FLY: Chapter Five

23.8K 788 47
                                    

CHAPTER FIVE



TILA nagising si Chynna sa isang napakahabang pagkakatulog at nagisnan niya ang kanyang sarili na nasa loob ng isang kubo. Isang langaw ang biglang lumabas sa kanyang bibig at lumipad sa kung saan. Sa harapan niya ay may isang matandang babae. Naramdaman niya na parang may dala siya sa kanyang kamay at malakas siyang napasigaw nang makita niya na isang duguang puso ang tangan niya. Hindi niya alam kung puso ba iyon ng hayop o ng tao. Nabitiwan niya tuloy iyon at nalaglag sa kawayang sahig.


"Nangyayari na nga ang sinabi ng Diablo!" nakatawang turan ng matandang babae sa kanya.


Takot na takot si Chynna. Wala siyang naiintindihan sa mga nangyayari. Lalo na kung paano siya napunta dito. Ang huli niyang natatandaan ay nasa bahay siya ni Peter.


Naglakad palapit sa kanya ang matanda at dinampot nito ang puso.


"Nasa'n ako? S-sino ka?" magkasunod na tanong ni Chynna.


"Hindi mo na ako naaalala? Ang dali mo namang makalimot. Sabagay, marahil sa dami ng ginawan mo ng kasamaan mo ay hindi na nga nakakapagtaka na makalimutan mo ako..." At tinalikuran na niya ito.


Doon lang niya napansin ang isang bangkay ng lalaki na nasa papag. Kaya pala kanina pa siya nakakaamoy ng mabaho na parang patay na daga. Hindi na niya napigilan ang sarili at napasuka na siya nang makita ang mag matatabang puting uod na nagpipiyesta sa nabubulok na nitong katawan. Lalaki ang naturang bangkay base na rin sa suot nitong damit.


'Sino ba ang matandang ito?' tanong niya sa sarili habang iniisip kung saan ba niya ito nakita.


Hanggang sa maalala na niya ito. "K-kilala na kita! Ikaw iyong matandang humingi ng tulong sa akin dati pero..."


"Pero hindi mo tinulungan," at humarap ito sa kanya na may seryosong mukha. Nasa tabi na ito ng bangkay. "At dahil sa hindi mo ako tinulungan, namatay ang anak ko na wala ako sa tabi niya!" sabay turo nito sa naagnas na bangkay.


Iling lang ang nagawa ni Chynna. "Paano ako napunta dito? Anong ginagawa ko dito?"


"Dahil ikaw ang hiniling ko sa Diablo na siyang kikilos upang mabuhay muli ang anak ko. Ang gusto ko ay maranasan mo na mamatayan ng mga mahal mo sa buhay. Ang gusto ko ay mas maramdaman mo ang sakit ng triple o higit pa! Ang gusto ko ay ikaw mismo ang kikitil ng buhay ng mga taong pinapahalagahan mo!"


Napakunot ng noo si Chynna. Aaminin niya, naguguluhan na siya. Wala siyang maintindihan sa nangyayari at sa sinasabi ng matandang babae. "Ano bang pinagsasabi mo? Baliw! Siguro, kinulam mo ako kaya ako nandito!"


Malakas itong tumawa. Umupo ito sa gilid ng papag at hinimay-himay ang puso at isa-isang inilagay sa bibig ng bangkay ang mga piraso ng puso. Halos masuka na naman siya sa nakikita ngunit umurong na yata ang bituka niya dahil wala nang laman iyon.


"Hindi ako mangkukulam. Tinawag ko ang Diablo upang buhayin niya ang anak kong si Tomas," patuloy pa rin ito sa tila pagpapakain ng puso sa bangkay. "Anim na puso ng tao kapalit ay buhay ng anak ko. At ikaw ang pinili ko na kukuha ng mga pusong iyon sa mga taong malalapit sa iyo!"

SICKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon