15: RUN

946 48 18
                                    

ARTHUR

Ako na lang ang natitira. Patay na ang mga tinuring kong kaibigan. Wala na sila.

Ano na ang gagawin ko ngayon? Wala na akong rason para mabuhay pa. Para lang akong hayop na pagala-gala sa kakahuyang ito. Walang direksyon. Hindi alam ang gagawin. Ngayon lang ako nakaramdam ng matinding pagod. Gusto ko nang sumuko. Gusto ko nang matapos ang lahat.

Napatigil ako nang ma-realize ko na bumalik pala ako sa baryo. Binati ako ng katahimikan. Wala man lang senyales ng mga infected. Hubad ang aking mga paa at ramdam ko ang lamig ng lupa. Iyon na lamang ang siyang nagbibigay sa akin ng ginhawa. Nagpatuloy ako sa paglalakad. Kailangan kong makahanap ng mapagpapahingaan. Alam kong maghahanap sa baryong ito ang doktor, kailangan ko ng safe na lugar kung saan ako hindi makikita.

Wala pa ako sa kalagitnaan ng baryo nang bumigay ang aking mga paa. Bumagsak ako sa lupa at hindi ko na magawang makagalaw pa. Matinding sakit ang nararamdaman ng aking katawan. Tanging pag-ungol na lang ang aking nagagawa. Ano'ng nangyayari sa akin? Hindi ito maaari.

Dalawang pares ng paa ang nakita kong papalapit sa akin. Nakaramdam ako ng pagkasindak. Walang bahid ng dugo ang kanilang mga hubad na paa kaya alam kong hindi sila infected. Ang suot nilang pantalon ay hindi tugma ng suot ng doktor. May iba pang normal na tao sa islang ito? Kahit gano'n ay hindi ko maiwasang panghinalaan sila. Pinilit kong gumalaw ngunit para bang may mabigat na bagay na pumipigil sa akin. Para akong isang manika na hindi magawa ang dapat na gawin.

Ang isa'y lumuhod sa aking uluhan at mukhang pinagmamasdan ako. Hindi ko nga lang makita ang kanilang mukha.

"Hindi siya infected," wika ng isa sa kanila. Lalaki. Medyo matinis ang boses. "Pero kulay ginto ang kanyang mga mata."

"Dalhin natin siya sa pinagtataguan natin," sabat ng isa pang lalaki. Malalim naman ang boses nito. May tono ng awtoridad dito.

"Pero-"

Naramdaman ko ang pagbuhat ng isang lalaki sa akin. Hindi ko magawang matingnan ang kanyang mukha dahil kahit pati ang ulo ko ay paralisado rin. Tanging dibdib lamang ng lalaki ang nakikita ko. "Walang pero-pero," madiin na sabi ng lalaki.

Nanahimik ang isang lalaki at nagsimula nang maglakad ang bumuhat sa akin. Ipinikit ko ang aking mga mata. Pakiramdam ko ay ligtas ako sa kanilang poder. Unti-unti akong dinalaw ng pagod.

Mayamaya ko na proproblemahin ang lahat.

*****

Idinilat ko ang aking mga mata. Nakadapa ako sa isang malambot na higaan. Isang kama? Paano ako nakarating dito?

Naalala ko ang dalawang tao na nakakita sa akin. Dinala nila ako sa lugar na hindi ko maaninag ang kabuuan. Sa parte ng silid na nakikita ko ay isang kama ang nakapuwesto. May isang bata na nakaupo sa gilid ng higaang iyon. Payat siya, maliit na lalaki at kulay kayumanggi ang balat. Nakatitig lamang siya sa akin. Doon ko napansin na nawawala ang isang paa niya.

"Nakakapagsalita ka ba?" mausisang tanong ng bata.

Gusto kong tumango ko, naalala ko na hindi ko pala kayang gumalaw. Kaya minabuti ko na magsalita. Buti na lamang at nagagawa kong igalaw ang aking mga labi. "Oo."

Nanlaki ang mata ng bata na para bang nagulat na nakakapagsalita ako. Yumuko siya para mailapit ang kanyang mukha sa akin. "Pero hindi ka makagalaw? Bakit?"

"Hindi ko alam," sagot ko. "May pumipigil sa akin para makagalaw. Hindi ko alam kung ano."

"Hihingi ako ng tulong kina Kuya Thayer at Neal," aniya. Tinawag niya ang naturang pangalan na siya namang ginantihan ng sagot mula sa dalawang pamilyar na boses.

Sangre: A Side Story (Pandemia #2.5)Where stories live. Discover now