MLFTC-14

15.9K 492 44
                                    

MLFTC-14

*****

Saan ko nga ba narinig ang pangalang iyan. Napalunok ako. Imposible namang maging ako ang nasa larawang iyan gayong sa tanang buhay ko'y ngayon lang naman ako napadpad sa lugar na ito.

"B-baka nagkataon lang naman Egoy." Sabi ko na lamang kahit na ang totoo'y bumabagabag ito sa akin.

"Siguro nga po." Sang-ayon din naman nito.

"Kaya pala tinawag ako bigla ni aling Lupe sa pangalang Alyana dahil kamukha ko siya. Sino ba siya Egoy?" Tanong ko, tutal naman ay napagkamalang ako'y siya. Mas mabuti na rin iyong may alam kahit kaunti man lang.

"Ayon sa mga kuwentong nasagap ko, bigla na lang nawala si Alyana at naiwang sawi ang kanyang kabiyak. Ang sabi, nagpakamatay daw ito pero wala namang nakapagpapatunay na nangyari iyon, ate Yana. Hanggang ngayon ay misteryo pa rin ang kanyang pagkawala at ang kanyang kabiyak nama'y hanggang ngayon ay hindi pa rin kilala." Napatango-tango naman ako.

"Ang sabi, ang lalaking nagpinta raw nito ay ang kabiyak ni Alyana. Ngunit wala pa ring patunay na siya nga dahil halos lahat nang nakapintang larawan dito ay walang pangalan ng pintor." Dagdag niya.

Sinipat kong mabuti ang larawan, maging ang iba. Totoo nga na walang pangalan ng pintor ang bawat larawan; nakapagtataka talaga.

"Akala ko talaga no'ng una kitang makita ay ikaw si ate Alyana. Pero no'ng kausapin ko si ate Catherine, hindi raw po ikaw iyon." Aniya. Muli akong napatango-tango.

"Heto ang mga susi ate. Ang utos ni kuya Steffano, tanging silid-aklatan lang ang puwedeng buksan sa publiko." Dagdag nitong muli. Napalabi ako at kinuha ang susi.

"Areglado Egoy. Tara na, medyo kumakalam na ang sikmura ko." Yaya ko pa rito.

Tumango naman ito. Sabay na kaming lumabas ng museo. Bago ko pa maisarado ang pinto ng tuluyan ay bahagya ko pang sinulyapan ang larawan ni Alyana. Pakiramdam ko'y para lang akong nananalamin habang pinagmamasdan ito kanina. Pinilig ko ang aking ulo. Baka nga nagkataon lang na may pagkakamukha kaming dalawa. Muli kaming bumalik sa tinutuluyan namin ni Egoy. Nagsimula na rin akong magluto, hanggang sa nag-agahan na kami ng sabay ni Egoy.

Hindi rin naman nagtagal ay napagpasyahan na naming buksan ang silid-aklatan.

Pumuwesto na ako sa aking mesa habang si Egoy naman ay abala pa rin sa paglilinis. Nang sumapit ang alas-otso ay nagsidatingan na ang mga istudyante. Habang sunod-sunod ang pagpasok nila ay may pumukaw ng aking atensyon. Sa dulo ng pila para sa talaan ng mga pumasok ay may lalaking nakaitim lahat ang suot. Mula sa hikaw nito hanggang sa suot na sapatos. Lahat ay kulay itim, maliban sa kulay ng buhok nito. Kulay itim ito ngunit lutang pa rin ang ilang kulay pulang hibla ng mga buhok niya.

Ang lakas ng dating niya sa akin, na para bang may kung anong puwersa ang humahatak sa akin.
Nang ito na ang susulat sa talaan ay wala sa sarili akong napalunok. Matapos nitong sumulat sa talaan ay kinuha ko ang papel. Nang tuluyan na itong pumasok sa loob ay inusisa ko agad ang kanyang isinulat.

"Zsakae Zither Zoldic..." Sambit ko sa pangalan nito.

Muntik pa akong masamid dahil medyo naguguluhan pa ako kung paano ko sasambitin ang unang pangalan nito. Binasa kong muli ang pangalan nito at doon lamang ako natauhan. Isa siyang Zoldic! Napaalis ako sa aking puwesto at agad na hinanap ng aking mga mata si Egoy. Nang makita ko ito ay kaagad akong lumapit sa kanya.

"Egoy..." Mahina ko pang tawag.

Lumapit naman ito sa akin.

"Zoldic..." Bulong ko at pasimpleng itinuro ang lalaki kanina. Abala ito sa pagpili ng mga libro.

"Huwag niyo na lang po pansinin ate." Ani Egoy at bumalik na sa kanyang ginagawa.

"Huwag pansinin? Paano kung kausapin ako?" Wika ko pa aking sarili.

Nailing na lang ako at bumalik na sa mesa ko. Gaya nga nang sinabi ni Egoy ay binalewala ko na lamang ang presinsya ng lalaking iyon at inabala na lamang ang aking sarili sa pagbabasa ng mga nobela. Taga-bantay lang din naman ako dito at wala namang ibang puwedeng gawin kundi ang magbasa na lang.

"Diyos ko!" Sambit ko pa sa kalagitnaan ng aking pagbabasa at napahawak sa aking dibdib.

Bigla na lang kasing ibinagsak ang mga libro sa aking mesa. Nang mag-angat ako ng aking ulo ay muntik pa akong malaglag sa aking kinauupuan.

"Ah..." Tanging nautas ko.

"Isusuli ko kapag naalala ko..." Anito.

Para lang din naman akong timang na napatango lang. Kinuha na nito ang apat na makakapal na libro at agad din naman na umalis. Napakapit ako sa aking inuupuang silya. Sandali yatang lumabas ang kaluluwa ko dahil sa ginawa niyang iyon. Nasapo ko na lamang ang aking noo at pinakalma ang aking sarili. Panginoong mahabagin, huwag niyo naman sana po akong hayaang mamatay sa gulat! Napabuga na lamang ako ng hangin at bahagyang hinawi ang aking buhok. Ngunit bago pa man bumalik ang atensyon ko sa binabasa ko'y narinig ko na naman ang piyesa ng isang awitin na nagmumula sa piyano. Ito 'yong narinig ko kagabi. Napatayo ako at sinundan ang musikang naririnig ko. Muli na naman akong dinala ng aking mga paa sa pinto ng museo. Kinapa ko ang aking bulsa at kinuha ang mga susi. Bago ako pumasok ay hinanap ng mga mata ko si Egoy. Abala pa rin ito sa paglilinis. Marahan kong isinara ang pinto. Hindi ko talaga mapigilan ang mamangha sa lugar na ito.

*****

#MattYeshaKeaYana or
#ZsaYana

Lols!

Zsakae Zither Zoldic- Pronounce as Za-kay Si-ter Zoldic

Nabalul kayo ano?! XD Sorna!

MY LOVE FROM THE CENTURY [Zoldic Legacy Book 2]Where stories live. Discover now