2: STRANDED

1.9K 68 23
                                    

LIA

 

Matinding sakit ang nararamdaman ng aking katawan. Hindi ko maigalaw ang aking mga kamay at paa, gayon na rin ang aking ulo’t mata. Hindi ako makadilat. Gusto kong umungol dahil sa aking nararamdaman ngunit hindi ko magawa. Nasusunog na bakal ang aking naaamoy at pinipigilan nito ang maayos na paghinga ko. Gusto kong makaalis sa aking kinauupuan ngunit may pumipigil.

“Lia...”

Narinig ko ang aking pangalan. Parang malapit lang siya ngunit mahina. Nakaramdam ako ng kamay sa aking pisngi, sinusuportahan iyon at pinipilit akong gisingin. Ngunit gising ako. Hindi lang ako makagalaw o makapagsalita man lang.

“Hintay lang,” sabi ng boses. Naalala ko kung kanino galing iyon. Kay Arthur, ang aking kaibigan.

Nararamdaman ko ang pag-angat ng aking katawan. Ang kaniyang bisig at nasa aking likod. Ang aking ulo ay nakapatong sa kaniyang balikat. Naririnig ko ang kaniyang mabigat na paghinga. Kaakibat niyon ang kaniyang paghingal. Ang aking mga paa ay sumasayad sa sahig. Hindi ako gumagalaw ngunit pakiramdam ko ay umaalis ako sa aking puwesto kani-kanina lang. Doon ko napagtanto na pinipilit akong buhatin ni Arthur palayo sa aming kinalalagyan.

Matapos ang tila walang hanggan ay nakaramdam ako ng mainit na sensasyon sa aking likuran. Nakakapaso ngunit masarap sa pakiramdam. Naaalala ko ang init ng mga buhangin sa dalampasigan sa beach kung saan kami nagtungo ng aking mga magulang isang taon na ang nakakaraan.

Nakaramdam ako ng presyon sa aking dibdib. Tila gusto nitong palabasin ang mabigat na pakiramdam na sumasakop sa aking mga baga. Paulit-ulit hanggang sa makaramdam ako ng kakaibang bugso sa aking katawan, gustong kumawala sa aking ilong at bibig. Walang ano-ano’y bumukas ang aking mga mata at napasinghap. Desperado akong huminga. Desperado akong makakuha ng hangin.

May namumuong imahe sa panandaliang malabo kong paningin. Unti-unti kong nakikita si Arthur sa ibabaw ko. Nakatingin siya sa akin, may bahid ng pag-aalala sa kaniyang mukha. “Lia? Naririnig mo ba ako?” tanong niya.

Tumango ako at agad siyang niyakap. Hindi ko maiwasang lumuha nang maalala ko kung bakit kami humantong sa ganito. Nakahawak lamang ako sa kaniya na para bang kapag kumawala ako ay hindi ko na magagawang mabuhay pa. Nagpapasalamat ako at nakakilala ako ng kaibigan na katulad niya.

“Okay ka lang ba?” tanong niya sa akin.

Tumango ako muli. “Buhay tayo.” Hindi ko mapigilang mapangiti sa kabila ng sakit na nararamdaman buo kong katawan.

Tumingin ako sa paligid. Gayon din si Arthur. Doon namin nakita ang nasirang eropano o bahagi lamang nito. Ang kapal ng usok na nakapalibot dito. May apoy pa akong nakikita. Isa lamang ang nakakasiguro ako, kalahating bahagi na lamang ng eroplano ang nasa harapan namin ngayon. Wala na ang buntot nito. Tanging ang uluhang bahagi lamang ang nasa dalampasigan kung nasasaan kami ngayon.

Hindi lamang 'yon. Tinakpan ko ang aking bibig nang makita ang mga bangkay ng mga taong kanina’y kasama lang namin sa loob ng eroplano. May mga sunog na ang katawan. May mga putol-putol ang katawan. Hindi na makilala ang karamihan. Mga ka-edad namin ang mga bangkay na 'yon.

Inilagi ko ang aking ulo sa balikat ni Arthur. Hindi ko na kayang makita pa ang nasasaksihan namin ngayon. Nagsimulang tumulo muli ang aking mga luha. Pilit akong pinapatahan ng aking kasama. “Ano nang gagawin natin ngayon, Arthur?” tanong ko kahit na nanginginig ang aking boses.

“Maghahanap tayo ng mga survivor, kung papalarin,” sagot niya. “'Tapos ay aalamin natin kung nasaang lugar ba tayo at hahanap ng tulong. Kaya mo na bang tumayo?”

Sangre: A Side Story (Pandemia #2.5)Where stories live. Discover now