PROLOGUE 1

21.7K 293 1
                                    


The ultimate tragedy is not the oppression and cruelty by the bad people but the silence over that by the good people -Martin Luther King

PROLOGUE

20 YEARS AGO

Mikayla

Nakadungaw ako sa bintana ng bahay namin habang pinapanood ang mga taong abalang-abala sa paghahakot ng mga gamit. Nilingon ko ang mga magulang ko na parehong nakaupo sa harap ng mesa at nagkakape. Kita ko sa mukha ni Tatay na nag-aalala siya. Si Nanay naman ay pilit ang ngiti at hinawakan pa ang kamay ni Tatay.

Ilang araw nang ganito sa lugar namin. Ilang araw ko nang napapansin na nauubos ang mga kalaro ko. Sa tuwing lalabas ako ng bahay at pupuntahan ang bahay ng mga kalaro ko, laging nakasara na. Ang sabi ni Ading noong huli kaming nagkita at naglalaro kami ng Chinese Garter kasama si Patricia, aalis na daw sila at lilipat na ng lugar. May iba na daw kasing nagmamay-ari nitong lupang kinatitirikan ng mga bahay namin.

Hindi ko maintindihan iyon. Nakikita ko lang na may mga taong nakasuot ng mga mamahaling damit at mga naka-kotse ang nagpupunta dito sa lugar namin. Kinakausap si Mang Bert. Iyon ang kaibigan ni Tatay na presidente ng lugar namin. Si Tatay naman ang vice-president. Nakikita ko pa nga na laging seryoso ang usapan nila pero balewala lang sa akin iyon. Mas naiinis ako kasi hindi kami makapaglaro ng mga kaibigan ko dahil doon nakaparada ang mga sasakyan nila sa lugar kung saan kami naglalaro. Tapos kapag napapadikit kami sa mga sasakyan, para kaming mga pusa na tinataboy.

Noong isang araw nga itinulak pa ako ng isang lalaki kasi sumuot ako sa ilalim kotseng nakaparada doon para kunin ang gumulong na bola ng jackstone na laruan namin. Ang yayabang ng mga iyon. Bata lang naman ako tapos kung paalisin ako para akong aso. Umiiyak akong umuwi kay Nanay at nagsumbong. Pag-uwi ko, ako pa ang napagalitan ni Nanay kasi hindi daw ako manahimik dito sa bahay.

"Saan tayo pupunta, Juanito? Halos lahat ng mga tao dito ay nagdesisyon nang umalis."

Tumingin ako kay Nanay at para siyang naiiyak habang nakatingin kay Tatay. Huminga naman ng malalim si Tatay at umiling.

"Hindi tayo aalis dito, Adora. Dito tayo tatanda. Dito tayo mamamatay dahil atin ang lupa na ito. Hindi tayo magpapagamit sa mga oportunistang mayayaman na umaangkin sa lupa natin."

Nakita kong nagagalit na ngayon ang hitsura ni Tatay. Ilang linggo ko na siyang nakikitang ganito. Madalas talagang tahimik si Tatay at mainit ang ulo lalo na kapag tinatawag na siya ni Mang Bert at makikipag-usap sila sa mga taong pumupunta dito sa lugar namin. Muli akong tumingin sa labas at halos lahat ng mga bahay na naroon ay nakasara na at walang tao.

"Kung pumayag na lang tayo sa gusto nila. Babayaran naman tayo. Malaking halaga na ang singkuwenta mil." Marahang hinahaplos ni Nanay at kamay ni Tatay.

Sunod-sunod ang iling ng tatay ko. "Aanhin ko ang singkuwenta mil? Para na rin tayong tinapakan ng mga mayayaman na 'yon. Singkuwenta mil lang ba ang halaga ng dignidad natin? Pinagsumikapan kong mabili ang lupa na 'to. May titulo tayo kaya hinding-hindi ko ito ipagbibili."

"Tingnan mo naman ang paligid natin. Tayo na lang ang nandito. Naririnig ko sa mga usap-usapan na hindi titigil ang grupong iyon hangga't hindi nakukuha ang lupa na ito. Umalis na tayo. Ang bata pa ni Mikayla para mamulat sa ganitong gulo," sagot ni Nanay.

Hindi kumibo si Tatay pero halatang balisa. Napatingin kami pare-pareho sa pinto nang may kumatok doon at bumukas. Nakita ko si Mang Bert kasama si Patricia. Agad akong napangiti at nilapitan ang kaibigan ko. Katulad ng tatay niya, bihis na bihis din siya. Dumeretso si Mang Bert sa mesa para makipag-usap kina Tatay. Kami ni Patricia ay lumabas.

ROZOVSKY HEIRS SERIES 5: STANISLAV VAUGHN BOOK 1 (COMPLETE)Kde žijí příběhy. Začni objevovat