Day 97 Narration

2.8K 222 49
                                    

Day 97 (Liam)

***

"Puwede ba kitang ligawan, Liam Guwapo?"

Napaapak ako sa brake. Na naman.

'Tanginang 'yan. Tama ba talaga 'yong narinig ko? Pero inulit, eh. Parang tama talaga, eh. Kahit puyat ako, malinaw naman pandinig ko.

Wala sa loob akong nagmaniobra para itabi ang sasakyan sa tagiliran ng highway.

Tindi ni Miss Miles. Pa'nong ligaw ang sinasabi niya? Ako dapat manliligaw, ah. Ako rin dapat maghahabol ngayon. Dami kong emosyon sa buong katawan ko na kahit pagod ako kada-drive at pagod ako kabahan, puwede akong lumaban sa marathon. Kaya kong mag-gate crash. Kaya kong mang-agaw ng singsing kay Hammond at ako mag-propose kay Miles. Kaya kong bugbugin lahat ng Banal sa pantitrip sa 'kin. Kaya ko lahat.

Pero 'yong "puwede ba kitang ligawan" ni Miss Miles, tupi ako ampota. Nakailangang brake at tulala na 'ko mula kanina.

Pa'nong ligaw kaya iniisip no'n? Saka pa'no ba sasagot sa gano'n? Pa'no ako magtatanong sa Banal kung bubugbugin ko sila mamaya?

Napasulyap ako sa oras sa dashboard ko. Nagsimula uli akong bumalik sa highway. Hinihintay ako ni Miles.

Humigpit ang hawak ko sa manibela nang tumama sa 'kin ang iilang salita at ang katotohanan niyon.

Mula no'ng sinabi ko sa kanya na tumigil muna kami, na ayoko siyang makita, na umalis muna siya . . . hinihintay niya nga ako.

Hinihintay ako ni Miles.

Binilisan ko ang pagmamaneho hanggang sa makita ko ang arko ng restaurant at event place kung saan may lunch ang pamilya ni Hammond at ang babaeng yayayain pakasal. Nang mai-park ko ang kotse, mabibilis ang mga hakbang kong naghanap kay Miles. Akala ko, maghahanap ako nang matagal. Handa naman akong maghanap nang matagal, pero nasa bungad lang siya ng garden sa tagiliran ng restaurant. Nakapulang dress. Pagtama ng mga mata namin sa isa't isa, tumayo agad siya at maliit na ngumiti. Nagdalawang-isip itaas ang kamay niya at maliit ding kumaway.

Pumayat nga siya. May lungkot sa mukha niya na madaling basahin dahil mas madalas ko siyang makitang magaan at masaya noon.

Ang sakit makita siya. Masakit dahil habang nakatingin ako ngayon sa kanya, mas bumibigat lahat ng nagdaang araw na hindi ko siya nakita. Mas mahapdi 'yong dati nang mahapdi. Mas kulang 'yong nagkulang nang sinabi kong umalis muna siya.

Na-miss ko siya na hindi ko alam kung pa'no tumigil maglakad papunta sa kanya kahit nanghihina ako. Humakbang din siya palapit. Nagkasabay kaming umabot sa isa't isa. Yayakapin ko dapat siya at siguro gano'n din ang gagawin niya, pero nauwi muna kami sa paghawak sa kamay ng isa't isa.

Ang lamig ng malambot na kamay niya sa mahigpit na hawak ko. Dalawa kaming nagbaba ng tingin sa pagkakahawak namin. Kinagat niya ang labi niya. Naggitgitan naman ang mga ngipin ko.

Pa'no 'ko naisip na mas okay akong mag-isa? Pa'no kong kinaya lahat ng araw na wala siya at hindi ko nakikita?

Hindi ko kayang mawala ang babaeng 'to. Kahit nagsinungaling siya. Kahit nasaktan ako. Kahit masaktan uli ako.

"Miles . . ."

Tumingin siya sa 'kin. May anino na ng luha sa mga mata niya.

Nawala lahat ng gusto kong sabihin. Nakulong lahat ng salita sa tensyon sa sikmura ko at sa bara sa lalamunan ko. Ayokong umiyak at pumiyok ngayon.

"I'm sorry . . . Liam," mahinang sabi niya at lumunok. "I was wrong. I don't know kung pa'no ang tamang paghingi ng tawad sa—sa pagsisinungaling ko . . . but what I feel for you then and what I feel for you now is the same. I love you."

Hashtag Boys Series 1: #Awwwit (Liam)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon