1.) Pestering Her Boss

537 21 3
                                    

Masayang nakadipa ang dalawang kamay ni Shella Nawanao habang dinadama ang malakas na hangin mula sa dalampasigan. Ipinikit niya ang mga mata at hinayaang sumayaw sa hangin ang mahaba niyang buhok.

"Kay sarap sa pakiramdam!" sigaw ni Shella. Nakapaskil ang masayang ngiti sa kanyang mga labi.

Nakasanayan na niya ang ganitong gawain tuwing umaga. Gumaganda ang araw niya kapag ginagawa ito. Pakiramdam niya punong-puno siya ng enerhiya sa tuwing sinasalubong ang magandang sikat ng araw.

"Shella!" Pinutol ng malakas na boses ng kanyang Ina ang tahimik niyang paligid. "Ang aga-aga tumatambay ka riyan! Bumalik ka rito at maghugas ng plato!" muling sigaw ni Elina kay Shella.

Nakahawak ang dalawa nitong kamay sa baywang. Ganoon ang mannerism nito sa tuwing mainit ang ulo. Madalas naman itong gumising na mainit ang ulo. Masama siguro ang panaginip ng kanyang Inay.

"Saglit lang po Inay! Lumalanghap lang po ako ng sariwang hangin!" sagot ni Shella sa Ina.

"Kahit sa loob ng bahay, sariwa pa rin ang hangin na nalalanghap mo! Sariwa ang hangin dito sa lugar natin kahit saan ka pumunta. Gumagawa ka lang ng dahilan para tumakas sa hugasin!" akusa nito sa kanya.

"Hindi naman po, Nay. Maganda po kasi ang sunrise sa balat kaya mas lalo akong gumaganda, 'di ba, Nay?"

"Tigilan mo 'ko, Shella. Ang maganda may boyfriend, ikaw, wala! Kaya hindi ka maganda. Bumalik ka na rito. Bilisan mo!"

Napanguso si Shella nang ibuko siya ng kanyang Ina. Hindi pa talaga siya nagkaka-nobyo. Hindi dahil walang nanliligaw sa kanya, kundi dahil may isang tao ang labis niyang nagugustuhan. Kaya lang tagilid e. Hindi siya pinapansin.

"Opo, Nay! Nariyan na po!" Tumakbo si Shella patungo sa kanilang bahay na malapit sa dalampasigan. Dumiretso siya sa maliit nilang kusina pagpasok sa loob. Sumalubong sa kanya ang ilang piraso ng mga plato, kutsara at baso sa lababo na ginamit nila sa agahan kanina.

Dalawa na lang silang namumuhay ng kanyang Inay kaya mahal na mahal niya ito kahit sobrang sungit. Kahit ganoon, hindi naman siya nito sinasaktan. Normal na yata rito ang matinis na boses na akala mo ay laging galit.

"Ayusin mo ang paghuhugas," paalala ni Elina.

"Syempre, Nay! Gusto mo ba kasing ganda mo ang mga plato pagkatapos ko rito?" Nakangiti niyang sabi. Sinusubukan niyang pawiin ang init ng ulo nito pero inirapan lang siya nito.

"Tapusin mo ang mga gawaing bahay. Aalis na ako." Kinuha ni Elina ang itim na body bag na nakapatong sa mesa. Pupunta na ito sa palengke upang magtinda. May maliit silang pwesto roon. Sari-saring prutas ang tinitinda ng kanyang Inay. Receptionist naman siya sa Morcean Hotel and Resort sa lugar nila. Malaki ang naitutulong ng kanyang kita sa mga gastusin nila sa bahay. Hindi man kalakihan pero hindi naman sila kinakapos.

"Opo, Nay. Mag-ingat ka po," sagot ni Shella bago simulan ang paghuhugas. Marami pa siyang gagawin sa bahay. Paglilinis ang pinagkakaabalahan niya kapag sumasapit ang kanyang day off, isang beses sa isang linggo.

...

Habang nagwawalis si Shella sa kanilang bakuran, dumating naman ang kaibigan niyang si Ana.

"Shella! Sasama ka ba sa Morcean?" tanong nito habang nakadungaw sa kanilang bakod na kawayan.

"Oo naman!" mabilis niyang sagot. "Pasok ka muna at hintayin ako. Tatapusin ko lang 'to."

Si Ana ay nagtatrabaho rin bilang receptionist sa Morcean. Magkasabay ang day off nilang dalawa. Pumupunta sila sa resort para magtinda ng mga souvenir na gawa sa seashells. Additional income rin iyon at makakatulong sa gastusin nila sa bahay.

SHORT STORIESWhere stories live. Discover now