II | Break Of Day

479K 16.4K 8.8K
                                    

'Go home Cesia... you're not safe here'

Cesia

Cesia!

"Ayy Cesia!" Napabalikwas ako at napalingon sa alarm clock nang tumunog ito.

Alarm.

Ba't nga ulit ako nag alarm? Diba kakaexpell ko lang?

Ilang segundo rin akong nakatitig sa blankong pader sa aking harapan atsaka naalalang, lumipas na pala ang tatlong araw at lilipat na ako sa kakaibang school na'yon.

Ang bilis naman.

Napahikab ako at sinilip ang orasan. Nalaman kong 5 am pa at mamayang 7 darating ang service... ibig sabihin...

Humiga ako para matulog ulit.

Yun nga lang, ayaw nang matulog ng sistema ko. Imbes na bumalik sa pagpahinga, pinili ng utak kong pag-isipan ang pangalang parati kong naririnig sa panaginip ko.

Cesia.

Ano bang meron sa pangalan na'yan?

Di nagtagal, napagdesisyunan ko nang bumangon at mag almusal, saktong isang oras bago ako susunduin.

Inaayos ko ang higaan nang sumagi sa aking isipan ang nangyari sa sulat na pinirmahan ko. "Sana nga lang scam lahat ng 'to at wala talagang susundo sa'kin." sabi ko sa aking sarili habang pinapagpag ang unan.

Kinikilabutan talaga ako sa tuwing naaalala ko 'yon.

Ano bang klaseng invitation ang bigla-bigla nalang nasusunog pagkatapos mapirmahan? Hindi kaya mga smokers ang mga tao do'n? O mga scientists na maraming pinag-eeksperimentohan... kasali na ang mga estudyante nila?

Umiling-iling ako. Tinatakot ko na naman kasi ang sarili ko.

Lumabas ako ng kwarto. Pababa pa lang ng hagdan, naaamoy ko na ang amoy ng sinigang, ang paborito kong luto ni Auntie.

Dumiretso ako sa kusina. Umupo ako at tahimik na minamasdan si Auntie na isa-isang inilapag ang kanin at ulam sa hapagkainan.

"Ang aga mo ata ngayon Abby. excited?" nginitian niya ako... at ngayon ko lang napansin ang kulubot sa gilid ng kanyang mga mata.

Alam kong matatagalan pa ang susunod naming pagkikita kaya heto ako ngayon, pinapahalagahan ang bawat sandali na kasama ko siya. Siya lang naman ang pamilya na meron ako. Buong buhay ko, siya lang din ang naging tunay sa'kin. Hindi naman kasi ako nakikipagkaibigan sa dati kong school kasi lahat ng mga babae do'n, ewan ko ba kung bakit, pero lahat ata sila may galit sa'kin kahit wala naman akong ginagawa sa kanila. Kaya siguro palagi akong late dahil nawalan na ako ng gana. Pinipilit ko lang yung sarili ko na gumising at pumunta sa eskwelahan para mag-aral tapos uuwi. Paulit-ulit nalang. Sa huli, pag nakauwi na ako, nare-realize kong sobrang out of place ako sa kanila. Sobrang layo ko sa mundo nila at hanggang ngayon, hindi ko pa rin nakukuha ang sagot kung bakit gano'n.

Si Auntie lang ang natatanging tao na nakakaintindi sa'kin.

Sinasabi niya sa'kin parati na darating ang araw na magkakahiwalay din kami. Ito na siguro 'yon. Ang araw na hindi ko aakalaing darating pala nang ganito kaaga. Hindi man lang ako nakahanda dahil sa totoo lang, ayaw ko talagang pumunta lalo na't mag-isa lang ako.

Kaso, mas mahalaga para sa'kin ang kasiyahan niya.

"Niluto ko yung paborito mo kasi alam mo na... baka di ka na makakakain nito.. sosyalin pa naman ang mga pagkain do'n." Sinubukan niyang pagaanin ang hangin na nakapalibot sa'min.

Pero hindi ako nagpatinag. "Mami-miss din kita Auntie.." mahina kong tugon.

Hindi naman ako takot maglabas ng nararamdaman ko. Minsan nga, sinasabihan niya ako na wag masyadong maglabas ng damdamin kasi nakakasama ito. Malay ko ba kung ano ang nakakasama do'n. Ayon sa kanya, kapag matindi daw yung emosyon na nararamdaman ko, huwag ko daw itong ipakita dahil malaki ang posibilidad na magiging gano'n din ang mararamdaman ng iba. Hindi ko gaanong naiintindihan pero siguro sinasabi niya 'yon kasi napakasensitive ko. Ang dali ko ring mahawa sa pakiramdam ng mga tao kahit boses palang nila ang naririnig ko.

Olympus Academy (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon