Kabanata 7

47 6 0
                                    

Kabanata 7

Jess's POV

"Oh, dilis kayo r'yan! Libre ko na 'to."

Nang makita ko sila Michell at Leones na papasok dito sa pantry ay hinagis ko sa kanila ang dalawang supot ng dilis. Binigyan ko rin si Ms. Tuazon kanina pati si Mr. Garcia. 'Yong natira ay nasa bahay.

Kumunot ang noo ni Michell pagkatapos saluhin 'yon. "You're selling dilis now, Jess?"

"Binili ko lang 'yan kagabi sa mga batang naglalako sa gilid ng kalsada," sagot ko.

Umayos ako nang upo at nag-umpisang kainin ang baon kong kanin. Nagbaon ako ng Chopsuey at pritong dilis na may suka at kamatis. Ilang araw na 'kong kumakain ng karne kaya nag-gulay ako. Tumango naman siya at umupo na rin sa tapat ko. Tinignan ko si Leones na dumiretso sa tapat ng coffee maker.

I leaned forward to whisper. "Ano'ng mayro'n kay Leones?"

Nagkibit-balikat siya. "Wala naman. Bakit?"

Sumandal na ulit ako sa upuan. "Parang wala kasi siya sa mood."

Tinignan ako ni Michell na parang nababaliw na 'ko. "Jess, naaksidente si Moah. Muntik nang mabagok ang ulo niya. She was crossing the street around Makati when a vehicle ran fast towards her direction. Nakaiwas siya at nagpagulong-gulong. May malaking sugat siya sa noo."

Nanlaki naman ang mga mata ko. Iyon pala ang nangyari. Hindi kasi naikuwento sa 'kin ni Leones. "Hindi pa ba binabalita 'yan sa TV?"

"I asked Leones about that last night. Sabi niya hindi na raw kailangan ibalita. Magfa-file na lang daw ng sick leave si Moah. Baka malaman din ng iba ang sitwasyon niya sa pagbubuntis."

Tumango na lang ako at muling tumingin kay Leones. Nahuli ko siyang nakatingin sa 'kin. Tinaasan ko siya ng kilay. Napansin kong huminga siya nang malalim at nag-umpisang maglakad sa table namin bitbit ang kape niya.

"Bakit naman nagka-kape ka? Baka mamaya gutumin ka na naman. May pulso ng bayan pa naman tayo mamaya. Field reporting 'yon."

"Busog pa naman ako. Wala rin akong ganang kumain," sagot niya.

Hindi na lang ako sumagot at nag-focus na lang sa kinakain ko. Nag-umpisang magkuwento si Michell. Excited siya sa exclusive interview na gagawin niya sa isang sikat na female sports athlete na nanalo ng gintong medalya sa Sea Games. Sa totoo lang, ang astig din ng beat niya. Sports beat. At kung ikukumpara sa beat na nakatoka sa 'kin, 'di hamak naman na mas safe ang buhay niya at nag-e-enjoy pa siya sa ginagawa niya.

Nag-e-enjoy din naman ako sa ginagawa ko. Sa totoo nga niyan ito ang pinaka gusto kong beat. Nasabi ko na yata 'to dati pa. Siguro ganito talaga kapag thriller seeker ka at gustong-gusto mo ring hanapin ang katotohanan na pilit tinatago ng mga may kapangyarihan sa paligid mo. 

Kahit buhay ko pa ang kapalit, ito pa rin ang pipiliin kong trabaho. 

Nakikinig lang ako kay Michell. Ngayon ko lang din naisip na maganda pala ang speaking voice niya. Sobrang manly. At lalo siyang nagiging guwapo dahil sa eyeglasses niya. Dahil sa tuloy-tuloy na pagkukuwento niya, unti-unti kong nare-realize na walang kibo si Leones at patuloy sa paghigop ng kape niya. Pasimple ko siyang tinignan. Nakakunot ang noo niya habang nakatingin sa phone na hawak niya. Kumunot na rin tuloy ang noo ko.

"Jess, kailan pala tayo lalabas? Kailan ka p'wede?"

Bumalik kay Michell ang paningin ko. Uminom ako ng tubig bago ko siya sagutin. "P'wede na 'ko bukas."

Ngumiti siya nang matamis. Napatitig ako sa kaniya. "Copy. Susunduin na lang kita."

"No," agad kong sagot. "Hindi mo 'ko susunduin. Sabihin mo sa 'kin kung saan tayo bukas at kung anong oras. Doon na tayo magkikita."

Nights of Disquietحيث تعيش القصص. اكتشف الآن