MLFTC-20

15.8K 490 17
                                    

MLFTC-20

Kung may nais itanong, post lang kayo sa message board ko para madali ako makapag-reply. Salamat Fairies!
Fb: Maikitamahome WP

*****


Napasinghap ako. Hindi puwede mangyari 'yon! Bigla ko siyang hinarap ngunit hindi ko inaasahan ang susunod na mangyayari dahil bigla nito akong siniil ng halik. Para pa itong nanggigil dahil bahagya pang dumugo ang pang-ibaba kong labi. Ngunit takang-taka ako sa aking sarili dahil hindi ko man lang magawang pumalag sa mapangahas na paghalik nito sa akin. Kasabay nang halik ay ang pagsalubong ng aming mga mata. May kung anong hipnotismo ang mga mata nito upang mapatitig ako ng husto. Kulay luntian ang mga mata nito at kay sarap lang nitong titigan ng pangmatagalan. Bahagya itong kumalas sa pagkakahalik sa akin ngunit nanatiling nakapulupot ang mga bisig sa aking bewang. Natigilan naman ako nang biglang dinilaan nito ang aking labi at tila sarap na sarap pa ito sa dugong nalasahan niya mula sa akin.

"Ngayon caritas mea, sabihin mo sa akin kung ano ang iyong ginagawa sa sekreto kong pahingahan." Anito.

Nakagat ko ang pang-ibaba kong labi. Hindi pa nga ako nakakabawi sa ginawa nitong paghalik sa akin kanina, o mas tamang sabihin na tulala pa ako at hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisa.

"G-gusto ko lang magpasalamat...kaya kita hinahanap..." Sagot ko at napayuko.

Ibig ko na yatang mahimatay dahil sa sobrang nerbyos. Muli akong nag-angat ng aking ulo at nakita mismo ng mga mata ko ang pagbabago ng kulay ng mata nito; naging kulay pula. Napaatras ako dahilan para makakalas ako rito ngunit sa bawat pag-atras ko'y siya ring paghakbang nito palapit sa akin. Imposible! Alam na alam ko kung anong klaseng nilalang ang may kakayahang maging pula ang mga mata, maliksing kumilos, may lakas na walang kapaguran at ang paborito nilang pagkain na ang tanging bumubuhay sa kanila ay dugo; mga bampira!

Napaatas akong muli ngunit bago pa man ako makaatras lalo ay bigla itong lumitaw sa harapan ko at may kung anong idiin sa parte ng aking leeg dahilan para ako'y mawalan na naman ulit ng malay.

*****

Dahan-dahan kong idinilat ang aking mga mata at gaya nga nang nangyari no'ng unang beses ay narating ko na naman ang aking silid nang 'di ko namamalayan. Kung no'ng una'y sa sahig ako nagising, ngayon nama'y sa mismong kama ko na. Namilog ang aking mga mata ng maalala ko sa aking balintataw ang tagpong nangyari kanina. Totoo nga ba talaga sila? O talagang namamalikmata lang ako at baka dala lang iyon ng imahinasyon ko? Pinilig ko ang aking ulo at hinilot ang aking sintido. Sumasakit na talaga ang ulo ko sa mga nangyayari sa akin.

Una'y ang mga pangitaing nakikita ko sa larawan no'ng nasa unibersidad ako nagtatrabaho. Pangalawa'y ang malaking aso na umatake sa akin. Ngayon nama'y ang lalaking nagpaparamdam sa akin noon pa man ay hindi isang multo o isang normal na tao bagkus ay isang bampira. Diyos ko! Iniisip ko tuloy kung may sakit na ba ako sa pag-iisip dahil kung anu-ano na ang nakikita ko.

Mariin akong napapikit. Alam ko kung ano ang nakita ko kanina sa mga mata nito. Hindi rin naman ako isang mangmang para baliwalain ang mga kaalaman sa ganyang bagay. Madalas ay napapanood ko lang ang mga gaya nila sa sinehan. Ngunit iba ito, talagang totoo sila. Napabuga ako ng hangin at bumababa sa aking kama. Sa pagtayo ko'y may nahulog na papel sa sahig.

'Huwag na huwag ka nang babalik sa muli sa lihim kong pahingahan.' Basa ko sa nakasulat sa papel. Napapikit ako ng mariin at itinapon ang papel na hawak ko. Lumabas ako ng silid ko at saktong papasok rin naman si Egoy. Bahagya pa itong nagulat nang makita ako.

"Nandito po kayo? Ang akala ko'y nasa museo kayo, ate." Anito.

"Ha? Kalalabas ko lang..." Sagot ko pa. Nagsalubong naman ang mga kilay nito.

"Po? E kanina pa po ako dito sa labas ng tinutuluyan po natin e." Ani Egoy at napapaisip pa. Alanganin akong napangiti.

"Hindi mo lang yata ako napansin. Nga pala akin ba ito?" Tukoy ko pa sa pagkaing nasa mesa.

"A, opo ate. Bigay po iyan ni ate Catherine. Baka kasi may gana ka na pong kumain, pasado ala-singko na po ng hapon kung 'di niyo napapansin." Anito.

Napaawang ang aking mga labi. Kung ganoon pala'y kay haba pala ng aking naitulog. Itinikom ko ang aking bibig at naupo na sa hapag. Nagkunwari akong masigla.

"Nako Egoy, napasarap lang talaga ako sa pagtulog. Tara na't samahan mo akong kumain." Nakangiting alok ko pa.

Nailing naman ito at naupo lamang sa aking harapan. Kumikit-balikat na lamang ako at nagsimula nang kumain. Sa totoo lang ay ngayon ko lang naramdaman ang pagkalam ng aking sikmura.

"Ate..." Ani Egoy kaya't tiningnan ko ito.

"Bakit Egoy, may problema ba?" Tanong ko pa habang sumusubo.

"Kasi ate papasok po ako sa kabilang bakod mamaya." Natigil ako sa pagsubo.

"Talaga? Puwede ba akong sumama? Malapit lang naman siguro ang bahay na tinutuluyan ni tiyang Nely 'di ba?" Nailing naman ito na siya ring ikinanglumo ko.

Ang akala ko pa naman ay makikita ko na ang tiyang Nely.

"Malayo po 'yon ate at saka kukuha lang naman po ako ng mga bagong libro doon." Paliwanag pa nito.

Napayuko ako at tahimik na lamang na kumain.

"Pero wala naman sigurong makakaalam kung ipupuslit po kita, 'di ba ate?" Aniya. Nag-angat ako ng ulo.

"Talaga? Isasama mo na ako? Kahit hindi tayo makapunta kay tiyang Nely ay ayos lang. Mabuboryo lang kasi ako rito." Sabi ko pa.

"Opo ate. Teka may kukunin ako, bilisan niyo na po sa pagkain." Masiglang wika rin naman nito.

Agad itong napatayo at pumasok sa kanyang kuwarto. Ako naman din ay mabilisang inubos ang pagkaing nasa harapan ko. Nang matapos ako'y kaagad din naman akong nagpalit ng bestida at pares ng sapatos.

Pagkalabas ko ng silid ko'y nagkasabay pa kami ni Egoy. Nagsalubong ang aking mga kilay. Nakasuot kasi ito ng tsaketa.

Hindi lang simpleng tsaketa dahil ito iyong madalas kong nakikitang suot ng mga hudyo o kaya'y mga sinaunang prayle; o kaya nama'y madalas ko rin itong nakikita sa mga myembro ng mga kulto. 'Yong parang nagsasagawa ng ritwal sa mga dayuhang palabas. Napahagikhik ako.

"Egoy, ano ang pumasok sa utak mo at kailangan pa ng ganyan?" Natatawa ko pang tanong.

Napanguso ito at nahihiyang napakamot sa kanyang ulo.

"Kailangan kasi ate e. Ito 'yong sa 'yo tapos gamitin mo itong pabango, madali mawala ang amoy niyan kaya limang bote ang ibibigay ko sa iyo." Paliwanag pa nito.

Napangiwi ako at walang nagawa kundi ang isuot ang itim na tsaketang bigay niya.

"Mamahalin ito a." Tukoy ko pa sa pabangong hawak ko.

"Sige na po ate, gamitin niyo na po. 'Wag kalimutan po gamitin kada minuto." Bilin pa nito.

"Kailangan pa talaga nito?" Taka kong tanong.

Napatango naman ito. Nailing na lamang ako at ginamit na ito.

"Tara na po..." Gayak nito sa akin.

Ngumiti lang ako at napatango.

MY LOVE FROM THE CENTURY [Zoldic Legacy Book 2]Where stories live. Discover now