EPILOGUE

1.5K 68 23
                                    

Paulit-ulit na imahe ang gumagambala sa kanya. Sa bawat pagpikit ng kanyang mga mata, nanunumbalik ang katakot-takot na mga senaryo sa kanyang isipan. Unti-unti siyang sinisira nito. Unti-unti siyang pinahihina. At ngayon, ang paulit-ulit na kaganapan kay Marko ang nagiging bangungot niya. Ang paghila sa kanya ng infected at ang pagsalin ng dugo mula sa bibig nito mula sa bibig ng kawawang bata.

Tila sirang plaka na nagaganap sa kanyang bangungot ang pangyayaring ito. Hindi niya mapigilang magising na puno ng pawis sa katawan kahit na malamig ang lugar na kanilang tinataguan. Naisip niya ang kanyang Kuya Neal. Nakaramdam siya ng pagka-panic dahil sa katahimikan ng paligid. Isang hikbi ang kanyang inilabas.

Nakarinig siya ng paggalaw at init ng katawan ng isang tao ang kanyang naramdaman. "Gising ka na?" tanong ni Neal. Malalim ito at tila gasgas dahil sa kanyang nararamdamang sakit sa lalamunan.

"Gising na po," tugon ng Arthur.  Bahagyang matinis na ang kanyang boses ngunit malumanay. Pinunasan niya ang pawis sa kanyang mukha.

Pawang nababalot sila pareho ng kadiliman. Wala silang makita sa paligid. Hindi sila gumagalaw. Takot na maaaring ang simpleng kaluskos o ingay lamang ay magdudulot ng kapahamakan para sa kanila. Mainit ang paligid. Nauubos na ang tubig sa kanilang katawan dahil sa matinding pagpapawis. Ngunit wala silang magawa. Pareho silang nasa 'di magandang situwasyon ngayon. Ang magandang tanging gawin ay manatili lamang at maghintay ng tutulong sa kanila.

Ngunit kailan pa darating iyon? Kailan pa sila maliligtas? Kung kailan mamamatay na sila sa uhaw at sa gutom? Kung kailan matunton na sila ng mga carrier?

"Kumusta na po kayo?" tanong ng Arthur.

"Sa totoo lang ay nanghihina na ako," bulong ng nakatatandang lalaki. "Isang araw na tayong wala man lang tubig at pagkain. Nakakulong lamang sa lugar na ito. Walang matatakasan."

"Sa tingin niyo po, sa lugar na 'to po tayo mamamatay?" nanginginig na tanong ng bata. Pinipigilan lamang niya na umiyak.

"Huwag mong iisipin 'yan. Gagawa ako ng paraan para makaalis tayo rito," tugon ng lalaki. "Lalabas ako rito. Maghahanap ng ligtas na maiinom at makakain. Hahanap ako ng tulong."

"Sasama po ako," wika ni Arthur.

"Hindi puwede! Delikado," bulong ng nakakatanda. "Dito ka lang. Ako lang ang lalabas. Huwag kang mag-alala, babalik ako. Hinding hindi kita iiwan."

"Pero—"

Bigla ay nakarinig sila ng mga ungol at kaluskos. Nagsimulang tumibok ng mabilis ang puso ng dalawa. Nahanap na sila! Pero paano? Nagsimulang kumalabog ang bakal na pinto ng lugar kung saan sila nagtatago. Nagpatulog ang pagkaluskos, ang pagpupumilit na makapasok. Napayakap ang bata sa lalaki. Ayaw na niyang bumitaw dahil sa matinding takot. Naririnig na rin ang kanyang paghikbi.

"Shhh... Tahan na. Hindi sila makakapasok. Hindi sila makakapasok," paulit-ulit na sinasabi ng nakakatandang lalaki. Tila nababaliw na siya. Hindi na niya alam ang kanyang gagawin. Pinangungunahan siya ng panghihina bunga na rin ng engkuwentro nila bago sila makarating dito. Hindi niya naisalba ang iba nilang kasama. Hindi niya naisalba ang ibang kabataan na sa kanyang umaasa.

Masakit iyon para sa kanyang parte. Isang nagsilbing tatay ay hindi man lang nailigtas ang kanyang mga itinuturing na anak.

Ngunit kasinungalingan lamang ang pagtitiwala niya na magiging mabuti lamang ang lahat. Alam niyang sa puntong iyon, makakapasok na ang mga carrier. Katapusan na nila ito. Hinawakan niya ang mukha ng batang kanyang kasama. Pinagmasdan niya ang kakaibang kulay ng mga mata nito.

Ginto.

Humikbi siya. "Sorry kung hindi ko nagawa ang gampanin ko sa inyo. Patawarin niyo ako," naiiyak niyang sabi.

Hindi na sumagot ang bata dahil sa biglang katahimikan ang gumulat sa kanila. Nawala na ang pag-ungol, gayon din ang pagkaluskos sa bakal na pinto. Tila tumigil na ang lahat. Tila ba nawala na lamang ang mga carrier. Hindi lang nila inaasahan ang sumunod na nangyari. Dahan-dahang bumukas ang pinto, bunga upang pumasok ang sinag ng araw at magbigay liwanag sa silid na pinagkaitan ng kahit anong sinag.

Hindi inaasahan ng dalawa ang makikita sa likod ng pintong iyon.

Isang nakakabulag na liwanag ang bumulag sa kanya. Pareho silang napatakip ng mata habang ilang yabag ang narinig nila na pumasok sa loob ng imprastraktura na kanilang tinataguan. Hindi mapigilan ni Arthur na makaramdam ng takot. Gayon din si Neal. Hindi niya sigurado kung sino ba itong nakakita sa kanila.

Nakarinig ng pagtama ng bakal sa bakal si Arthur. Batid niyang hinablot ni Neal ang palakol at inihanda ang sarili sa posibleng engkuwentro. Laging handa ang lalaki sa mga ganitong situwasyon, paulit-ulit nitong sabi sa kanya.

"Sino kayo?" tanong ng kanyang Kuya Neal sa mga estranghero sabay angat sa hawak na palakol.

"Hindi kami mga kalaban. Nandito kami para iligtas kayo," sagot ng isang boses mula sa isang babae. Isang tao ang humakbang at ang iba ay umatras sa likuran nito. Hindi mabilang ni Arthur kung ilan ang nakakita sa kanila. Patuloy pa rin ang pagtutok sa kanila ng ilaw at sa tingin niya ay mga baril.

"Sino kayo?"

"Galing kami sa Salvador, isang refuge center. Natanggap namin ang tawag niyo," sagot ng babae.

"Nahanap niyo kami!" natutuwang sabi ni Arthur. Hindi niya mailarawan ang ginhawa at galak na kanyang nararamdaman. Sa wakas ay may magliligtas na sa kanila. "Sila ang tinawagan namin ni Melvic, Kuya Neal," masaya niyang sabi sa kanyang kasamahan.

"Sigurado ka?" hindi naniniwalang tanong ni Neal.

Tumango si Arthur. "Natatandaan ko pa ang boses niya." Tinutukoy ni Arthur ang babae na nagsalita. Sauladong saulado niya ang boses nito kahit na sa ilang segundo lamang ang narating ng kanilang pag-uusap.

Ibinaba ni Neal ang hawak na palakol ngunit hindi niya pa rin ito binitawan. Masama pa rin ang tingin niya sa mga estranghero. Natural lamang iyon dahil sa nangyari sa kanila. Mahirap nang magtiwala sa mga situwasyon na ganito.

"Magpakilala ka, babae," utos ng Kuya Neal niya.

Doon ko na nakita ang kabuuan ng mukha ng babae na kausap namin. Bahagyang singkit ang mga mata nito, matangos ang ilong at may tuwid na buhok na abot hanggang sa kanyang balikat. Sa unang tingin ay alam ni Arthur na may lahing Haponesa ang babaeng ito.

"Ako si Ai," pakilala nito. "Huwag kayong mag-alala, iaalis namin kayo sa lugar nito."

Napangiti si Arthur. Mukhang matatapos na ang kanilang kalbaryo. Ipinikit niya ang mga mata at inisip ang mukha nina Lia at Melvic. Nakangiti sila sa kanya.

"Ligtas ka na. Sabi ko sa 'yo, magiging okay lang ang lahat," masayang sabi sa kanya ni Lia mula sa kanyang imahinasyon.

Kahit na ganoon lamang at nakakaluwag ito ng pakiramdam para kay Arthur. Tumayo siya at humarap sa mga nagligtas sa kanila. Narinig niya ang singhap ni Ai. Alam siguro nito kung ano na siya ngayon. Kita niya ang gulat sa mukha nito. Mamaya na ang paliwanag. May kailangan muna silang gawin.

"Umalis na po tayo," wika niya.

Sangre: A Side Story (Pandemia #2.5)Where stories live. Discover now