Chapter 6: The Kind CEO

40 14 12
                                    

Tambak ang sinasagot na mga email ni Lianne. Karamihan sa mga ito ay mga nagre-request na maka-meeting ang CEO, habang ang iba ay mga agreement na kailangan ipa-review sa legal department.

Napatingin siya sa orasan, pasado alas siyete na ng gabi. Kanina pa niya gustong umuwi ngunit hindi pa raw uuwi ang CEO kaya nagdesisyon na lamang siyang tapusin muna ang mga sasagutin niyang emails. Kasama kasi sa trabaho niya na samahan ang CEO sa opisina sa tuwing nag-o-overtime ito na kadalasan ay isang oras lang naman. Pero ngayon ay dalawang oras na silang overtime.

Tumayo siya at saka kumatok sa opisina ng kanyang boss. Nang walang sumagot, dahan-dahan niyang binuksan ang pinto at napansin niyang tulog ang binata sa swivel chair nito. Marahil, napagod na sa dami nang nire-review na program sa kanyang computer.

Bahagyang napayuko si Lianne ng sipatin niya ang mukha ng kanyang boss. Napansin niyang tila walang pores ang maputi nitong mukha. Matangos ang ilong nito at maganda ang pagkakadipena ng kanyang panga na posibleng namana sa Briton na ama. Para namang laging may lip gloss ang may kapulahang labi ng binata na katamtaman lamang ang lapad.

Tulog na nga, guwapo pa rin!

Napadiretso ng tayo si Lianne ng gumalaw si Dylan na ikinurba ng kaunti ang likod. Pinuntahan ni Lianne ang isang drawer at marahan itong hinila upang kumuha ng isang kumot. Maingat na inilapag niya ang kumot sa mga braso hanggang hita ng lalaki.

Umilaw ang hologram screen sa ibabaw ng mesa ni Dylan at nakita niya ang mga ginagawang codes ng binata. Muli niyang nilingon ang boss na tulog na tulog pa rin. Pinakatitigan pa niya ang mga letra at numero bago lumayo sa mesa ng CEO. Ini-adjust din niya nang bahagya ang room temperature bago lumabas ng kuwarto.

Muli siyang bumalik sa harap ng kanyang desktop at ipinagpatuloy ang pagsagot sa mga email. Isa-isa rin niyang pinagda-download lahat ng agreements na for review ng legal department.

Maya-maya pa ay nakaramdam ng gutom si Lianne. Tumayo siya at nagtungo sa pantry, ngunit ubos na ang mga biscuit.

"Kailangan ko na pala mag-request ng supplies," bulong nito sa sarili.

Bumalik siya sa waiting area at napatingin siya sa candy jar sa coffee table. Tila nagdalawang-isip siya na lumapit dito at bumalik na lamang sa kanyang upuan.

"Baka sabihin ng security na nanonood sa CCTV, patay-gutom ako dahil pati candy para sa mga bisita pinapatos ko," napangusong sabi ni Lianne.

Inabot niya ang kanyang tumbler at saka lumagok ng tubig. Nang maibsan nang bahagya ang gutom ay muli niyang itinuon ang atensyon sa trabaho. Isa-isa niyang inilagay ang mga na-print niyang dokumento sa kanya-kanyang folder at nilagyan ng label. Nang maisalansan na ng maayos ang mga folder, muling kumalam ang kanyang sikmura.

Naglakad siya pabalik sa waiting area at inayos ang mga magazine roon at saka pa-inosente siyang dumukot ng candy sa candy jar. Binuksan niya ang candy at mabilis na isinubo.

"Hindi pa ba uuwi itong boss ko? Mabuti sana kung nagpapakain, gutom na gutom na ako," pabulong na sabi niya sa kanyang sarili.

"Uuwi na. Umuwi ka na rin," sagot sa kanya ni Dylan na sumama ang mukha sa narinig niyang binubulong-bulong ng kanyang temporary secretary.

Natigilan si Lianne sa kanyang ginagawa. Napapikit siya. Nakahihiya na narinig ng CEO ang mga pinagsasabi niya. Napayuko na lamang siya habang naglalakad ang CEO patungo sa elevator.

Nang magsara ang elevator ay agad siyang tumakbo sa kanyang desktop. Mabilis siyang nag-shutdown ng computer at saka dinampot ang kanyang cellphone at bag. Sa loob ng elevator bahagya siyang natakot dahil alam niyang gabi na at posibleng nag-iisa na lamang siya sa loob ng building.

Feelings DeletedWhere stories live. Discover now