Kabanata 9

39 6 3
                                    

Kabanata 9

Jess's POV

PUTANG INA MO, HERNANDES.

Salot ka!

Mamatay ka na sana.

Wala kang utang na loob!

Bayaran!

Magbenta ka na lang ng diyaryo!

Kanina ko pa binabasa ang mga e-mails na dumarating sa 'kin ngayong araw. Hindi ko muna pinapansin ang ingay sa paligid dito sa opisina habang nag-uusap at aligaga ang mga katrabaho ko. Lumipas ang mga araw at linggo sa isang iglap. Buwan na ng Mayo at ilang araw na lang ay eleksyon na.

Pare-parehong mukha na naman yata ang uupo sa iba't-ibang puwesto.

Simula nang ma-interview ko si Valiente sa Facebook live, mas dumoble ang mga natatanggap kong death threats. Walang palya. Nag-trending ako sa Twitter pagkatapos ng live interview. The netizens on Twitter praised me. Sa Facebook naman ay pinagmumura ako ng mga tao. Hindi sa humihingi ako ng simpatiya pero hindi ko na talaga maintindihan kung saan nanggagaling ang inis nila sa 'ming mga journalists. Ginagawa ko lang ang trabaho ko. Trabaho kong sundan o pagmasdan ang mga nangyayari sa politika.

Nakita ko na rin ang mukha ko na ginawang katatawanan at in-edit online. Memes. Hindi ko na lang pinansin. Nag-aalala na rin ang pamilya ko sa 'kin pero sabi ko sa kanila ay sanay na 'ko. Malinis ang konsensiya ko.

"Sino kaya'ng mananalo? Medyo kinakabahan ako. Sana naman maprotektahan tayong mga journalists. Sanay naman na 'ko sa death threats pero hindi na makatarungan 'tong ginagawa sa 'tin," sabi ng isang katrabaho kong babae.

Nag-angat ako nang tingin. Nagkukumpulan na pala sila sa isang cubicle. Lahat sila ay nakatayo. Break time kasi namin. Maaga ang out ko ngayon at didiretso kami ni Leones sa Laguna kung saan nagtatago si Alyssa. Dapat ay no'ng nakaraang buwan pa namin siya pupuntahan pero masyado kaming busy ni Leones.

"Gustong-gusto ko talaga 'yong interview ni Jess kay Valiente last month. Nakakadismaya na nakakatakbo pa rin 'yong katulad niya na rapist. Sabihin na nating hindi siya nahatulan dahil wala raw sapat na ebidensiya pero hindi naman ako tanga. Naniniwala ako sa audio clip ni Roxanne na kumakalat ngayon online."

"Justice is for rich people only," ani Michell.

Tinignan ko siya. Napangiti ako. Nahuli niya 'kong nakatingin sa kaniya at ngumiti rin siya. Simula no'ng nag-date kami sa Intramuros, palagi na kaming sabay kumain sa pantry. Nagpapalitan na rin kami ng text messages.

"Sinabi mo pa, Michell. Sa tuwing nagsusulat ako ng article tungkol sa mga ordinaryong Pilipino na kinukulong dahil nagnakaw ng pagkain para may maisalpak sa sikmura nila, nalulungkot ako," sabi naman ng lalaking katrabaho namin. Matanda na siya.

Sumabat na 'ko sa usapan nila. "Kapag mayaman, absuwelto. Kapag mahirap?" tanong ko at tinignan sila.

"Kulong!" sigaw nila. Napailing na lang ako.

Kung alam lang ng ibang mga Pilipino ang hirap naming mga journalists. Nahihirapan kami dahil sa mga natatanggap namin online at nahihirapan din kami sa isinasampal ng reyalidad sa 'min sa tuwing lumalabas kami at naghahanap ng balita.

Hindi pantay ang hustisya. Kawawa lagi ang mga mahihirap. Maraming Pilipino ang nagtitiis. At hindi ko matanggap na nauuso ngayon online ang salitang resiliency. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay gagana 'yon. Kailangan ding umaksyon ng mga nasa taas. Oo journalist ako at hindi ako p'wedeng maging biased.

Kapag sinabing hindi p'wede maging biased, 'yon ay ang hindi ko pag-kampi sa mga baluktot na pulitiko. Maliban sa pagiging journalist, Pilipino rin ako. At may pakialam ako sa mga nangyayari sa bansa. Hindi kakayanin ng sikmura ko na maging ignorante at magbulag-bulagan.

Nights of DisquietWhere stories live. Discover now