Chapter 11-Meryenda sa Unibersidad

25.4K 1K 231
                                    

Kagagaling lang ni Hannah sa kanyang klase noong hapon at naglalakad na sana palabas ng university gate, nang biglang nakita niya si Ginoong Jacinto sa malayo. Tumatakbo itong papalapit sa kanya at nang maabutan niya si Hannah, humahangos siya. "Mabuti at naabutan pa kita!" wika nito. 

"Naku, may nangyari bang di maganda?" pag-aalala ng dalaga. Bakit bigla siyang susugod dito?

"Wala naman," sagot sa kanya ni Jacinto. "Nasabi lang ng iyong kaibigan na malapit ka nang umuwi, kaya nagbaka-sakali akong abutan ka pa dito. Nga pala, may gusto akong ibigay sa iyo."

May inabot siya kay Hannah. Isang munting kahon ng cake na kulay baby pink. "Binigay nga pala sa akin ng boss ng kopi shop dahil tinulungan ko siya sa kanyang kliyenteng Kastila. Nagsilbi akong taga-salin ng kanilang usapan mula wikang Kastila na Tinagalog." At kinuwento ng Katipunero kung paano siya nakatulong na magkaroon ng kasunduan ang may ari ng kapihan na magtayo ng isa pang branch sa loob ng gusali na pagmamay-ari ng nasabing Kastilang negosyante.

"Hindi raw masyadong marunong ng wikang Ingles ang negosyanteng iyon at wala nang oras para maghanap ng taga-salin. Nagkataong narinig ko ang usapan ng aking amo at ng isa niyang katiwala at sinabi ko na bihasa ako sa wikang Kastila. Pumayag ang aking boss at mukhang tuwang-tuwa siya sa nagawa ko para sa kanya. Ngayon ay magkakaroon na ng pangalawang kopi shop sa gusali ng negosyanteng Espanyol. Condo ang tawag sa gusali," kwento ni Jacinto.

"Yung condo ay gusali ng mga kwarto na tirahan na rin. Parang dormitoryo, pero mas malaki ng kaunti,' paliwanag ni Hannah. "Oo nga pala, marunong ka palang mag-Kastila!" Nag-aral si Jacinto sa Letran at UST! 

"Pinalad ako na pag-aralin ng aking tiyuhin at nagsumikap bilang estudyante," wika ng binata. "Hindi ganoon kadali, lalo na pag Pilipino ka at mga kaklase mo ay mga Kastila at mestizo na matapobre," pag-alala ni Jacinto sa mga araw niya bilang estudyante.

"Ala, sinalbahe ka ata nila," sambit ni Hannah.

"Pero lumalaban ako pag kailangan," pangiting nasabi ni Jacinto.

"Buti naman! Teka, balik nga tayo sa loob ng school," pag-aaya ni Hannah. "Kainin natin itong nasa loob ng kahon."

"Pagkain pala iyan?" gulat na nasabi ni Jacinto.

"Oo kaya! Keyk iyan! Pang-meryenda!"

Matagal pang namalagi si Hannah sa unibersidad, dahil inaya niya si Ginoong Jacinto na magmeryenda. Naupo sila sa ilalim ng puno kung saan tanaw ang malawak na football field. Nasarapan si Jacinto sa meryenda nilang cheesecake na sinamahan ng iced coffee na nasa lata. 

Libre naman ito sa kanya ni Hannah galing sa di-kalayuang vendo machine. Hindi malimutan ni Hannah ang pagkamangha ni Jacinto nang una niyang makita ang vendo. Pinaliwanag sa kanya ni Hannah kung paano ito ginagamit, at nang sumubok si Jacinto na bumili ng kape gamit ang paglagay ng bente pesos, hindi niya mapigilan na matuwa nang makuha na niya ang lata ng kape sa gilid. "Muy bien!" Napa-Kastila siya tuloy sa sobrang kagalakan.

Patuloy ang kanilang pag-uusap habang nagmemeryenda. "Maliit na halaga pala ngayon ang bente pesos," wika ni Jacinto. "Noong panahon ko, malaking halaga na sa akin ito. Siguro yung tatlong libong dagdag bayad sa akin kanina ng amo ko sa kopi shop, hindi pa ganoon kalaki para marami kang mabili."

"Oo, kaya tipirin mo iyan at mag-ipon ka," paalala sa kanya ni Hannah. 

"Tipid na tipid nga ang sahod namin ni Sam."

Natahimik ang binata at nagpatuloy sa pag-inom ng kapeng de-lata. 

"Anong iniisip mo?" tanong ni Hannah.

The Katipunero and I | PUBLISHED UNDER KPUB PHTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon