Chapter 17-Ang Kanyang Nalaman

18K 787 93
                                    

Nag-iba ang buhay ni Hannah matapos ang kanyang kaarawan. Una siyang nagka-nobyo sa edad na bente anyos. Kakaiba rin ang sitwasyon kung paano siya nagka-nobyo, dahil ang lalaki ay naglakbay papunta sa kasalukuyan niya na hinaharap para sa kanya. At ang lalaking iyon ay nasa mga pahina ng kasaysayan na walang iba kundi si Emilio Jacinto, ang tinaguriang "Utak ng Katipunan".

Hindi niya inakala na magkakahulugan sila ng loob. Ngunit nangyayari ang mga di-inaasahan, at naging sila nga. Nanibago si Hannah sa pagkakaroon ng nobyo, pero hindi niya maikaila ang sayang nadarama kapag kasama niya ang binata habang naglalakad pauwi galing unibersidad.

Alam na rin nila Mady at Sam ang kanilang relasyon, at masaya sila para sa bagong magkasintahan. Ngunit hindi ikinuwento ni Hannah na naka-tatlong halik siya mula sa binata noong kaarawan niya. Ito ay lihim nila ni Jacinto. 

Lumabas na rin silang dalawa, at ipinakita ni Hannah ang mga pagbabago sa isang mundo na kakaiba para kay Jacinto. Kumain sila sa labas, naglaro sa arcade, sumakay sa mga rides sa isang amusement park, at naglakad sa kahabaan ng Rizal Park at dumayo na rin sa may Manila Bay. Namangha si Jacinto sa monumento ni Rizal dahil hanggang ngayon, tinitingala pa rin siya ng mga Pilipino bilang pambansang bayani.

"Tunay na dakilang tao si Rizal, hindi ba?" wika ni Jacinto habang nakaupo sa tabi ni Hannah. Nakaharap sila sa Manila Bay at pinapanood ang paglubog ng araw.

"Oo, dahil ang mga sinulat niya ang nag-udyok sa rebolusyon laban sa Espanya," pangiting sagot ni Hannah. Kumunot tuloy ang noo niya. "Teka, bakit si Rizal ang pinag-uusapan natin?" tanong nito. Palaro niyang sinagi ang tagliran ni Jacinto. "Ikaw ah, fuma-fanboy, este, tagahanga ka pala ni Doktor Rizal!" Bakit Philippine History na naman ang topic natin? naisip niya. Hindi maiwasan na magawi sa paksang iyon ang kanilang usapan kung minsan, dahil sadyang napakaraming tanong ni Jacinto tungkol sa kasalukuyang panahon at ang mga nangyari pagkatapos. Pwede ba, maging normal naman tayo na mag-boyfriend kahit konti lang?! 

"Lahat ng tao noong panahon namin, tinitingala si Rizal. Malaki ang respeto ko sa kanya," giit ng binata. "Siya nga pala, hindi ba sabi mo, tanyag ako? Maari bang malaman ang mga nangyari sa akin pagkatapos mamatay ni Supremo Bonifacio?"

Nanigas ang dugo ni Hannah. Huwag muna. Sa ngayon ay hindi muna dapat malaman ni Jacinto ang kanyang magiging kapalaran. 

Napasandal si Hannah kay Jacinto. "Naku, sa palagay ko hindi mo muna dapat mabatid ang mangyayari sa iyo. Gusto ko muna sa ngayon, palagi kang nasa tabi ko. Huwag mo muna akong iiwan bigla," pakiusap niya.

Nilagay ni Jacinto ang kanyang braso sa balikat ng dalaga at niyakap siya nang mahigpit. "Hangga't nandito ako, palagi kong sisiguraduhin na ligtas ka at maligaya."

Alam naman ni Hannah na alanganin ang relasyon nila. Pero binalewala niya ito dahil nagmamahalan sila nang tunay. Hindi muna importante ang mangyayari sa hinaharap. Ang kasalukuyan muna ang mas matimbang.

Nag-uumapaw sa kaligayahan ang puso nitong si Jacinto nang mga nakaraang araw. Maligaya siya dahil kay Hannah. Pero hindi pa rin niya maiwasang mag-isip kung alam na ba ng dalaga ang mga nangyari sa kanya at pati sa kaibigan niyang si Bonifacio. Wala naman siyang binabanggit tungkol dito. Marahil hindi ko pa dapat malaman, naisip niya.

Ngunit nagka-ideya siya nang matuto siyang gumamit ng Internet. Sa kaunting araw lang ay alam na niyang mag-search gamit ang nasabing teknolohiya. Ganito ang tinuro sa kanya ni Hannah matapos niyang turuan ang dalaga ng lihim na alfabeto ng Katipunan. Nagsusulatan sila gamit ang nasabing paraan ng pagsulat, at sinuklian siya ni Hannah nang pinakita niya ang makabagong teknolohiya gamit ang computer at Internet. "Andito lahat ng gusto mong malaman," sabi niya.

The Katipunero and I | PUBLISHED UNDER KPUB PHTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon