8.) The Runaway Bride Meets Badboy Haciendero

236 15 8
                                    

Nanlalamig ang mga palad ni Avila habang nakasakay sa bridal car. Ngayon ang araw ng kanyang kasal sa hindi pa nakikilalang lalaki. Isang arranged marriage ang magaganap sa pagitan nila ng misteryosong lalaki mula sa pamilya ng mga Wilson. Isa ang pamilyang iyon sa hinahangaan at nirerespeto pagdating sa negosyo.

Ikakasal siya para mas lalong lumawak ang koneksyon ng kanyang Ama pagdating sa negosyo. Modern time na nakikiuso pa ang kanyang mga magulang sa arranged marriage. Pero heto siya, walang nagawa sa desisyon ng mga ito.

"Senyorita, narito na po tayo." Sambit ni Yaya Minda, ang kanyang 43 years old personal maid na siyang kasama niya sa bridal car. Mas komportable siyang ito ang kasama kesa sa pamilya niya. Wala rin namang lumalabas sa bibig ng mga iyon kundi puro negosyo. Siya lang ata ang hindi mahilig sa negosyo.

Huminga ng malalim si Avila. Ramdam niya ang malakas na kabog ng kanyang dibdib. Malaki ang pagtutol niya sa kasalang ito pero natatakot siyang kumpiskahin ng kanyang Ama ang credit card niya.

Paano na lang ang kanyang mga luho kapag nawala ang credit card niya? Hindi ata siya mabubuhay ng hindi makapag-shopping sa isang araw. Kaya sa ngalan ng kanyang credit card, tinanggap niya ang kasunduang ito.

"S-senyorita, hindi ka pa pwedeng bumaba." Pigil ni Yaya Minda sa kanya pero hindi siya nakinig.

Mas maaga siyang pumunta sa simbahan kesa sa takdang oras ng kasal. Gusto niyang ihanda ang sarili at mawala ang kanyang kaba pero mas lalo naman iyong nadagdagan ng makita ang kumpol ng media sa harapan ng simbahan. Alam niyang na sa loob na ang kanyang pamilya dahil natatanaw din niya ang mga security ng kanyang Ama.

Natigilan si Avila ng makita ang harap ng simbahan. May mga kumukuha na rin ng larawan sa kanya mula sa mga imbitadong media. Sa totoo lang, hindi ito ang pinangarap niyang kasal. Gusto niyang ikasal sa taong mahal niya at piniling makasama habang buhay. Gusto niyang sa bawat hakbang ng kanyang mga paa ay kasiyahan ang nararamdaman at hindi napipilitan lang. Sagrado ang kasal at naniniwala siya sa sumpaan ng mag-asawa sa harapan ng Diyos.

Muling bumuntong hininga si Avila. Sinalikop niya ng kanyang braso ang mahabang bridal gown.

"Senyorita, ano pong ginagawa mo?" Nagtatakang tanong ni Yaya Minda.

Hindi niya ito sinagot, sa halip pinagpatuloy niya ang ginagawa. Nang sa tingin niya'y hindi na magiging sagabal ang kanyang gown sa gagawin, tumalikod siya sa harap ng simbahan at mga media.

Clueless namang nakatingin si Minda sa kanya.

"Yaya Minda," seryoso niyang tawag sa pangalan nito.

"Bakit, Senyorita?"

Huminga siya ng malalim.

"I'm sorry," sambit niya sabay takbo palayo.

"S-senyorita!" Narinig niyang sigaw ni Minda.

"Goodbye credit card! Hanggang sa muli nating pagkikita!" Sigaw rin niya habang tumatakbo.

"Senyorita, tumigil ka sa pagtakbo! Baka mapahamak ka!"

Lumingon si Avila sa likuran. Nanlaki ang mga mata niya ng makitang hinahabol na siya ng mga tauhan ng kanyang Ama. Marahil nataranta na rin ang mga ito sa bigla niyang pagtakbo, kaya hindi nila naisip na gumamit ng sasakyan paghabol sa kanya.

"Lumayo kayo sa'kin! Huwag nyo akong habulin! Ayoko magpakasal!" Sigaw niya at pilit binilisan ang pagtakbo. Ngunit dahil mabigat ang kanyang gown, nahirapan siya.

"Bakit kasi ang bigat ng gown na 'to?" Pinunit niya ang laylayan n'on. Pinagtitinginan na rin siya ng mga motorista pero wala siyang pakialam basta makalayo lang sa mga humahabol sa kanya.

SHORT STORIESWhere stories live. Discover now