"Hannah," pagtawag ko sa kanya. May halong pagmamakaawa at sakit para sa mga bagay na kinailangan niyang pagdaanan.

Tila narinig niya ako dahil medyo bumuka ang mga mata niya. Malikot ang mga iyon bago ito tumama sa akin. Bumuka ang bibig niya kaya inilapit ko ang mukha ko para marinig ang sasabihin niya pero tanging hininga niya lang ang dumampi sa pisngi ko bago siya bumalik sa unconsciousness.

Wala pang isang minutong nangyari ang lahat ng iyon ay inihiwalay na ako ng isang babaeng paramedic. "She needs urgent medical attention. Please, kumalma kayo, Sir. Kailangan na siyang madala sa ospital. Pwede naman kayong sumabay sa ambulansya. Relative ba kayo?"

Pinilit kong lunukin ang nakabara sa lalamunan ko. "Hindi. Pero narito ang Lolo niya. Gugustuhin niyang mabantayan ang apo niya." Itinuro ko ang direksyon kung nasaan ang Kakang Isko na nilapitan ng paramedic para ipaliwanag ang sitwasyon. Kahit na hirap maglakad ay halos tumakbo na siya papasok ng ambulansya.

Hindi ko inalis kay Hannah ang mga mata ko. Ang huling nakita ko bago isara ang pintuan ay ang pagkuha ng kanyang Lolo sa kamay niya. Kahit na malayo, kitang kita ko ang mga luhang dumadaloy sa pisngi ng matanda.

Pagkaalis ng ambulansya ay sumunod yung isa pa. Gusto kong malaman ang buong istorya ngayong tapos na ang operation pero mas gusto kong hanapin ang ama ni Hannah para bawian siya sa lahat ng mga pinagdaanan ng anak niya. Ang kaso lang, hindi ko na alam ang hitsura niya. Paano ko na gagawin iyon?

Wala nga talaga akong kwenta.

Iginala ko ang atensyon ko sa paligid at napako sa pintuan ng bahay. Lumalabas na ang ilang pulis, kasama ang ilang mga lalaking nakaposas. Narinig ko ang isa na nagmumura nang nagmumura. Kumakalat ang dugo sa kaliwang balikat niya. Tatlong putok ng bala. Alam ko na kung nakanino ang isa.

Kilala ko ang mukha niya sa mga litratong nakita ko sa presinto. Si Rolando Zulueta.

Naglalakad na pala ako palapit sa kanya. Pinaupo siya sa isang sulok para gamutin ang sugat niya. Kung ako sa kanila, hahayaan ko na lang na maubusan ng dugo ang gago kesa ayusin pa nila. Kulang pa nga iyon sa lahat ng sugat at pasa na inilagay niya sa katawan ni Hannah.

Para akong wala sa sarili ko. Unang kita ko, nakaupo si Rolando sa silya, sumunod ay nasa sahig na siya at patuloy sa pagmumura dahil sa sakit ng pagtama ng kamao ko sa pisngi at balikat niya. Tatayo pa sana siya para labanan ako pero pinigilan siya ng dalawang pulis. May isang humawak sa balikat ko at pinisil iyon. Si Chief Marasigan.

Inilingan niya ako, nagbabanta na kung uulitin ang ginawa ay malalagot na ako.

"Nasaan ang tatay ni Hannah?"

Itinuro niya ang isang lalaking pinipilit ng isang paramedic na maglagay ng oxygen mask. Kaya nga lang itinatabig niya ito at pinipilit niyang tumayo. Narinig kong tinatawag niya paulit-ulit ang pangalan ng anak at asawa niya kasabay ng paghingi ng tawad at pag-iyak. Siya na dapat ang susunod na target ng kamao ko pero nang makita ko siya ay naawa ako sa kanya.

Alam kong hindi iyon ang dapat kong maramdaman pero bakas na bakas ang paghihinagpis niya, hindi ko mapigilang hindi maramdaman. Maging ako ay naghihinagpis. Kahit anong pilit ko, alam kong hindi ko na mabubura sa isipan ko ang hitsura ni Hannah sa stretcher na iyon.

Nilapitan ako ni Kiel. "Nakipag-usap ako doon sa isang babaeng pulis at nakakuha ako ng impormasyon."

Sa normal na araw, maririnig ko ang pagmamayabang sa boses ni Kiel dahil nagawa na naman niyang mangumbinsi ng isang babae gamit ang kaunting pagpupumilit sa kanya. Tanging pagod at pag-aalala lang ang narinig ko sa kanya ngayon.

"Apat na buwan na palang nakabantay ang mga pulis kay Rolando. Mayroong isang pulis sa loob na asset nila, Carlos daw ang pangalan. Albert ang alyas. Iyon yung isa pang dinala nila sa ambulansya. Nang malamang kinidnap si Hannah, gumawa sila ng bagong game plan. Trafficking. Iyon ang operation nila ngayon. Dapat ay 'bibilhin' nila si Hannah nang biglang may nakakita kay Carlos na itinatakas ang susi ng posas ni Hannah. Doon na nagkagulo."

The Sweetest EscapeWhere stories live. Discover now