Chapter 15- Lagi

22.4K 864 158
                                    

Naging maayos ang kalooban ni Hannah matapos ang ilang araw lang. Salamat kay Jacinto na palagi siyang sinasamahan pauwi galing unibersidad. Maraming beses na hindi sila nag-uusap habang naglalakad, at ginalang naman ng binata ang hindi pagiging madaldal ni Hannah ng mga panahong iyon. Nag-aalala kasi si Hannah na baka bigla na namang sumulpot ang ama nito nang walang pasintabi. "Ayoko na siyang makita ulit," wika nito.

Dumaan ang isang linggo na hindi pinagalitan ni Hannah ang Katipunero dahil may nagawa siyang nakakainis. Sa totoo lang, medyo nabahala si Jacinto, pero pinalipas lang niya ito. Talagang naapektuhan siya sa pagkikita niya ng ama niya.

Noong araw ng Linggo, nasa apartment lang si Ginoong Jacinto kasama si Sam. May kumatok sa pintuan at tumayo si Sam para buksan ito. "'Milio, nandito si Hannah," tawag niya kay Jacinto, na nakaupo sa sofa at nagbabasa. Agad sinarado ni Jacinto ang aklat at sinalubong si Hannah, na papasok pa lamang.

"Naparito ka," tanong niya. Ito ang unang beses na nakita ni Jacinto si Hannah na dumalaw sa kanila.

"Wala lang!" pangiting wika ni Hannah. "Eto oh, nagdala ako ng meryenda niyo, guys." Lumapit siya at binuksan ang plastic bag na dala niya. Bibingka at puto-bumbong ang laman nito.

"Ang aga naman ng Pasko! Wala pang simbang gabi!" natutuwang pahayag ni Sam.

"Masarap daw ito. Malapit lang sa simbahan na pinuntahan ko," sagot ni Hannah. "Si Mady pala, susunod mamaya. Kasabay ko lang siya nagsimba."

Naupo ang tatlo at nagsimulang mag meryenda habang nag-uusap. Inobserbahang mabuti ni Jacinto si Hannah at ramdam niya na bumalik na ang kanyang sigla. Ngayon lang niya ulit nasilayan ang ngiti nito at ikinaligaya niya iyon.

Pagkatapos ng masarap na meryenda ay inaya ni Jacinto si Hannah na umakyat patungong roofdeck ng kanilang unit. "Meron din palang bubungang paakyat ang gusaling ito, kagaya ng dormitoryo niyo," masayang wika nito nang makarating sila sa itaas.

"Karamihan kasi sa mga ganitong gusali, mga dormitoryo o apartment," sabi ni Hannah sa kanya. "Karaniwan na ang mga ganitong tirahan sa lugar na ito, dahil malapit sa unibersidad."

Tumingin si Jacinto sa malayo. Ang langit ay napapaliguan ng kulay pula na sinag ng papalubog na araw. May mga bubong ng bahay at matataas na gusali na halos abot na ang alapaap. "Ibang-iba ang panahon na ito mula sa panahon ko," pahayag niya. "Hindi ko akalaing nakaakyat na ako ng bubong ng gusali. Sana maging mas matayog pa dito ang estado ng bansang ito."

"Sana nga maging totoo iyang sinabi mo," sagot sa kanya ni Hannah.

"Anong pangarap mo?" tanong ni Jacinto.

"Ha? Ah... makatapos ng kolehiyo. Tapos magka-disenteng trabaho. Sana meron akong makita dito, o kaya makikipagsapalaran ako sa Norway, kasi andun mama ko. Pero malamig daw dun. Napakalamig, dahil may nyebe. Snow. Baka di ko matagalan ang malamig na bansa," ngiti niya.

"Wala kang balak na magka-pamilya?" 

Nagulat si Hannah sa tanong. "Huh?! Oy, masyado na iyang personal, Emilio Jacinto! Baket mo natanong? Boyfriend nga wala, asawa pa kaya?"

Nagsisi si Jacinto sa tanong na ito. "Ay, paumanhin..."

"Ayos lang. Basta, ayokong magaya kay mama. Pumatol sa boss niya at ako naging anak."

"Ngunit magka-iba naman kayo ng pagkatao ng nanay mo. Di porke't nangyari sa kanya, mangyayari rin sa iyo," giit ng binata.

Nag-isip si Hannah. "Sa bagay, tama ka. Bigla naman napasok iyan sa usapan."

"Nakapagtataka lang, kasi parang wala kang manliligaw, gaya ng ibang babaeng estudyante na nakikita ko sa paaralan niyo. Palaging may nakalingkis na lalaki sa mga braso nila!" biro niya.

The Katipunero and I | PUBLISHED UNDER KPUB PHTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon