UNANG KABANATA

1.4K 44 35
                                    


1890 – Pampanga

LIHIM niyang sinulatan ang papel na kanyang hawak gamit ang pakpak na panulat. Malalim niyang inisip ang mga letra ng bawat salitang kanyang inilalagay, habang unti-unti na namang sumariwa sa kanyang isipan ang lahat ng nangyari.

Bakit nga ba hanggang ngayo’y hindi n’ya pa rin makalimutan ang mga nangyari sa kanyang mapait na nakaraan? Bakit nga ba mas pinili n’ya pang alalahanin ang mga pangyayaring dapat ay matagal na niyang ibinaon sa limot? Bakit nga ba hindi niya makalimutan ang mga panahong kay lapad ng kanyang mga ngiti, ngunit kalaunay napalitan din ng pait at hinagpis.

“Sulat? Para kanino Felissa?” Mabilis niyang itinago ang sulat na kanyang ginagawa sa biglang pagupo ng kanyang kaibigan sa kanyang tabi.

“Wala ito, Maria, isang artikulo lamang,” sagot niya sa pagbabakasakaling sumang-ayon ang kanyang kaibigan. Ngunit katulad ng kanyang inaasahan ay tumayo si Maria at pumunta sa kanyang likod kung saan niya tinatago ang liham.

Napailing si Maria ng makita ang liham na nakatago sa likod ni Felissa bago umupo muli. “Hindi ka marunong magsinungaling Felissa. Imposibleng isang artikulo ang iyong sinusulat dahil hindi artikulo ang iyong mga sinusulat kun’di nobela. Hindi ba?”

Napabuntong hininga na lamang siya ‘saka inilabas ang sulat na kanyang hawak. “Wala talaga akong maitagong lihim sa’yo, Maria.”

“Para saan pa’t itinuring mo akong kaibigan kung hindi ko alam ang iyong mga ginagawa at lihim?” sagot ni Maria.

“Sandali ‘wag mong sabihing para kay Filipe nanaman iyan. Kalimutan mo na siya Felissa, matagal ka na niyang iniwan,” dagdag niya na may pagaalala sa kanyang boses.

“At bakit ko siya kakalimutan? Sa buhay ng isang tao hindi maaring kalimutan ang mga bagay nangyari sa nakaraan. Maganda man ito o hindi, dahil kung hindi dahil sa mga nangyari noon ay hindi tayo matuto ngayon. Paano ka babangon muli kung hindi ka pa nadadapa?” Ang mga salitang inilalabas ng kanyang bibig ay puno ng sakit. Tunay ngang madaling sabihin ang isang bagay ngunit mahirap itong gawin. Ilang beses na niyang pilit na kinalimutan ang dati n’yang kasintahan, ngunit parang isa itong tinik na ayaw lumabas sa kanyang lalamunan. Sa bawat gabing kanyang sinusubukang limutin siya ay parang pilit laman itong bumabalik sa kanyang isipan.

At ngayon napagtanto niyang kailangan sigurong itigil muna niya kahit sandali ang paglimot kay Filipe. Dahil bawat sandaling ginagawa niya ito’y dumodoble lamang ang sakit sa kanyang puso. Mas pinapamukha n’ya lamang sa sarili na iniwan s’ya nito. Tama ba ang kanyang piniling ‘wag munang kalimutan ang mga nangyari?

Tumayo si Felissa at nilapitan ang isang babaeng kasama sa mga nakahilerang nagtitinda ng sampaguita sa tapat ng simbahan. Bumili siya ng dalawa at mabilis itong inaamoy. Humalig na humilig siya sa amoy nito, para bang ngayon pa lang s’ya nakaamoy ng sampaguita. Inikot niya ang kanyang mga mata at naalalang muli ang unang pagkikita nila noon ni Maria.

KITA ang pagkamangha sa kanyang mukha ng makita ang isang napakalaking istraktura na nasa harapan niya, ang parokya ng San Pedro Apostol sa Apalit, Pampanga. Dalawang maliit na tore ang nakakonekta sa harapan na may tig-isang kampana na sabay na tumutunog. Ang istraktura ay gawa sa ladrilyo. Ang mga taong pumapasok ay ‘di mabilang sa dami at ang daanang papasok sa loob ng simbahan ay halos hindi na madaanan. Naninibago siya dahil hindi naman ganoon karami ang mga taong pumupunta sa simbahan.

“Hali ka, bumili muna tayo ng sampaguita na iaalay sa Poon, Felissa,” wika ng kanyang ina saka siya sinama malapit sa sa labas ng simbahan. Doon ay nakita n’ya ang mga nakahilerang nagtitinda ng rosas, sampaguita at ang iba nama’y mga kandilang may imahe ng santo. Lahat sila ay pilit na inilalahad ang kanilang mga paninda sa mga taong dumadaan. Ngunit kakaunti lamang ang nakakapansin sa kanila.

“Anong mayroon mama at napakaraming tao?” usal niya pagkatapos makabili ng isang sampaguita ang kanyang ina. Nakipagsiksikan sila sa dagat ng mga taong papasok ng parokya upang makabalik sa kinaroroonan ng kanyang ama.

Humarap sa kanya ang kanyang ina. “Ngayon ang kapistahan ni Apung Iru anak. Kaya ‘wag ka nang magtaka kung ganito na lamang karami ang mga taong gustong magpasalamat sa Poon,” malumanay na sagot ng kanyang ina. Matapos ay nakita na niya ang kanyang ama na naghihintay sa kanila sa labas ng pinto ng simbahan.

“Tara, lungub ta na (Tara pumasok na tayo),” anyaya ng kanyang ama at sabay-sabay silang pumasok sa simbahan.

Umupo sila sa harap, malapit sa altar kung saan dinig na dinig niya ang pangaral ng pari sa kanyang homilya. Ngunit kahit ganoo’y wala pa rin siyang maintindihan dahil isa lamang s’yang musmos. Isang batang babae ang kumalabit sa kanya. Humarap siya at nakita ang batang nakalahad ang kamay, madumi rin ang kanyang damit at magulo ang maitim at mabaho n’yang buhok. Agad siyang naawa rito kaya naman kinalabit niya ang kanyang mama at humingi ng pera at pagkatapos ay ibinigay ito sa batang namamalimos.

Isang malapad na ngiti ang lumitaw sa labi ng musmos, paalis na sana ito ng tawagin niyang muli, “Sandali, ano ang iyon ‘ngalan?”

“Ako si Maria, salamat dito at may makakain na kami,” masayang tugon ng musmos.

“Ako naman si Felissa De Verga. Ngunit limang piso lamang iyan at hindi magkakasyang pambili ng pagkain.”

Iniiling ni Maria ang kanyang ulo. “Sa isang tulad mo na anak mayaman ay kakaunti lamang ito, ngunit para sa’ming walang makain ay sobra-sobra na ito.”

“Gusto mo magkita tayo dito bawat linggo at bibigyan kita ng pagkain? Lagi naman kaming nandto tuwing linggo upang mag-simba.” Mas lalong lumapad ang ngiti ni Maria sa mga narinig, ni minsa’y wala pang nag-alok sa kanya na bigyan ng pagkain - lalo na’t sa tingin niya’y isang espanyol ang batang kanyang kausap. Sa gara ng damit na sinusuot ni Felissa’y karangyaan na ang isinisigaw, nangingibabaw ang kanilang kasuotan sa mga nasa parokya. Lalo na ang mga gintong palamuting nasa kamay ng kanyang ama at ina.

“Sino ‘yan Felissa? Umalis ka nga dito, napakadumi mo!” Napabalikwas ang kanilang atensyon sa biglang pagtaboy ng ina ni Felissa kay Maria.

“Kaibigan ko siya, mama,” sagot ni Felissa na may halong pangamba.

Mabilis na tinakpan ng ina ni Felissa ang kanyang ilong at itinaboy muli si Maria hanggang sa umalis ito. Nangingibabaw ang boses niya sa simbahan kaya naman pinagtitinginan na siya ng ibang nagsisimba.

“Sa susunod ‘wag na ‘wag kang makipagkilala sa mga palaboy, naiintindihan mo?”

“AKO na yata ang pinakasuwail na anak nina mama,” bulong niya at ngumiti.

Napakunot ang noo ni Maria. “Ano iyon, Felissa?”

Umilig si Felissa atsaka ibinigay ang isang sampaguitang binili niya. “Wala, naalala ko lamang kung gaano ako kasuwail ng nakipagkita pa rin ako sa’yo kahit na pinagbantaan ako ni mama.”

“Ang akala ko’y si Filipe ang iyong iniisip,” ngumiti siya sa inusal ng kababata. “Pinaalala mo na naman ang utang na loob ko sa’yo,” dagdag pa niya. Sariwa pa rin sa kanyang isip ang mga naitulong ni Felissa sa kanyang pamilya. Kung hindi siguro dahil sa tulong niya’y matagal na silang namatay sa gutom.

“Matagal mo nang nabayaran ang iyong utang na loob, Maria, ang pagiging isang matalik kong kaibigan ay higit pa sa kabayarang hinihingi ko. Walang katumbas ang pagmamahal na ipinaramdam mo sa akin noong mga panahong nangungulila ako at kailangan ko ng karamay. Ikaw at ang Poon lang ang tumulong sa aking makabangong muli.”

-----

Heto na ang unang kabanata. Sana ay nasiyahan kayo, ano ang inyong masasabi tungkol kay Felissa at Maria?

Malaking pasasalamat mula sa akin kung makakatanggap ako ng mga komento at boto mula sa inyo.


Tuwing Takip SilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon