Chapter 9-Kinabukasan

28.9K 1.2K 395
                                    

A/N: Pawang kathang-isip lang ang eksena tungkol sa mga protesta. Di ako magbabanggit ng mga pangalan na pamilyar sa mga mata at pandinig niyo. 

(Sabado ng umaga)

"Ano ito?"

"Ti-Vi."

"Ito naman?"

"Radyo."

"Anong pagkakaiba ng dalawa?"

"Nakakapanood ka ng mga palabas sa ti-vi. Sa radyo, nakikinig ng musika at mga balita."

Nagsimula nang turuan nila Hannah at Mady ang bagong-salta sa modernong mundo na si Emilio Jacinto. Oo, walang iba kundi ang isa sa mga bayani at tinaguriang "Utak ng Katipunan" na si Emilio Jacinto. Hanggang ngayon ay misteryo pa rin kung paano siya napaadpad sa taong 2013 sa Pilipinas. Walang tiyak na paraan para makabalik siya sa panahon niya, kaya sa ngayon ay nagpasiya ang dalawang magkaibigan na ibahagi ang kanilang kaalaman sa mga makabagong bagay. Tiyak na makakatulong ito sa kanilang kakaibang bisita para makasabay siya sa paraan ng pamumuhay sa kasalukuyan.

Di naman naiirita ang Katipunero sa pagre-"review" na binibigay sa kanya ng mga kasama. Sa katunayan nga ay natutuwa ito at naaaliw sa mga bago niyang nalalaman, mula sa TV ("ti-viiii", ika nga niya) hanggang sa water dispenser na may pang-mainit at pang-malamig na naiinom. Halos lahat ay naintindihan na niya kung paano gamitin. Pero di maipagkaila ang pagka-aliw niya nang inabutan siya ni Hannah ng cellphone na Samsung Corby na kulay asul.

"Parang iyong sa iyo," pangiting nasabi ni Jacinto habang pinagmamasdan niya ang cellphone na nakatawa. 

"Ganito gamitin iyan," at pinakita ni Hannah nang binuksan niya ang cellphone. Pagkatapos ng kinse minutos ng pagpapaliwanag tungkol sa gamit ng cellphone ay nakakapag-text na si Jacinto kay Hannah.

"Salamat!" sabi ng text message.

"Uy! Marunong na siyang mag-text, Mady!" tuwang-tuwang nasabi ni Hannah. "Naka touch-screen siya ah!"

"Yey!" Pinalakpakan nila ang bagong kaibigan.

"Ganito na pala kadali makipag-usap ngayon," sabi ni Jacinto. "Noon, kailangan mo pang sumulat at matagal bago ito matanggap."

"Ganyan kadali!" masayang pahayag ni Hannah. "Siguro kung meron kayo niyan noon, mas madaling makipag-usap tungkol sa mga plano ng Katipunan."

"Ay, siyang tunay! Pero walang nakaka-alam na iba na nakikipag-usap ka dito?" tanong ng binata.

"Wala, kasi sa inyong dalawa lang," sagot ni Mady. "Pwede mo rin i-text si Hannah ng I love you kung gusto mo!" Kinindatan niya si Jacinto.

"Anong salita iyon?" inosenteng tanong ni Jacinto, na ngayon lang narinig ang Ingles na kataga.

"Ano ka ba, Mady?!" panggigigil ni Hannah. "I love you ka diyan!"

"Weh!" pabirong sagi ni Mady.

"Ah, wala iyon," pagdadahilan ni Hannah. "Mamaya na yung mga Ingles na salita, kasi minsang sinakop ng Amerika ang Pilipinas at natuto kaming ng bagong wika. Ingles."

"May manananakop na naman ulit?! Teka.... di ata tama iyan." Biglang ninais ni Jacinto na bumalik sa panahon niya para supilin ang bagong banta ng panibagong mga dayuhan. "Dapat makabalik na ako!"

"Ei, kalma lang. Ibang kwento naman iyon. Sa susunod mo na malalaman kung anong nangyari," pagpipigil ni Hannah sa kanya.

Kumalma si Jacinto. "Siguro nga di ko pa dapat malaman sa ngayon." Wala pa rin siyang paraang naiiisip kung paano makakabalik sa panahon niya. Pero ano kayang nangyari tungkol sa sinabi ng dalagang si Hannah? Bigla siyang nag-isip ng malalim, ngunit binasag ni Mady ang kanyang katahimikan.

The Katipunero and I | PUBLISHED UNDER KPUB PHTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon