FLESH: Chapter One

27.8K 906 211
                                    

CHAPTER ONE



EVIL Dead, Wrong Turn, Saw, Grotesque at Human Centipede...


Napangiti si Vanessa Reyes nang mabasa niya ang title ng limang gore movies na nakasulat sa lalagyan ng bala ng DVD. 5 in 1 collection iyong ng mga horror movies. Tuwing sweldo sa pinagtatrabahuhan na massage parlor ay dumadaan talaga siya sa bangketa para bumili ng DVD. At ang mga horror movies na may madugong patayan ang gusto niya. Gusto niya 'yong brutal ang tema at hindi kakayanin ng isang normal na tao. Katulad na lang ng hapon na iyon... Suweldo.


Halos isang taon na siyang nangongolekta ng mga DVD ng gore movies. Wala naman talaga siyang hilig noon sa ganoong uri ng mga pelikula. Nadiskubre lang niya na mahilig siya sa gano'n nang makipaghiwalay sa kanya ang ex-boyfriend niyang si Russel. Twenty-years old siya nang maging sila ni Russel. At matapos ang limang taon ay tinuldukan na nito ang kanilang relasyon.


High school friend niya ito at noon pa niya ito gusto. Kaya naman nang manligaw sa kanya ito ay sinagot niya agad ang lalaki. Batid niya na tutol sa kanya ang pamilya ni Russel sa kanya dahil mayaman kasi ang mga ito. Gold digger-iyon ang tingin ng pamilya nito sa kanya. Palibhasa ay ulilang lubos na siya sa edad na labing-lima.


Namatay sa sunog ang buong pamilya niya. Nasa school kasi siya kaya hindi siya nadamay sa apoy na tumupok sa kanilamg bahay at kumitil sa buhay ng nanay, tatay at dalawa niyang kapatid na bunso. Simula noon ay natuto na siyang buhayin ang kanyang sarili. Nagpalipat-lipat siya sa pangangalaga ng kanyang mga kamag-anak. Naranasan niya kung paano ang alilain ng sariling tiyahin at pagtangkaang halayin ng tiyuhin. Kaya naman ng makatapos na siya ng sekundarya ay nagdesisyon siya na magtatrabaho na. Sa tulong ng kaibigan niyang si Gemma na isang physical therapist ay nakapasok siya bilang masahista sa pinagtatrabahuhan nitong massage parlor. Wala siyang alam sa pagmamasahe ngunit pinag-aralan niya iyon dahil sa kagustuhan niyang kumita ng pera.


Hanggang ngayon, kahit isang taon na ang lumipas simula nang hiwalayan siya ni Russel dahil sa pamilya nito ay ramdam pa rin ni Vanessa ang sakit. Ngunit hindi na niya masyadong nararamdaman iyon tulad no'ng una dahil sa gore at mga horror movies. Doon niya ibinaling ang kanyang atensiyon. naging dibersiyon niya ang mga ganoong pelikula para kahit papaano ay makalimot. At kahit sa sarili niya ay hindi niya akalain na ma-eenjoy niya ang panonood ng mga taong brutal na pinapatay.


"Malinaw po ba ang kuha nito, Kuya Bong?" tanong niya sa lalaking nagbebenta ng mga pirated DVD. Suki na siya nito.


"Aba, kailan ba naman kita binentahan ng malabo? Bibilhin mo na ba 'yan? Ke-ganda mong babae pero puro patayan pinapanood mo, ah."


Ngumiti siya. "Binola niyo pa ako! Opo, bibilhin ko na ito," aniya habang kumukuha ng singkwenta pesos sa kanyang wallet. "Favorite ko po talaga ang ganitong movies, wala na akong magagawa doon." Inabot na niya dito ang bayad at umalis na.


Walking distance lang mula sa massage parlor ang tinutuluyan niyang apartment. Kasama niya doon si Gemma. Isa iyon sa dahilan kung bakit kahit papaano ay nakakaipon siya-hindi na siya gumagastos ng para sa pamasahe. Malaking bagay na iyon para sa kanya.


Agad naman niyang narating ang apartment nila. Hindi iyon ganoon kalaki. Studio-type iyon at sakto lang para sa kanilang dalawa. Ayaw na nilang magdagdag ng kasama dahil baka pagnakawan o gawan pa sila ng hindi maganda. Mabuti na 'yong sila lang dalawa ang magkasama dahil kilala na nila ang isa't isa bilang magkakabata sila. May pamilya pa naman si Gemma ngunit talagang nais din nitong maging independent.

SICKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon