FLESH: Chapter Two

22.3K 829 158
                                    

CHAPTER TWO



"ANO ka ba naman, Vanessa? Tingnan mo ang nangyari sa daliri mo! Naku, grabe ang paso!" sabi ni Gemma sa kanya habang pinapahiran nito ng toothpaste ang kanyang hinlalaki at hintuturo sa kanang kamay.


"Bakit gano'n, Gemma? Ikakasal na si Russel... Ang dali naman niyang makalimot. Samantalang ako, heto at miserable pa rin. Ang buong akala ko kasi napilitan lang siyang hiwalayan ako dahil sa utos ng magulang niya. Ang akala ko, isang araw ay magugulat na lang ako na 'andiyan na siya. Makikipagbalikan ulit siya." Parang hindi niya naririnig na nagasasalita si Gemma.


Nakatulala lang si Vanessa habang nilalagyan siya ng kaibigan ng toothpaste sa daliri. Tumigil ito sa ginagawa at pinunasan ang kamay nito ng tissue.


"Eh, isa't kalahating gaga ka rin pala!" naiinis na turan ni Gemma. "Ang akala ko din ay nakaka-move on ka na diyan kay Russel? Sabi mo pa nga na kaya ka nanonood ng mga horror movies ay para ma-divert 'yang atensiyon mo. Anyare? Nalaman mo lang na ikakasal na siya, back to zero ka na naman!"


"Hindi naman kasi madali ang kalimutan siya, Gemma."


"Anong hindi madali? Isang taon na 'yang pagmo-move on mo. Kailan ka pa matatapos?"


"Hindi mo kasi napagdaanan ang napagdaanan ko!" Naiinis na rin na sagot niya sa kaibigan.


Itinirik ni Gemma ang mata nito. "Bahala ka na nga!" at tumayo ito. "Diyan ka na nga muna. Mauna ka nang kumain at ayokong may makasabay ako sa pagkain na umiiyak. Mawawalan lang ako ng gana. Hmp!" At lumabas na ulit ito ng kanilang apartment.


Nang mapag-isa ay humiga na lang si Vanessa sa kama at inisip si Russel. Ang bilis naman nitong makalimot. Pero, naisip lang niya na paano kaya kung pinilit lang si Russel ng mga magulang nito na magpakasal? Malaki ang posibilidad na mangyari iyon.


Nagmamadali na kinuha niya ang kanyang cellphone na nasa ilalim ng unan. In-open niya ang kanyang Facebook at tiningnan ang profile ni Russel. Doon niya nakita na hindi nga nagsisinungaling si Gemma. Nakita niya na nag-post nga si Russel ng announcement sa nalalapit nitong kasal. May kasama pa iyong picture nito at ng mapapangasawa nito. Hindi niya kilala ang babae.


St. Mary's Church... Iyon ang nakalagay na simbahan na pagdadausan ng kasal ng dalawa. Hindi niya pwedeng makalimutan ang naturang simbahan dahil doon sila palagi nagsisimba ni Russel. Minsan na rin silang nangarap na balang araw ay doon sila ikakasal.


Hindi na napigilan pa ni Vanessa ang mapaluha. Kung tama ang kanyang hinala na napipilitan nga si Russel na magpakasal, kailangan niya itong tulungan. Tama! Pupuntahan niya ito ngayon. Kakausapin niya ito. Makikipagbalikan siya dito tapos magpapakalayo-layo na silang dalawa.


---***---


BUMILI si Vanessa ng mga band aid at iyon na lang ang inilagay niya sa paso niya sa kanyang dalawang daliri. Ayaw na niyang mag-aksaya pa ng oras kaya naman ngayong gabi ay pupuntahan na niya si Russel. Kukumbinsihin niya itong 'wag nang ituloy ang kasal at magtanan na lang kasama siya. Naniniwala naman siya na sasama sa kanya ito dahil alam niyang napipilitan lang ito na magpakasal sa babaeng iyon. Siya pa rin ang mahal nito-iyon ang alam niya.

SICKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon