FLESH: Chapter Eight

17.9K 682 73
                                    

CHAPTER EIGHT




AGAD na tumakbo si Russel palapit kay Vanessa at hinubad niya ang suot na damit at pinangbalot niya iyon sa duguang talampakan nito. Nangingimi siyang tingnan ang hitsura ng talampakan nito kaya tinakpan na lang niya iyon. Pinangko niya si Vanessa upang dalhin sa kwarto. Habang buhat niya ito ay panay ang pakiusap nito na huwag na niya itong ibalik sa ospital.



Inihiga niya si Vanessa sa kama, wala na siyang pakialam kung malagyan ng dugo ang puting bedsheet. Nagmamadali na nagtungo siya sa banyo na kadugtong lang ng kanilang kwarto. Naroon kasi ang medicine cabinet. Kumuha siya ng alcohol, bulak at benda. Nilagyan na rin niya ng tubig ang maliit na palanggana na nasa banyo. Matapos iyon ay binalikan na niya si Vanessa. Mangiyak-ngiyak na si Russel sa kalunos-lunos na kalagayan ng babaeng minamahal.



Hindi pa rin niya maiwasan na sisihin ang sarili sa nangyayari dito.



Inilaylay niya sa gilid ng kama ang paa ni Vanessa na sinugatan nito. Hindi maipinta ang kanyang mukha nang makita ang binalatan nitong talampakan. Kulang na lang ay masuka siya dahil puro iyon dugo at naka-expose na rin ang laman. Pero kailangan niyang tibayan ang sikmura at lakasan ang loob para dito. Hindi siya pwedeng sumuko dahil siya na lang ang aasahan ni Vanessa.



Sandali niyang iniwan si Vanessa at kumuha siya ng bimpo.



"Russel, ibabalik mo pa ba ako sa ospital?" humihingal na tanong ni Vanessa pagbalik niya.



May awa na tiningnan niya ito. "Sa ginagawa mo sa sarili mo, mapipilitan akong ibalik ka doon! Hindi mo ito dapat ginagawa sa sarili mo, Vanessa! Kasalanan ko ito, eh... Kung hindi ka lang nagkaroon ng labis na depresiyon dahil iniwan kita, hindi ito mangyayari sa'yo. Sorry..." At hindi na nga napigilan ni Russel ang hindi mapaluha.



Umiling si Vanessa. "Wala kang kasalanan, Russel. 'Wag mong sisihin ang sarili mo. K-kahit ako, hindi ko maintindihan kung bakit ko ito ginagawa. Gustung-gusto ko na saktan lagi ang sarili ko!"



Yumukod na si Russel sa may sugat na paa ni Vanessa. Itinubog niya sa palanggana ang bimpo at piniga iyon. Marahan niyang idinampi iyon sa duguang talampakan nito. Napapaigtad si Vanessa sa bawat dampi ng bimpo at alam niyang nasasaktan ito. Pero kailangan niya itong linisin dahil sigurdong maiimpeksiyon ito kapag pinabayaan. Nang mabawasan ang namumuong dugo doon ay kinuha naman niya ang alcohol.



Tumingin muna siya kay Vanessa. "V-vanessa, masakit ito, ha. Mahapdi. T-tiisin mo muna, okey?" aniya.



Tango lang ang isinagot nito sa kanya.



Huminga muna siya ng malalim bago niya paliguan ng alcohol ang sugat ni Vanessa.



"Aaahhh!!!" palahaw ni Vanessa. Kalunos-lunos ang pagsigaw nito dahil sa hapdi.



Wala nang nagawa si Russel kundi ang magbingi-bingihan. Nang maubos na ang isang bote ng alcohol ay saka niya nilagyan ng bulak ang sugat at binalot iyon ng benda. Hindi niya alam kung tama ba ang ginawa niyang paglinis sa sugat nito dahil wala naman siyang alam sa ganoon pero mas mabuti na siguro na may ginawa siya kesa wala.



Parang tumakbo ng milya-milya si Russel pagkatapos. Nanghihina na napasandal na lang siya sa gilid ng kama habang nakaupo sa sahig. Nasa kaliwa niya ang paa ni Vanessa. Tumayo siya at hinalikan sa labi si Vanessa. Kita pa sa mukha nito ang sakit na pinagdaanan.



"Dito ka lang, ha. Bibili lang ako ng gamot. Siguro ay hindi na kita dapat ibalik sa ospital dahil siguradong tatakas ka na naman. Dito ka na lang, aalagaan kita. Basta, ipangako mo sa akin na hindi mo na sasaktan ang sarili mo..." sabay haplos niya sa kaliwang pisngi ni Vanessa.



"P-pipilitin ko-"



"Hindi mo pipilitin. Gagawin mo, Vanessa! Ipangako mo sa akin!" Ginagap niya ang dalawang kamay nito at hinalikan.



Nagtitigan silang dalawa at maya maya ay tumango si Vanessa. "S-sige... P-pangako. Hindi ko na sasaktan ang sarili ko..." anito sa kanya.



Napangiti si Russel. Muli niyang hinalikan si Vanessa sa labi. Bago siya umalis ay inalis muna niya sa kwartong iyon ang mga bagay na maaaring gamitin ni Vanessa para saktan nito ang sarili tulad ng mga gunting, karayom, cutter at iba pang bagay na may talim o matulis na dulo. Kinandado rin niya ang kwarto para hindi ito makaalis doon.



-----***-----



TULALA lang si Vanessa nang mapag-isa siya sa kwarto nila ni Russel. Kusang naglaglagan ang mga luha sa kanyang mga mata. Hindi na talaga niya alam ang nangyayari, kahit siya ay naguguluhan na. Pero isa lang ang sigurado siya, mali ang ginagawa niya. Hindi iyon normal. Wala namang normal na tao na gagawin ang ginagawa niya. Nasobrahan ba siya sa kakapanood ng gore movies kaya nadadala na niya iyon sa realidad o tama si Russel na dahil sa depresiyon kaya niya ito nagagawa.



Alam niya na ngayong alam na ni Russel ang kakaibang gawain niya ay namomroblema na rin ito sa kanya. Ramdam niya ang awa nito sa kanya at naawa rin siya dito.



Luminga-linga si Vanessa sa paligid. Naroon pa rin siya sa kama at nakahiga.



Sandali niyang ipinikit ang kanyang mga mata upang pigilan ang luha. Nang imulat niya iyon y nagulat siya nang tila umiikot ang paligid niya. May mga boses siyang naririnig ngunit hindi niya alam kung saan nanggagaling. Napahawak siya sa kanyang ulo dahil parang sasabog na iyon. Nang hindi na niya makayanan ay sumigaw siya ng ubod lakas.



"Tama na!!! Ayoko na!!!" sigaw ni Vanessa.



Biglang nawala ang boses na naririnig niya at hindi na rin umiikot ang kanyang paligid. Humihingal na bumangon si Vanessa at bumaba ng kama. Paika-ika siya sa paglalakad dahil kapag itinatapak niya ang isang paa niya na may benda ay sumasakit iyon.



Humarap siya sa salamin na kasing-laki niya na nakakabit sa pintuan ng kanilang aparador. Naguguluhan na naman si Vanessa, gusto na naman niyang saktan ang sarili.



Humakbang siya palayo sa salamin habang kinakausap ang sarili. "Hindi... Hindi ko ito pwedeng gawin! Nangako na ako kay Russel! Ayoko na! Ayoko na!" tila nababaliw na turan niya.



Bigla siyang natigilan at napatingin sa salamin. Huminga siya ng malalim at napangiti. Dahan-dahan siyang naglakad palapit sa salamin at pinagbabayo niya iyon gamit ang dalawang kamao hanggang sa magkabasag-basag at malaglag sa sahig ang mga piraso niyon.



Umupo si Vanessa sa sahig at tila tinakasan na ng bait na tiningnan ang mga nagkikislapan na piraso ng salamin.




TO BE CONTINUED...



-----***-----



Pasensiya na kayo kung maiikli na ang update. Konti na lang kasi at tapos na ito, pinagkakasya ko na lang sa ten chapters. HAHA!



-----***-----



NALALAPIT NA ANG PAGTATAPOS NG "SICK: FLESH"! Dalawang huling kabanata na lang...

SICKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon