18.) The Badboy's only Sister and the CEO

208 9 2
                                    

Dalawang malaking grocery bags ang dala ni Rodora Lovendino o mas kilala bilang Love paglabas niya sa grocery store.

"Nakakainis talaga! Ako na lang lagi ang inuutusan. Porke ako ang bunso lagi na lang ako ang gumagawa. Kalalaki ng mga kapatid ko hindi sila ang bumili ng mga kailangan nila. Sa basag ulo lang sila magaling pero sa trabahong bahay ang tatamad! Nakakainis!" Reklamo niya habang naglalakad patungo sa sakayan ng jeep.

Maghihintay pa siya roon ng sasakyan pauwi. Umuulan pa naman. Kung alam niyang uulan, humiram sana siya ng sasakyan sa sa mga kapatid niya. Pero, duda naman siya kung ipahiram ng mga ito ang sasakyan. Ayaw pa kasi siyang bilhan ng sariling sasakyan ng Papa niya. Ang dahilan nito, humiram na lang siya sa mga kapatid. E, ang dadamot naman!

Mas lalong uminit ang ulo ni Love ng biglang dumaan ang humaharurot na kotse sa harapan niya. Tumalsik ang tubig sa kalsada patungo sa kanya. Nabasa ang damit niya. Maging ang mukha niya ay natalsikan din ng tubig.

Gigil niyang pinunasan ang mukha. Nanlilisik ang mga mata niyang sinundan ng tingin ang papalayong kotse.

"Bwesit ka kung sino ka man! Tatandaan ko ang plate number mo! Humanda ka sa akin kapag nagkita tayo. Kahit mata mo, lalagyan ko ng latay!" Malakas niyang sigaw sa inis. Nakuha niya rin ang atensyon ng mga tao malapit sa kanya.

"Huwag kayong tumingin! Baka gusto nyong unahin ko ang mga mata nyo?!" Masungit niyang sabi sa mga ito. Umiwas naman ng tingin sa kanya ang mga tao.

"Tulong! Magnanakaw! Kinuha niya ang bag ko! Tulungan nyo ako!" Umiiyak na sigaw ng tumatakbong matanda.

Hinahabol nito ang isang lalaki patungo sa direksyon niya. Humahangos na ito sa pagtakbo dahil sa edad.

Ngumisi si Love. Kanina pa siyang naiinis kaya ibabaling niya sa iba ang inis niya. Tulong na rin niya iyon sa matanda.

Nang dumaan ang lalaki sa kanyang harapan, pinatid niya ito. Natumba ang lalaki. Tumama ito sa basurahan sa gilid ng kalye. Lalapitan na niya ang lalaki nang mabilis itong bumangon at muling tumakbo.

"Aba-- loko 'to ah. Gusto mo ng habulan ah? Sige, pagbibigyan kita. Lola, pakibantayan po ito. Ako na po ang bahala sa bag mo. Hintayin mo po ako rito."

Iniwan ni Love ang dalang grocery bag sa matanda. Itinaas niya ang magkabilang manggas ng suot na T-shirt bago hinabol ang lalaki.

"Humanda ka sa akin, Mandurukot ka. Mata mo ang una kong lalatayan!"

Hinabol ni Love ang lalaki. Sinubukan siya nitong iligaw pero hindi ito nagtagumpay. Sanay siya sa habulan. Palagi siyang hinahabol ng mga kaaway ng kanyang mga kapatid. Iniisip ng mga itong gamitin siya laban sa mga kapatid. Babae siya kaya mahina ang tingin ng mga ito sa kanya. Iyon ang pagkakamali ng mga gunggong na iyon. Utusan lang siya sa buong pamilya pero pagdating sa away, malakas siya. Hindi lang siya kagaya ng mga kapatid na ginawang libangan ang pakikipag-away.

Lumiko sa isang eskinita ang mandurukot. Tumakbo naman si Love sa kabila para salubungin ito. Nakita niyang tumigil ang lalaki sa pagtakbo.

"Akala siguro ng babaeng iyon, mahuhuli niya ako. Wala pang nakakahuli sa akin. Sa bilis kong ito, malabo siyang makahabol." Nakangisi nitong sabi. Hinagis pa nito sa ire ang kinuhang bag sa matanda habang sumisipol.

"Minamaliit mo yata akong loko ka?"

Nagulat ang lalaki ng bigla siyang sumulpot sa unahan nito. Tatakbo na sana ito pero mabilis siya. Umapak siya sa pader at kumuha ng suporta roon. Itinulak niya ang sarili papunta sa lalaki. Magkasabay niyang sinalo ang bag sa ire at pagsipa sa lalaki. Natumba ang lalaki. Hindi niya hinayaan na muli itong tumayo. Inapakan niya ang likuran nito at mahigpit na hinawakan ang buhok.

SHORT STORIESWhere stories live. Discover now