Chapter 31: The Enemy

22 10 0
                                    

Natutulog sa hospital bed si Dylan at maraming wires ang nakakabit sa kanyang dibdib. Maliban sa mahinang tunog na nagmumula sa monitoring machine, maririnig din ang mahinang pag-uusap nina Emily at Jonathan na kapwa nakatayo malapit sa pinto ng VIP Room ng CEO.

"Ano ba kasi ang nangyari? Saan ba kayo galing?" Halata sa tono ng boses ni Emily ang inis habang pinipigilan na lumakas ang kanyang boses upang hindi magising si Dylan.

"Sorry, Ms. Emily. Si boss na lang ang tanungin ninyo," buong respetong pagtanggi ni Jonathan na magbigay ng impormasyon sa sekretarya ng kanyang boss.

Bahagyang gumalaw ang mga kilay ni Dylan. Naramdaman niya ang bigat ng kanyang katawan maging ng talukap ng kanyang mga mata ngunit pinilit pa rin niyang buksan ang mga iyon. Pinanatili ng binata ang pagkakatitig sa puting kisame habang pinakikinggan ang mga sinasabi ni Emily sa close-in bodyguard niya.

Kumunot ang noo ni Emily sa sagot ng bodyguard at hindi na niya napigilan na tumaas nang bahagya ang kanyang boses. "Well, your boss is currently unconscious!"

Tikom ang bibig na napayuko si Jonathan.

Lalong nairita si Emily sa inasal ng bodyguard. "Ibig mo bang sabihin, hindi ka magsasalita kahit ganyan na ang nangyari sa boss mo?"

"Sabi naman ni Dr. Howard ay napagod lamang si Sir. Papaalalahanan ko siya sa susunod," malumanay na sagot ng bodyguard.

Naningkit ang mga bilugang mata ng babae at napahalukipkip habang matamang tinititigan ang kausap. "Pinuntahan ba ninyo si Ms. Chen?"

Walang emosyong tinitigan ni Jonatahan si Emily. "No, ma'am."

Binasa ni Dylan ang kanyang labi at saka napabuntong-hininga. "Bakit ang ingay ninyo?"

Sabay na napalingon sina Emily at Jonathan. Malalaki ang hakbang ng babae na lumapit sa kama ng CEO habang nanatili ang bodyguard sa kanyang kinatatayuan. Tahimik na napausal ng pasasalamat sa Diyos ang huli dahil kung mas malala ang sinapit ng CEO ay mapipilitan siyang sabihin ang naganap kanina at alam niyang hindi iyon magugustuhan ng kanyang boss.

"'Lan naman. Kalalabas mo lang ngayong araw na ito, bakit sinasagad mo na ang sarili mo?" puno nang pag-aalala at pagtatampong komento ni Emily.

Tumaas nang bahagya ang kaliwang kilay ni Dylan bago kumunot ang noo. "Ako ba ang dapat sisihin sa mga nadiskubre ko ngayong araw na ito?"

Napapikit si Emily at saka malungkot na tinitigan ang binata na itinuring na niyang nakababatang kapatid. "Nagawa lang naming itago sa iyo ang lahat sa takot na mag-reject ang puso ni Lee sa iyo dahil sa sobrang stress."

"Sa tingin niyo ba ay hindi ko mapapansin na may kakaiba sa mga kausap ko?" Inis na tanong ni Dylan. "Kung hindi sumabay ang pagpapakilala sa publiko kay Lianne hanggang kailan ninyo ako lolokohin?"

"Sorry. Ikaw lang naman ang iniisip namin kaya namin nagawa iyon. Hindi namin alam ang magiging epekto ng kamatayan ni Lee at panloloko ni Lianne sa..." hindi natapos ni Emily ang sasabihin dahil sa unang pagkakataon ay tinitigan siya ni Dylan ng puno ng sakit. Pakiramdam niya ay piniga ang puso niya at napilitan siyang tumalikod at lumabas na lamang ng silid.

Paglabas ni Emily sa silid ni Dylan ay hindi niya napigilan ang mapaluha. Alam niyang magagalit ang binata kapag nalaman ang totoo ngunit iyon lamang ang naisip nilang paraan nina Dalton at Dr. Howard para matuloy ang operasyon at humaba pa ang buhay ng kanyang kapatid.

Dahil sigurado siya na kung nalaman ni Dylan ang aksidente bago ito operahan ay hindi tutuloy ang binata at uunahin nitong asikasuhin sina Lee at Lianne.

Sa loob ng silid, pumikit sandali si Dylan upang pakiramdaman ang puso ng kanyang pinsan. Katamtaman lamang ang bilis ng pagtibok nito at wala siyang nararamdamang sakit sa kasalukuyan.

Feelings DeletedWhere stories live. Discover now