyan! Sino 'yung nag-iisa?!/ Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, naramdaman niya ang sariling nag-iisa sa gitna ng napakaraming taong magkakakilala. Binasag ng papalapit na tsuper ang pagmumuni-muni ni Mara, "'Te mag-isa ka lang? Paalis na o," sabay turo sa jeep. Unti-unting ibinuka ni Mara ang bibig at buong-paninindigang nagpakawala ng, "Oo mag-isa ako! Mag-isa 'ko! Wala 'kong kasama! O ano, okay na?!!" At padabog na isinampa ang mga paa sa estribo ng jeep.

Habang nasa biyahe, sari-saring nakaaalibadbad na eksena ang kaniyang natunghayan: magkasintahang nagmistulang mga linta kung makakapit sa isa't isa. /Maghihiwalay din kayo!/; mga kababaihang may tangang mga bulaklak at hugis-pusong lobo na sa wari ni Mara ay ibinabalandrang kunwari ay may nagbigay nito sa kanila. /Binili niyo lang 'yan. Wala kayong maloloko rito. 'Wag ako!/; may iilan namang nakasuot ng itim na tila ba ipinagluluksa ang araw ng mga namatay na puso.

Naalaala tuloy ni Mara ang dating kaklaseng si Tomas. Matagal itong nanligaw sa kaniya ngunit sa huli, 'di rin niya sinagot. Sinabi niya ritong hindi pa siya handa, na marami pa siyang dapat unahin kaysa pakikipagrelasyon, na siya ang panganay sa kanilang magkakapatid at inaasahan sa pamilya dahil nabaldado ang kaniyang ama. Ngunit ang totoo, mahal na niya ang binata. Tingin ni Mara, ang lahat ng umiibig ay hindi maaaring hindi masaktan, kaya naman ayaw niyang bigyan ng pagkakataon ang sariling subukan ito. Dahil dito'y pakiramdam niyang siya na ang pinakamagaling na tao sa mundo na hindi naging biktima ng pag-ibig. /Hahahahaha!/

Ngunit tunay nga bang maligaya siya? Kamakailan lang ay nabalitaan niyang ikakasal na si Tomas–at Joyce. Nakadama siya ng lungkot at panghihinayang. Nais niyang magwala at isigaw sa bintana, "Walang valentine's daaay!! Walaaa!!! Masayang maging single! Mabuhay ang mga single!!!"

Ngayon, iniisip ni Mara na sila kaya ni Tomas ang ikakasal kung sakaling ipinagtapat niyang mahal niya ito at wala siyang mga kapatid at hindi nabaldado ang kaniyang ama?

Kuwentong Failed-ibig 3Donde viven las historias. Descúbrelo ahora