Chapter 7

392 29 1
                                    

MIKO

Nakailang minuto na kami sa paghahanap ng halimaw pero puro naglalakihang higante lamang ang natatagpuan namin kaya panay ang aming pagtakas at pagtago.

Kahit saang anggulo tingnan ay hindi namin magagawang makapatay ng grupo ng mga higante. Kung hindi naman mga higante ay grupo ng aswang ang nasasagupa namin. Ilang beses na kaming naipit sa sitwasyon na muntikan nang kumuha ng aming buhay. Mabuti na lamang ay maswerte kaming nakatakas.

Ngunit habang bumibilis ang pagtakbo ng oras ay mas tumitindi ang malapot kong pamamawis at panlalamig ng aking kamay.

Pagtingin ko sa aking orasan ay hindi man lang ito gumagana, pero kung titingalain ang madalim na kalangitan ay unti-unti na itong tinatabunan ng liwanag. "Mag-uumaga na."

"Tangina," usal ni William.

Sabay kaming napalakad-takbo na habang nililibot ang tingin sa kung saan-saan. Nakaamba na rin ang kanyang batuta samantalang ako ay napapatay na ng ilaw dahil maliwanag naman na.

At sa tulong nga ng liwanag ng kalangitan ay may natagpuan akong paa na nasa pagitan ng ugat ng puno at ng malaking bato.

"William, tingnan mo!" Dinuro ko ito.

Saglit na nanliit ang mata niya rito at biglang nagliwanag ang mukha. "Manananggal?"

Agad kaming nagtanguan at nakapormang pandepensang nilapitan ito. Pagsilip namin ay nakumpirma naming kalahating katawan nga ito ng manananggal.

"Paano ng gagawin natin?" Hinahampas ito ni William ng batuta pero wala ring nangyayari.

"Ah!" Naalala kong may bawang at sibuyas nga pala ako.

"Hindi ba para daw mapatay ang manananggal kailangan mong lagyan nito?" Inilibas ko ang bawang. "Sakto, may mapapatay na tayo!"

Pinilas ko ang bawang nang mawala ito sa kamay ko.

"Asan—" tanong ko at biglang natagpuan ito sa kamay ni William.

Pumilantik agad ang puso ko. "H-Hoy."

Nagkanda buhol-buhol ang aking hininga sa kakaibang ngisi ni William. "P-Paanong?"

Paanong napunta sa kanya ang hawak kong bawang?

"Anong ginagawa mo, William?" Mapakla akong natawa at aabutin na ito sa kanya nang magtutok siya sa akin ng baril.

Natigilan ako sa 'king kinatatayuan. Hindi pa man ito pumuputok ay bumigat na ang dibdib ko't kinapos ng hininga.

"Hindi ko rin ito gustong gawin pero wala na ring natitirang oras para maghanapan pa. Sorry." At pinutok niya sa binti ko ang baril.

Agad akong bumigay pasalampak sa batuhan, ngunit kahit na gano'n ay pilit kong binakuran ang kalahating katawan ng manananggal.

Nang biglang gaya kanina ay naglaho na parang bula ang halimaw sa likod ko't napunta ito sa kamay ni William. Doon lamang rumehistro sa isip ko ang mga nangyayari.

"Kapangyarihan mong magnakaw."

Gumuhit ang mapaglarong ngiti sa kanyang labi habang pinapanood akong dumadaing sa sugat na binigay niya sa akin.

"Masyado ka kasing uto-uto, Miko. Sa tingin mo ba talaga ay super strength ang ability ko? E 'di sana matagal ko ng hinuli ang mga higante. Pero tanga ka talaga, hindi mo man lang iyon napansin." Walang kahirap-hirap na piniga ni William ang buong bawang gamit ang kakaibang niyang lakas.

Napatiim bagang ako habang nagpupuyos sa galit. "Kasalanan ko pang niloko mo ako, gano'n ba?"

"Kasalanan mong maging tanga."

"Wakwak!" sigaw ng kung anong pumapagaspas sa ituktok namin. Ngunit nang ihulog na ni William ang pinigang bawang sa kalahating katawan ay bigla na ring nahulog ang manananggal at hindi na nakalipad pa.

"Huwag kang mag-alala, Miko. Sisiguraduhin kong maganda ang burol mo sa kabilang mundo."

Iniwan ako ni William na nagtatakbo't dala-dala ang pang-ibabang kalahating katawan ng manananggal. Samantalang ang itinira niya sa akin ay ang pang-itaas na katawan nito na gumagapang palapit sa akin.

"Lumayo ka sa akin." Tumakbo ako nang biglang may gumapang na sakit mula sa binti kong naputukan ng bala at napadapa. Sumubsob ang aking palad sa matalim na bato't masaganang tumulo ang dugo mula rito.

"William!" nakakabinging tawag ko sa kanya ngunit 'ni hindi man lang niya ako nilingon.

Hindi ko inaasahang ang taong pinakitaan ko ng kabutihan at pinagkatiwalaan ay ang siyang magdadala sa akin tungo sa 'king kamatayan.

"Tulong," saklolo ko habang nakasalampak na dumadasog palikod at hindi inaalis ang tingin sa manananggal.

Hindi inaasahan ay pumilantik ang napagkahaba niyang dila't nahugot ang sugatan kong binti.

"Ahh!" palahaw ko ng mas pumailalim pa ang bala sa binti ko.

Napakapit ako sa batuhan nang mahatak niya pa ako lalo palapit sa kanya. "Tulong!"

Napaupo ako habang umaatras palayo sa kanya. Hindi ko inalis ang tingin sa kanyang kay bilis na gumapang palapit sa akin.

Nang biglang niyang itulak ang sarili paitaas at bumagsak sa pagitan ng aking mga binti. Sinubukan niyang kagatin ang aking tiyan nang masalo ko ang magkabila niyang balikat at inilayo siya sa akin.

"Wakwak!" Dumiin pa ang pagkakabuhol ng dila niya sa binti ko't tinatakasan na ako ng ulirat sa sakit!

Kaunti na lang. Makakagat na niya ang tiyan ko.

Tumakas ang luha sa aking mata habang nagmamakaawa sa mabangis na manananggal. "Ayaw ko pang mamatay."

Nanlambot ang kamay ko nang bigla kong maalala ang tatlong bangkay sa bungad ng kagubatan.

Katapusan ko na rin ba?

Ayaw ko pa.

Gusto ko pang mabuhay.

Tiniis ko ang dumodobleng sakit sa bawat segundong lumilipas. Ngunit hindi rin nagtagal ay bumigay rin ang braso ko.

Hayok akong dinambahan ng manananggal at kakagatin na ang tiyan ko.

Nang biglang paggitnaan kami ng sikat ng araw. Agad na nalapnos ang balat ng aswang ng siya'y magningas. Napasapo siya sa kanyang pisngi at pilit na tinatakpan ang nagniningas niyang nangingitim na balat.

Ngunit ang manananggal ay isang manananggal. Isa siyang halimaw na kung hindi ang bawang, ay ang sikat ng araw naman ang kanyang kahinaan. Unti-unti ay nawala ang bigat ng pagkakapatong niya sa akin hanggang siya ay magkandapira-pirasong abo at tangayin ng hangin.

Hindi man ako binalikan ng aking kinilalang kaibigan, ay dumating naman ang hindi inaasahang tutulong sa akin—ang araw. Ang araw na nagligtas sa akin para sa mas malupit na kamatayan.

[You have failed the Balete Quest.]

[Commencing Penalty for Failure.]

[You are now trapped in this Dungeon.] 

Beast-Eating HeroTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon