25.) Saving the Poor Billionaire

208 8 8
                                    

"Perto, pinagluto kita ng dinner. Paborito mo ang nilagang baboy 'di ba? Tamang-tama ang mainit nitong sabaw sa malamig na simoy ng hangin dito sa tabing dagat. Nagdala rin ako ng cake para sa ikalimang anniversary natin. Baka isipin mo nakalimutan ko iyon. Busy lang ako kanina kaya hindi kita nagawang batiin, pero babawi ako sa 'yo ngayon. Halika na, kumain na tayo!" masayang sabi ni Engielyn sa kasintahan. 

Nanatiling tahimik si Perto, pero ikinagulat ni Engielyn ang lumabas sa bibig nito nang muli itong magsalita 

"Engielyn, maghiwalay na tayo." 

Gulat na tumingin si Engielyn kay Perto. Ang masayang ngiti na nakapaskil sa kaniyang labi ay biglang naglaho. Tila nabingi siya sa sinabi nito. Ibinaba muna niya ang hawak na mangkok bago nagsalita. Ayaw niyang matapon iyon dahil sa panginginig ng kamay niya. 

"T-tama ba ang narinig ko, Perto? G-gusto mong makipaghiwalay sa akin? Pero, bakit?" tanong niya na pinipigilan umiyak.

Nasasaktan siya sa sinabi ni Perto kahit inaasahan na niya iyon. Hindi siya manhid para hindi maramdaman ang panlalamig nito sa kaniya sa mga nagdaang linggo. Madalas na rin itong hindi sumasagot sa mga tawag niya. Madalang na rin silang magkita dahil marami itong dahilan para hindi siya siputin. Buong akala niya hindi rin ito sisipot sa dalampasigan kung saan niya ito sinagot na naging tagpuan din nilang dalawa. Pero ngayon, mukhang doon din mangyayari ang paghihiwalay nila. 

"Marami akong pangarap, Engielyn. Ayokong manatili sa lugar na ito. Gusto ko rin maranasan pumunta sa ibang lugar, magsuot ng magagandang damit, sumakay sa mamahaling sasakyan at higit sa lahat, maging ka-date ang magagandang babae. Lahat iyon ay hindi mo kayang gawin, Engielyn. Wala ka niyon at kailanman ay hindi magkakaroon."

Nadismaya si Engielyn sa sinabi ni Perto. Akala niya tanggap nito ang mga kakulangan niya sa buhay. Hindi siya mayaman. Wala siyang maipagmamalaki maliban sa kaniyang trabaho bilang utility staff sa isang factory. Alam niya sa sarili na hindi siya pangit. Hindi lang talaga siya mahilig mag-ayos tulad ng gusto ni Perto. Mataas ang pamantayan nito sa salitang maganda dahil sa itsura nito na labis na hinahangaan ng karamihan. Marahil iyon din ang dahilan kaya hindi siya nagdalawang isip na sagutin ito. Nasilaw siya sa itsura ni Perto at pilit binabalewala ang mga ginagawa nito sa kaniya.

"Matalino ka kaya alam kong naiintindihan mo ako. Hindi sapat ang mga binibigay mo sa akin. Marami akong pangangailangan na kayang ibigay ng bago kong kasintahan."

"M-may kasintahan ka maliban sa akin? Kailan mo pa ako niloloko, Perto?" nasasaktan niyang tanong. 

"Simula pa lang naglolokohan na tayo, Engielyn. Hindi naman kita mahal. Kung hindi dahil sa kakarampot mong sweldo, hindi ako magtitiis sa piling mo. S'yanga pala, huwag ka na rin pupunta sa bahay para maglinis. Ipinagbili ko na iyon. 'Yong ATM naman sarado na. Gipit ako last week kaya inubos ko ang laman. Magbukas ka na lang ng panibagong account kung gusto mong mag-ipon ulit. Aalis na ako. Hinihintay na ako ng mayaman kong kasintahan," sambit nito bago siya talikuran. 

Walang nagawa si Engielyn kundi sundan ng tingin ang papalayong bulto ni Perto. Natanaw niya ang nakahimpil na itim na kotse kung saan ito nagtungo. Lumabas mula roon ang maputing babae na nakasuot ng maiksing bestidang pula. Sinalubong nito si Perto at hinalikan sa labi. Umiwas siya ng tingin. Masakit pa rin ang ginawang pakikipaghiwalay ni Perto sa kaniya at ang tanawing iyon ay hindi makakatulong sa puso niya.

Huminga nang malalim si Engielyn nang marinig niya ang pag-alis ng kotse. Tumingala siya sa kalangitan upang pigilan ang pagpatak ng luha. Magandang tingnan ang langit. Puno iyon ng bituin at maliwanag ang buwan, ngunit hindi napigilan ng kagandahan niyon ang pagpatak ng luha niya. Akala niya sapat na ang ginawa niyang pagsunod sa mga luho ni Perto, pero sa huli iniwan pa rin siya nito. Tama ang kaibigan niya. Niloloko lang talaga siya ni Perto. 

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 01, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

SHORT STORIESWhere stories live. Discover now