Chapter 5

547 30 7
                                    

MIKO

Namayani ang nakakabinging katahimikan sa pagitan naming lahat. Tanging mabibigat na paghinga namin ang madidinig na sumasabay sa pagdagundong ng aming puso. Hindi tulad kanina na mayroon kaming lakas ng loob na magreklamo; ngayon ay tuptop ang aming mga labi habang alertong nakikinig sa maliit na malignong nasa harapan namin.

"Kita ninyo naman iyon 'di ba? Kapag pumasok kayo sa kagubatan kakainin kayo ng mga halimaw. Kaya kung gusto niyo ng mapatunayan na masarap kayo, sige, alis!"

Nakakahiwang tingin ang pinukol niya isa-isa sa amin na nagpanginig ng aming tuhod. Ngunit pilit kong pinatatag ang aking sarili sa kabila ng kaguluhan kung bakit ako nandirito ngayon.

"Pero kung ako naman hindi ko naman kayo kakainin. Mapili ako 'no! At saka hindi ko naman kayo papatayin kapag wala kayong ginagawang masama. Siyempre, kayo ang mga pinakamamahal na pinili ng mga Diwata kaya 'di ko iyon puwedeng gawin. Halimbawa lang talaga iyong mga namatay kanina." Napasapo pa ang maligno sa kanyang ulo na akala'y mo'y napakaliit na bagay lamang ang pangyayari.

Kung maliit na bagay lamang ito, paano pa kaya mamaya? Sa sunod-sunod ba naman na mga kababalaghan ay nablangko na ang utak ko sa kung ano ang iisipin.

Basta. Sa isang pagkakamali ko lang ay patay ako!

Kaya alerto kaming lahat sa kanya. Akala mo mga sundalo habang pigil hininga na huwag makagawa ng anumang ikapapahamak namin.

"Ang seryoso niyo talaga masyado, nakakaloka kayo. Sige na nga. Seryoso na rin ako."

Tumikhim siya't gaya namin ay tumayo siya ng tuwid at saka lumipad pa paitaas.

"Ako nga pala si Rula, isa akong Burulakaw na siyang pinadala ng mga diwata para tulungan kayong maging katalonan. Bawat isa sa inyo ay mayroong isa o mahigit pang diwata na tumawag. Kaya....

"Sa pagsusulit na ito ay pipili kayo kung sino sa mga diwata ang tatanggapin ninyo, at matapos kayong bigyan ng basbas na kapangyarihan ay kailangan ninyong mapatunayan kung karapatdapat bang kayo na maging isang katalonan niya.

"Ang iba sa inyo ay maaaring nalilito kung ano nga ba ang diwata at katalonan. Pwes, hindi ko na problema iyan dahil kayo ang kumalimot sa amin. Ang masasabi ko na lang ay kung ano ang lugar na ito.

"Ang balete na iyan ay ang lagusan ninyo paloob at palabas sa ibang mundong ito. Kaya kung kayo ay nagtatanong kung nasaan kayo ngayon, nasa kabilang dimensyon kayo."

Saglit na tumigil si Rula at nilibot ang kanyang tingin sa amin: ang iba'y nakangiwi, nakakunot noo, nababahala, o nagpipigil tawa sa hindi pagkapaniwala.

"Dito sa loob ng balete ay may ibibigay sa inyong quest o tinatawag nating Balete Quest. Kailangan ninyong magawa iyon dahil kung hindi ay may nakatakdang kaparusahan para sa inyo. Maliban pa ro'n ay manganganib din ang inyong tirahan dahil ang lahat ng mga halimaw rito ay makakalabas tungo sa inyong mundo."

Biglang may sumulpot na hologram ulit kung saan may video ng mga halimaw na biglang lumalabas sa loob ng nagliliwanag na balete.

Mga halimaw na sa palabas ko lamang nakikita at sa libro ko lamang nababasa. Mga kakaibang taong may pakpak ng paniki, may ulo ng kabayo at may mahahabang dila ang sumugod sa mga tao na kanilang pinapatay at kinakain.

Kung kanina ay halo-halo ang aming emosyon sa kanyang paliwanag, ngayon ay naging isa na lamang nang mamulat kami sa katotohanan.

Bumaligtad na ang mundo, at ito na ang aming bagong reyalidad.

Lahat kami ay nababahala sa kung ano ang mangyayari sa amin kinabukasan. Lahat kami ay nangangamba sa kung ano na ang kalagayan ng mga taong malapit sa amin.

Beast-Eating HeroWhere stories live. Discover now