Kabanata 1

221 10 0
                                    

Kabanata 1

Jess's POV

Malapit na naman ang eleksyon. Panahon ng pangangako. Bulungan ng mga nangangako. Saklolo ng mga kumakayod. Hinaing ng mga taong gusto nang pagbabago. Tawanan ng mga pulitiko. Pagkabaon ng mga taong paulit-ulit itinataas ang kani-kanilang mga sarili sa putik ng kahirapan mula sa mga rehas ng korapsyon. Sanhi ng ganid at pera.

Sa tinagal-tagal kong nakikisalamuha sa mga ordinaryong Pilipino, iisa lang ang sinasabi nila: gusto kong makaahon sa kahirapan.

At ang tanging susi para makaahon sila mula sa dagat ng hinagpis ay ang makapag-aral. Edukasyon. Pantay-pantay na karapatan para makapag-aral at magkaroon ng oportunidad na makahanap ng disenteng trabaho.

Simple lang naman mangarap ang mga Pilipino. Makakain tatlong beses sa isang araw. Bonus na lang kung may pa-meryenda at midnight snack na pancit canton, tinapay at juice. Kapag naglibot-libot ka sa paligid mo, makikita mo ang kasimplehan ng mga Pilipino. Ultimo mga problema nila ay tinatawanan lang nila.

Nakakatawa, 'di ba? Ano ba'ng pinakamagandang gawin kapag lunod na lunod ka na sa problema? Hindi ba't 'yon ang magpanggap na masaya ka kahit kumakalam na ang sikmura mo habang wala ka nang maipakain sa mga anak mo?

Ganiyan tayong mga Pilipino. Tinatawa na lang natin lahat. Kasi wala na tayong choice. At iyon ang akala nang nakararami. Marami tayong choice at ang isa roon ay ang maging mulat sa mga bagay-bagay.

At pagkatapos ng anim na taon, nasa atin na naman ang kapangyarihan para iluklok ang mga pulitikong dapat maupo sa kani-kanilang puwesto. Hindi ba't sa panahon na 'to dapat tayo mamulat?

"Jess, na-interview ko na 'yong isang batang ina sa loob. Ise-send ko 'yong audio sa e-mail mamaya. Wala na ba tayong gagawin dito?" tanong ni Leones. Katrabaho ko. Kaming dalawa ang inutusan ni Mr. Garcia na mag-interview sa isang pamilya dito sa Navotas City.

"Wala na. Pero mag-lunch na muna tayo bago umuwi. Sinabihan ako ni Kuya Ronnie na okay lang magtanghalian doon sa loob ng office nila," sagot ko.

"Sige. Ako na lang bibili nang makakain natin. Dito ka lang," aniya at naglakad palayo.

Patuloy ako sa paghithit ng sigarilyo habang nakatutok ang mga mata ko sa nakabukas na nitso. Kanina ko pa gustong lapitan ang isang bata na tantiya ko ay tatlong taong gulang pa lang at natutulog sa nakabukas na nitso. At ginawa niyang kumot ang puting gown na nandoon.

Napailing ako. Lumawak ang tingin ko sa kabuuan nitong lugar. Bato-bato ang lupa at sa bandang dulo kung saan may dagat ay mabuhangin na. Kitang-kita ko ang mga batang naghahabulan at naglalaro sa makikitid na tulay. Sanay na sanay na sila sa peligrong naghihintay sa kanila kung sakaling magkamali sila ng hakbang at dumiretso sa ilalim ng dagat.

Inutusan kaming dalawa ni Leones na mag-interview ng isang pamilya dito sa looban ng sementeryo kung saan ay isa ring community at tinitirahan ng mga pamilya. Si Leones ang halos kumuha ng mga impormasyon at ako naman ang magsusulat. Feature article ang isusulat ko. Tungkol sa resiliency ng mga Pilipino.

Napairap na lang ako sa hangin at humithit hanggang sa maubos ang yosi ko. May isang batang babaeng lumapit sa akin. Tinitigan ko siya. Gusgusin. Magulo ang buhok at halatang bagong gising. Pawis na pawis ang mukha. May natuyong sipon sa magkabilang pisngi. Sobrang payat niya. Mukha ni Minnie Mouse ang nakalagay sa punit-punit niyang dress. Pupusta akong binili 'yon sa ukay-ukay.

"Ate ganda, may pagkain po kayo?" aniya.

Agad akong lumuhod para magpantay kami. "Nasaan ang magulang mo?"

"Tulog pa, e. Ginigising ko si Mama pero nagagalit. Si Tatay naman lasing."

Nagbaba ako ng tingin at napansin kong may sugat siya sa kanang paa. May dalawang langaw na pabalik-balik sa sugat niya. Inalok ko ang palad ko sa kaniya.

Nights of DisquietWhere stories live. Discover now