14: BREATHE

994 53 9
                                    

MELVIC

Sa sobrang tagal ng aming pagtakbo, hindi ko na alam kung humihinga pa ba ako. Napapagod pa ba ako? Sa sobrang lakas ng kabog ng aking dibdib, hindi ko na nararamdaman ang sakit ng aking katawan, ng tahi sa aking tagiliran at ang hiwa sa aking pisngi. Manhid na ba ako?

Sa bawat hakbang ng aking mga binti, tanging si Lia lamang ang laman ng aking isipan. Hindi maalis ang imahe ng kanyang pagbagsak habang unti-unti siyang nawawalan ng buhay. Hindi namin siya nailigtas. Wala man lang kaming nagawa. Kung hindi ko lang siya naiwan at pinauna ko siya sa paglisan, di-sana'y buhay pa siya ngayon.

Pero wala na. Hindi na maibabalik pa ang nangyari. Patay na si Lia. Wala nang magbabago sa katotohanang iyon. Katulad na siya ng daan-daang tao na nasa islang ito. Hindi na nakaalis sa masalimuot na lugar na 'to.

Kami kaya, makakaalis din?

"Mukhang natakasan na natin sila," bulong ni Arthur matapos naming magtago sa likod ng isang malaking puno. Pareho kaming umupo sa malumot at basang lupa.

Doon ko na naramdaman ang pagod at sakit sa aking katawan. Nagsimula na akong hapuin at hinahabol ko na ang aking hininga.

Isang hikbi ang aking narinig. Nagmumula iyon kay Arthur. Nakatago na ang kanyang mukha sa pagitan ng kanyang mga tuhod. Hindi ko siya masisisi. Hindi niya nagawang mailigtas ang katangi-tanging tao na aalayan niya ng buhay mailigtas lamang. Tahimik siyang umiyak; kasing-tahimik ng paligid, kasing-tahimik ng langit.

Gusto ko siyang patahanin, sabihin na magiging okay ang lahat. Pero alam kong kasinungalingan lamang iyon. Hindi magiging maayos ang lahat. Malayo sa pagiging maayos ang lahat. Isinandal ko ang likod sa matambok na katawan ng puno at ipinikit ang mga mata. Sana'y makapagpahinga na ako. Kailangan ko ng enerhiya sa pagsuong namin sa labang ito.

Bigla ay lumabas sa aking isipan ang imahe ni Lia. Kita ko ang pag-aalala sa kanyang mukha nang una nilang akong makita na nasa bingit pa ng kamatayan. Matinding sakit at takot ang aking nararamdaman. Alam kong mamamatay na ako no'n. Pero binigyan niya ako ng pag-asa na magiging normal lang ang lahat.

"Sshhh... Magiging okay rin ang lahat."

"Magiging okay rin ang lahat," pag-uulit ko sa kanyang sinabi. Doon na dumaloy ang luha sa aking mga mata. Doon ko na hinayaan ang sarili ko na magpasukob sa lungkot. Sa lahat ng tao, bakit si Lia pa?

"Gawain ni Lia 'yan." Nagulat ako nang magsalita si Arthur. Suminghot siya at nagpatuloy, "Lagi niyang sinasabi na magiging okay lang ang lahat. Lagi niyang ipinapakita sa amin na sa kahit ano mang situwasyon, laging may solusyon. Matatapos din ang mga paghihirap namin. Gano'n siya ka-positive."

Hindi ko mapigilang mapangiti. "Ang suwerte mo siguro na magkaroon ng kaibigan na katulad niya," sagot ko.

"Higit pa sa kaibigan ang turing ko sa kanya," pag-aamin ni Arthur. "Noong mga bata kami, pinangakuan ko siya na kapag umabot kami sa trenta at pareho kaming walang asawa, siya na ang pakakasalan ko at magiging asawa ko panghabambuhay."

Natahimik ako. Talagang mahal ni Arthur si Lia. Kahit na hindi man niya sabihin ay kitang kita. Sa kasamaang palad, huli na ang lahat para sa kanila.

"Marahil ay ang gusto niya lang ay mabuhay ka, ang makaalis sa islang ito. Who knows? Marahil ay hinihiling niya pa rin na magiging okay pa rin ang lahat," sambit ko.

"Magiging okay ang lahat. Ipinapangako ko 'yan sa kanya," aniya.

Pumikit ako muli. "Sana nga."

Bigla ay nakarinig ako ng kaluskos ng damo. Napukaw ang atensyon ko at nakiramdam sa paligid. Nanumbalik ang mabilis na pagtibok ng aking puso. Thud. Thud. Thud. Ano kaya 'yon? Natuon ang atensyon ko sa mga matatayog na damo na kasingtaas ng isang tao, di-kalayuan sa puwesto namin. Napalunok ako nang madiin nang may gumalaw roon.

Sangre: A Side Story (Pandemia #2.5)Where stories live. Discover now