FLESH: Chapter Four

22.6K 774 221
                                    

CHAPTER FOUR



"BRUHA ka! Kaya pala wala ka sa apartment pag-uwi ko, 'yon pala ay nagtanan na kayo ni Russel! Para kayong teenager, ha. OA!" Ang natatawang sabi ni Gemma sa kanya. Kausap niya ito sa cellphone.


Sakay sila ni Russel ng bus papunta sa probinsiya ng Quezon. Ayon kay Russel ay may kaibigan itong nasa Calauag, Quezon. May ibinebenta itong bahay at lupa at iyon ang bibilhin nila para doon na sila manirahan. Malayo iyon sa mga magulang ng kanyang nobyo kaya sigurado sila na hindi sila mahahanap ng mga ito.


Napangiti si Vanessa sa sinabi ni Gemma. "Eh, madalian kasi lahat ng nangyari. Pero, sorry talaga, Gemma. Ngayong wala na ako diyan, baka mahirapan ka na sa pagbabayad ng bahay." Kahit papaano naman ay nalulungkot din siya dahil nagkalayo na sila ng kanyang kaibigan.


"Naku, 'wag mo akong intindihin. Pipilitin ko na lang 'yong boyfriend ko na dito na tumira para may kahati ulit ako," sabay tawa nito. "Pero sa totoo lang, masaya ako para sa'yo, Vanessa. Finally, pinanindigan ka na ni Russel. Wish ko lang, tuloy-tuloy na 'yan."


"Oo naman..." sagot niya at nakangiti niyang nilingon sa tabi niya ang natutulog na si Russel. Hinawakan niya ang kamay ng lalaki at saka siya tumingin sa labas ng bintana.


---***---


BAGO pa nila sapitin ang Calauag, Quezon ay tinawagan na agad ni Russel ang kaibigan nitong si Fred upang maihanda ang binibenta nitong bahay. Isang milyon ang presyo. Two-storey house at tapos na iyon. Lalagyan na lang ng mga kagamitan at pwede nang lipatan. Pagkababa nila ng bus ay isang lalaki ang sumalubong sa kanila-si Fred. Nagtungo sila sa isang restaurant upang kumain at pag-usapan ang tungkol sa bahay.


Naayos naman nila ang lahat. Bukas na bukas din ay babayaran na ni Russel ang halaga nito para maasikaso na ni Fred ang mga papeles na dapat nitong asikasuhin.


Nang gabing iyon ay sa isang hotel muna sila tumuloy ni Russel. Bukas pa sila pupunta sa bahay nila at mamimili na rin sila ng ibang kagamitan. Napag-usapan na rin nila na magtatayo sila ng grocery store para may negosyo sila na pagkukuhaan nila ng pera. Hindi naman sila pwedeng umasa na lang sa perang meron si Russel dahil kahit malaking halaga iyon ay pilit na mauubos iyon kapag hindi nila ginamit ng tama.


"Vanessa, kailan mo gustong magpakasal?" Nagulat si Vanessa sa tanong na iyon ni Russel sa kanya.


Nakahiga na silang dalawa sa kama at namamahinga na. Nakaunan siya sa matigas na braso ng lalaki.


Tiningnan ni Vanessa si Russel bago sumagot. "Hindi naman ako nagmamadali, Russel. Siguro, unahin muna natin ang bahay at grocery store. Saka na tayo magpakasal kapag okey na ang lahat. Ang importante nama ay tayon dalawa, hindi ba?"


Ngumiti ito sa kanya. "Kaya kita mahal na mahal dahil sa kasimplehan mo. Hayaan mo at pag-iipunan natin ang kasal nating dalawa..." At masuyo siyang ikinulong ni Russel sa mga bisig nito.


Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na nangyayari ang lahat ng ito...

SICKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon