AUCTION: Chapter One

52.2K 1.3K 141
                                    

CHAPTER ONE

"ANO ba?! Hindi ka ba makaintindi? Wala nga akong pera! 'Wag ako ang pestehin mo."

"Kahit magkano lang naman, ineng... Kailangan ko lang talaga ng pera para sa gamot ng anak ko na nasa ospital."

"Alam niyo, ale. Hindi ako charity, okey? Lubayan niyo na nga ako at baka hindi ko na mapigilan ang sarili ko at masaktan ko pa kayo. Ang kulit niyo!"

Nasa terminal ng jeep si Ruth Rodriguez nang araw na iyon. Pauwi na siya ng bahay mula sa pang-gabing shift sa tinatrabahuhan na pabrika ng candy. Naagaw ng isang dalaga at isang may edad na ginang ang kanyang pansin. Mukhang mayaman ang dalaga. Maganda ito at medyo matangkad. Habang ang ginang naman ay maitim ang balat, payat at ang suot nitong damit at palda ay kupas na.

Nanghihingi ang matanda sa babae at mukhang ayaw magbigay ng babae kahit anong pilit nito dito.

"Kahit magkano lang naman, ineng..."

"Ano ba? Bitiwan niyo ako!" sigaw ng babae na nakaagaw na ng atensiyon ng ibang tao roon na naghihintay din ng jeep.

Itinulak ng babae ang matanda. Natumba ang huli sa lupa at mukhang masama ang pagkakatama ng pang-upo nito dahil tila nahihirapan ito na tumayo.

May awa na humaplos sa puso ni Ruth para sa matanda. Agad niya itong nilapitan at inalalayang makatayo.

Matalim niyang tiningnan ang babae. "Bakit mo naman tinulak? Wala ka bang awa?" inis na turan niya.

Tinaasan siya ng kilay ng babae. "Excuse me! Ang matandang 'yan ang sisihin mo. She's so kulit at mabaho. Tingnan mo, ang daming langaw na sumusunod sa kanya. Eeww! Gross!" At nag-martsa ito palayo.

Nakita niya na kinuha nito ang cellphone at mukhang may tinatawagan.

"Ang arte!" nakangusong bulong niya.

Ang matanda naman ang binigyan ng pansin ni Ruth. Inalalayan niya ito hanggang sa makaupo ito sa upuan na naroon. Tumabi siya dito at saka iyon kinausap.

"Bakit niyo po ba kailangan ng pera?" tanong niya dito.

"Nasa ospital kasi ang anak ko, ineng. Dengue... Wala man lang ako na pambili ng gamot!" mangiyak-ngiyak na sagot nito.

Nakagat ni Ruth ang pang-ibabang labi niya. Mas lalo tuloy siyang naawa dito. Agad niyang kinuha ang purse sa kanyang shoulder bag at napangiwi siya nang buksan niya iyon. Dalawang isangdaang piso na papel at ilang barya na lang ang laman niyon.

'Ah, bahala na nga!' bulong niya.

Hinugot niya ang isangdaang piso at inilagay iyon sa kamay ng matanda. "Sa inyo na po iyon. Alam kong mas kailangan niyo po iyan," nakangiti niyang sabi.

"Salamat, ineng! Maraming salamat. Napakabuti mo!" sa sobrang tuwa nito ay niyakap pa siya ng matanda.

"Hayaan niyo po at ipagdadasal ko ang paggaling ng anak niyo..." aniya.

-----***-----

PAGKABABA ni Ruth ng jeep ay nakita niya si Honeylyn. Ito ay ang kababata niya na nagtatrabaho sa isang night club. Mas maliit ito sa kanya at medyo kayumanggi ang balat. Mukhang galing ito sa bakery na nasa labas ng squatter's area kung saan sila nakatira dahil may dala itong plastik na may laman na pandesal.

"Good morning, Ruth! Sa'n ka galing?" Malakas talaga ito magsalita na parang palaging may kaaway.

"Parang bago ka na lang ng bago, Honeylyn. Malamang, sa pabrika. Antok na nga ako, eh."

"Aba, malay ko ba na pang-gabi ka. Teka, kumusta na nga pala si Tonton?" tukoy nito sa fourteen years old niyang kapatid na nasa ospital. May sakit kasi itong leukemia at sumasailalim sa iba't ibang gamutan.

SICKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon